Werkstatt / Gawaan
Bulaklak ng Maynila

1 Einleitung / Pambungad
3 Texte / Mga Kasulatan


1 Einleitung / Pambungad

Landicho, Domingo G.: Bulaklak ng Maynila
Quelle / Pinagmulan → {16A-2 Bulaklak}.


3 Texte - Mga Kasulatan

Kabanata 8: Bahaghari sa Kubakob (pp. 80-90)

{8.1}
Hindi pa rin tumatakas kay Ada ang dulot ng bagong karanasan sa piling ni Cris nang ihatid siya ng binata sa kanilang lugal. Sumakay sila sa isang taksi at nagpahatid. Habang nalalapit sila, unti-unti nang naghuhunos ang darang sa kaibuturan ni Ada. Unti-unting dumadampulay sa kanya ang kamalayan, ang pagkikintal ng kahulugan ng mga pangyayari.

{8.2}
"Natatakot ako, Cris," sabi ni Ada. "Ano ba'ng ikinatatakot mo?" ungkat ng binata. Payapang nakasandal si Cris sa upuan ng kotse habang magkatabi sila. "Huwag ka nang bumaba, Cris," sabi ni Ada. "Mag-isa na lang akong uuwi sa Looban." "Ano ka ba?" nagtataka ang boses ng binata. "Hindi pa sila sanay na makitang me naghahatid sa 'kin," may kakambal na pag-aalaala ang tinig ni Ada. "Sakay pa tayo sa taksi." "Magsanay na sila," matibay na pasiya ni Cris. "Baka habulin ka ng itak ng Itay," birong ganti ni Ada. "Aawatin mo naman ang Itay mo," sabi ni Cris. "E kung hayaan ko?" tanong ni Ada. "Mabilis akong tatakbo," sagot ni Cris.

{8.3}
"Hindi ka makakaligtas sa habol," ganti ni Ada. "Mawawalan ka ng mahal," ani Cris. Mapinong kurot ang isinukli ni Ada. Idinaiti naman ni Cris ang kanyang labi sa mukha ni Ada. Ikinintal niya roon ang isang mainit na halik. "Kahit saan," anas ni Ada. "Bakit?" "Pilyo ka, saan man," ulit ni Ada. "Kung kapiling kita."

{8.4}
Tumahimik na si Ada. Hinayaan niyang paglaruan ng mga labi ni Cris ang kanyang labi. Hindi iyon maiinit na halik, kundi mapipinong halik na panakaw, manipis, pahapyaw. Nakapikit si Ada. Masalimuot ang mga gunita, parang isang pangarap ang lahat ng iyon, isang panaginip na nakamukha ng katotohanan. "Masakit ang katawan ko," daing ni Ada. "Talaga?" ani Cris. "Gano'n ba 'yon?" tanong ni Ada. "Marahil," sabi ni Cris.

{8.5}
"Bakit marahil?" tanong ni Ada. Ilang saglit na hindi umimik si Cris. Naisip niya, may ibang tinutukoy ang tanong ni Ada. Nagkikislapan ang mukha ng gabi sa lungsod. "Nagdududa ka sa 'kin?" tanong ni Cris. "Sa'n?" tanong ni Ada. "Na sanay ako," turol ni Cris. "Ewan ko," sabi ni Ada. "Ngayon lang nangyari 'to sa 'kin." "Lagi bang naghihinala ang mga babae?" Nagtama ang tingin ng dalawa. Mga tinging sumusukat, kakambal ng pag-uusisa. "Me itatanong ako sa 'yo," patianod ni Cris. "Sige," ani Ada.

{8.6}
Ilang saglit na tumigil si Cris. Parang ayaw niyong ibuka ang labi. "Ano 'yon?" untag ni Ada. "Wala 'to. Pero gusto ko lang itanong. May lalaki pa bang iba sa 'yo?" Naalaala ni Ada si Ed. Nagunita niya ang naganap sa kanila ni Ed noon. Ngunit kakaiba iyon. Hindi iyon kasintindi ng maalab na karanasan niya sa piling ni Cris nang gabing iyon. "Kelangan pa ba 'yon?" "Kung meron, okey lang," pauna ni Cris. Tumingin si Ada kay Cris. Binabasa ang nasa isip ng katabi.

{8.7}

"Ayaw kong magsinungaling sa 'yo. Me lumiligaw sa 'kin, si Ed," pagtatapat ni Ada. "Me ginawa ba siya sa iyo?" tanong ni Cris. "Hindi katulad ng ginawa mo," sabi ni Ada. "Natakot nga ako e," sabi ni Cris. "Buti na lang, me mga gamit si Auntie. Kundi'y mapupuno ka ng dugo." "Nangyari na 'yon," sabi ni Ada na walang bahid-hinanakit ang tinig. "Wala na tayong magagawa." "Kung itanong sa 'yo kung sa'n tayo galing?" tanong ni Cris....

{8.8}
Saglit na nag-isip si Ada. Hindi iyon sumagi sa kanyang isip. Pero paano nga kung itanong iyon? Ang nangyari'y nangyari na. Isang bahagi ng paglago. Isang bahagi ng kanyang pagiging ganap na babae. Ano pa ba ang dapat maging pagtingin doon? "Sasabihin ko," balewalang sabi ni Ada, nagbibiro. "Gaga," sabi ni Cris. "E, ano'ng sasabihin ko?" tanong ni Ada. "Namasyal tayo." "Talaga naman." "Kasama'ng mga classmates mo," paglilinaw ni Cris. "Sinungaling," biro ni Ada....

{8.10}
Sumapit na sila sa kaibuturan ng lungsod. Mangisa-ngisa na ang naglalakad sa bangketa. Naroon pa rin ang ilang nagtitinda. Mula sa gilid ng tindahan, pumailalim silang dalawa sa daanan sa ilalim. Sa hagdang bato, naghampila ang mga pulubi. Matatanda, mga paslit. Nasa isang bukod na panig ang mag-inang madona, ang butuhang ina at butuhang anak. Nakabaluktot ang mag-ina sa isang nakaladlad na karton, sinapinan ng mapanghi at maduming kumot na tagpi-tagpi. Nakasaklay ang kanang bisig sa butuhang katawan ng musmos, parang tinatabingan ng ina ang anak ng kalinga sa lambong ng magdamag sa pusod ng isang walang init na lungsod....

{8.11}
Iwinaksi ni Ada ang mga alalahanin. Pumakabila sila ng daan. Iyon ang kahabaan ng bangketa na pinupu-westuhan nila. Naroon pa rin ang ilang nagtitinda. Ngunit sarado na ang kanilang pinagtitindahan. Marahil, maagang nagsara ang kanyang ina. Marahil, nag-aalala iyon. Kumaba ang kanyang dibdib....

{8.12}
Lumapit si Ada kay Mang Tomas. Nag-aayos na si Mang Tomas ng kanyang puwesto. Inilalagay na ng matanda ang mga kagamitan sa pagkukumpuni ng sapatos, iniisa-isang ilagay ang martilyo, basyong may lamang pako, boteng may lamang panlimpiya-bota. Nakasandal sa isang saradong puwesto ang teheras na nakatiklop na ilalahad ng matanda makaraan para pagpahingahan sa loob ng magdamag. Nagtaas ng ulo si Mang Tomas. Sinipat si Ada. Lumipat ang mata ng matanda kay Cris, nag-uusisa at nagsusuri. ...

{8.13}
"Bago 'ata 'yan, Ada," pansin ni Mang Tomas. "Si Cris ho," pakilala ni Ada. "Magandang gabi ho," bigay-galang ni Cris. "Magandang gabi," tugon ni Mang Tomas. "Si Inay ho?" may pangamba ang tinig ni Ada. Tuwid na tiningnan ni Mang Tomas si Ada, pagkaraan ay tuminging waring nagpapahiwatig kay Cris. "Kanina pa alalang-alala si Azun. Maaga tuloy nagsara ng puwesto ang ina mo," sabi ni Mang Tomas. Napatingin si Ada kay Cris. "Nagkayayaan ho e," sabi ni Ada. "Naku'y sa ina mo dapat kang magpaliwanag. Ano ba'ng pakialam ko riyan?" patianod ni Mang Tomas at bumaling na muli sa kanyang ginagawang samutsari sa pag-aayos ng maliit na puwesto....

{8.14}
Hindi naglipat-saglit, lumapit si Doray. Kalalabas lang ng babae sa isang bar at nagtuluy-tuloy sa umpok ni Mang Tomas. Matalim ang ipinukol na tingin ni Doray kay Cris. "Sa tagal ng pagkawala mo, maaaring nagalugad mo na'ng buong Maynila, Ada," bunganga ni Doray. "Nagkayayaan lang ho kami ng mga classmates ko," katwiran ni Ada. ...

{8.15}
"Hindi ko na sakop 'yon. Pero alam mo ba ang epekto ng paggala mo? Ang pamangkin ko, naku, di tuloy nakapagtinda ng sigarilyo sa kaaabang sa 'yo," parinig ni Doray at makahulugang sinulyapan si Cris. Alam ni Ada na walang mabuting patutunguhan ang usapang iyon. Talos na talos niya ang ihip ng hangin sa bangketa. Alam niya kung ang timpla ng pag-uusap ay usapang tsismis o usapang tungayawan. Talos niyang si Doray ay tangay ng masamang hangin. Medyo nakainom ang babae, at talos ni Ada na alaskang-alaska iyon dahil sa pagkakakitang may ibang lalaki siyang kasama....

{8.16}
"E sige ho," sabi ni Ada. "Uuwi na ho ako." "Me drama na naman sa Looban," pabuntot na saring ni Doray. Hindi na ininda ni Ada ang lahat. Tinalunton nila ang isang maliit na bulaos, na siyang tapatan papasok sa bakuran. Mula sa maliwanag na bangketa, ang maliit na tinatapat na eskinitang iyon ay babagtas sa ilang puwesto ng kulutan, maliliit na karinderya, at isang mumurahing hotel. Wala nang mga tao sa mga puwestong iyon, at maya-maya pa, nasa bungad na sila ng Looban. Nakabuntot pa rin si Cris. ...

{8.17}
Huminto si Ada. "Huwag ka na kayang sumama," sabi ni Ada. "Ihahatid kita sa inyo," sabi ni Cris. "Ano'ng iisipin nila?" agam-agam ni Ada. "Ihahatid kita," matatag na sabi ni Cris. Tuluyan nang lumakad si Ada, kaagapay si Cris. Tinalunton nila ang makipot na daan, parang maliit na pilat sa mukha ng karalitaan ng Looban. Dai-daiti ang bahay. Sa talsik ng malabong ilaw, marawal na mukha ng tagpi-tagping karton at lata na parang pagod na nahihimlay. Naroon ang mga tablang nakapatong sa mga tipak ng bato. Kung tag-ulan, ang mga tabla'y siyang timong daanan ng mga tao, para hindi dumaan sa sumasanaw na makutim na tubig. May mga anag-ag ng liwanag sa itinatalsik ng mumunting siwang ng mga tagping dingding. May mga pamilyang nakahimlay sa silong ng kubakob. Sa itaas, nakasardinas ang ilan-ilang pamilya. ...

{8.18}
Tumigil ang dalawa sa tapat ng bahay nina Ada. Pumasok si Ada sa nakaawang na panaradong kahoy sa makipot na pultahan. Saglit na huminto si Ada sa may pintuan. Bukas pa ang ilaw sa loob. Pero walang kaluskos ng buhay doon. Tumingin si Ada kay Cris, parang sumasangguni ang mga mata. "Tutuloy ka pa ba?" pabulong na tanong ni Ada. "Ihahatid kita," panatag ang tinig ni Cris. Kumatok si Ada sa pintuan....

{8.19}
Saglit na namaikpik ang katahimikan. Ang kapanataga'y waring nanantiya, na lalong nagpakaba sa dibdib ni Ada. Muling kumatok si Ada. May narinig silang kaluskos. May mga yabag na lumapit sa may pintuan. "Sino 'yan?" tanong ng nasa loob. "Ako, Inay," tugon ni Ada. Bumukas ang pinto. Maasim ang mukha ni Azun. Tumuloy si Ada. Sumunod si Cris. "Si Cris, Inay. Ang Inay ko," pagpapakilala ni Ada. "Magandang gabi ho," sabi ni Cris. Hindi tumugon si Azun. Sinundan nito si Ada. Umupo ang anak sa isang silya. Pinaupo rin nito si Cris, malapit lang sa kanya....

{8.20}
"Nakatulog na ako sa paghihintay sa iyo!" marahas ang salita ni Azun. "Nagkayayaan kami ng mga classmates ko," katwiran ni Ada at napatingin siya kay Cris. "Hindi na 'to uwi ng babae. Ng kagaya mong me gatas pa'ng labi, Ada," patuloy na bunganga ni Azun, na parang walang narinig na katwiran. "Iyon pala'y kasama ka ng 'sang lalaki. Puwes, wala akong pakialam kung sa'n kayo nagpunta." "Lumabas lang kami ng mga kaklase ko," inulit ni Ada ang pagsisinungaling....

{8.21}
Pero walang pakialam si Azun sa mga katwiran. Pikang-pika siya. At tiningnan niya nang makahulugan si Cris. Pagkatapos, sinukat niya ang tingin ang anak. "Ito lang ang masasabi ko," babala ni Azun. "Pag me nangyari sa 'yo, Ada, tandaan mo, bumalik na sa pinang-galingan ang me kagagawan, malilintikan sa amin ng Itay mo!" Nakatingin lamang si Cris kay Ada, habang nagbu-bunganga si Azun. Sa likod ng kanyang isip, alam niyang may kasalanan siyang nagawa kay Ada. Ngunit iyon ay dulot ng kanyang pag-ibig at sa pag-ibig, ang lahat o ang lahat-lahat na mga mumunting kasalanang nagagawa sa kanyang pangalan - ay maaaring maunawaan at patawarin....

{8.22}
"Mahirap lang kami," patuloy ni Azun. "Pero alam namin ang kahulugan ng dangal. Pag wala na kami nito, wala nang matitira sa amin." "Inay, ang dami-dami mo nang nasabi," pakiusap ni Ada. "Huwag mo akong pakialaman," singhal ni Azun. "Wala ka namang dapat ipag-alaala, Inay," ani Ada. "Me mata ang dibdib ng ina, Ada," pakli ni Azun. Hindi nagtagal at tumayo na rin si Cris. "Magpapaalam na po ako," sabi ng binata. "Pasensiya na kayo," habol-paghingi niya ng paumanhin. ...

{8.23}
Hindi umimik si Azun. Alam ni Cris ang kahulugan niyon. Dumako na siya sa may pintuan. Sumunod si Ada."Pasensiya ka na sa Inay," hinging-paumanhin ni Ada. "Wala 'yon," sabi ni Cris. "Paano?" may agam-agam si Ada. "Uuwi na ako," ulit ni Cris. "Ikaw na'ng bahala," bilin ni Ada. "Okay lang," paniniyak ni Cris....

{8.24}
Lumabas na si Cris. Sa makalabas-bakod, lumingon siya. Nasa may pintuan pa si Ada. Alam niya, inihahatid siya ng tingin ni Ada. Inut-inot na lumakad si Cris. Lukob ng dilim ang Looban, hindi sapat ang mga talsik na liwanag sa loob ng mga kubakob para tanglawan ang daanan. Tinantiya na lamang ni Cris ang landas pabalik, palabas sa bangketa. Habang tinatalunton ni Cris ang landas palabas, umuukilkil sa kanya ang buong pangyayari. Ang naganap sa kanilang dalawa ni Ada sa loob ng apartment ng kanyang tiya. Alam niya ang kahulugan niyon....

{8.25}
At handa siya. Alam niya, ang pangyayari ay bunga ng tukso ng pag-iisa. Dinala niya si Ada sa apartment upang ipakilala sa kanyang tiya. Ang mga sumunod na pangyayari ay hindi bahagi ng kanyang balak. Ang pag-iisa ay isang mapanganib na tukso at ang tukso ay makapangyarihan, lumulukob at sumasalanta sa anumang tatag ng tao. Ngunit ano pa ang kanyang magagawa? Ang nangyari'y nangyari na. Papalabas na si Cris sa may bangketa. Maliwanag pa rin ang dakong iyon. May mangilan-ngilan pa ring tao. Sarado na ang mga tinda sa bangketa. Gabi nang talaga, naisip ni Cris. Tuluy-tuloy ang kanyang ginawang paglakad. Iniisip niya, kukuha siya ng taksi, magpapahatid sa apartment. Walang tao sa apartment, alam niyang umaga na ang balik ng kanyang tiya. ...

{8.26}
Walang kaginsa-ginsa, may pumagitna sa kanyang dinadaanan. Isang binatang halos kasing-edad niya, mabulas ang pangangatawan, na sa ayos ay mahihinuhang bahagi ng lansangan, ang nasa gitna ng kanyang landas. Naging mailap ang mata ni Cris. Tumalas ang kanyang pakiramdam. May barkadang nakapaligid ang sumasalubong sa kanya. "Sandali lang, pare," sabi ng sumalubong....

{8.27}
Huminto si Cris. Sinukat niya ang kasalubong. Mga dalawang dipa ang layo, huminto rin ang sumalubong. Huminto rin ang barkada. "Me kailangan ka ba sa 'kin?" tanong ni Cris. "Ikaw 'yong naghatid ke Ada?" tanong ng sumalubong. "Ako nga," amin ni Cris. Tumigil sa pagsasalita ang sumalubong. Tinitigan niyang mabuti si Cris. Sinusukat niya ang kaharap. "Ako si Ed," pagpapakilala ng sumalubong. "Ako si Cris," ganti ng sinalubong. "Bata ko si Ada," sabi ni Ed. "Okey lang," pakli ni Cris....

{8.28}
"Ayaw kong ihahatid siya ng kung sino dito sa 'ming lugal," banta ni Ed. "Malabo naman 'yon, pare," ani Cris. "Lumiligaw ka ba ke Ada?" tanong ni Ed. "Lalaki ka ba?" ganting tanong ni Cris. "Bata ko siya, pare," pagdidiin ni Ed. "Kasintahan ko si Ada," sabi ni Cris. Nagpanting si Ed. Hindi niya matatanggap na may isa pang lalaki sa pagitan nila ni Ada. "Ang yabang mo a," sabi ni Ed. "Sinusugalan lang kita, pare," ganti ni Cris. "Lugal namin 'to," banta ni Ed. "Ano ba'ng gusto mo?" tanong ni Ed. Binalingan ni Ed ang mga kabarkada sa likuran. "Akin 'to," sabi ni Ed. Tumatag si Cris. "Walang tutulong sa inyo," ulit ni Ed....

{8.29}
Unang nagpakawala ng buntal si Ed. Nasapol sa panga si Cris. Parang kumislap ang mga bituin sa lupa sa tingin ni Cris. Nagpakawala rin ng suntok si Cris, ganting-salakay. Nakailag si Ed, sabay-salag sa suntok. Umulit si Cris ng mga suntok. Sunud-sunod. Nasapol niya sa mukha si Ed. Sa lakas ng tama, napasadsad si Ed sa isang nakasaradong puwesto. Tuluy-tuloy na dumaluhong si Cris. Sumalubong din si Ed. Nagpalitan ng mga suntok. Umaatikabo. Nang mapagitna sa bangketa, ginamit ng dalawa ang mga paa. Tadyak. Sipa. Suntok. Takyak. Umaatikabo. May putok na ang labi ni Cris. May pasa sa mukha si Ed. Pero patuloy pa rin ang walang-tantang sukatan ng lakas sa bangketa. ...

{8.30}
Dumami ang tao sa bangketa. Nag-uusyoso. Nang-uupat. Parang walang nais umawat sa nag-aaway. Sa iba, isa iyong malupit, madugong laro na libreng panoorin. "Arya! Buntal!" sigaw ng isang miron. "Sige! Basagan!" kantiyaw ng isang sabog sa alak. Patuloy ang dagukan. At may dapat sumuko. Hindi nagtagal, napaluhod si Cris. Nanaig ang lakas at sunog-lansangan. Parang matagumpay na gerero si Ed. Iuunday na lamang ni Ed ang huling dagok nang biglang may humagip sa kanya. "Tama na 'yan!" sigaw ng dumating. Si Ada ang dumating. Mula sa kanila, narinig niya ang ingay ng pagkakagulo sa bangketa. Kinutuban siyang si Cris ang sangkot sa gulong iyon. At hindi siya nagkamali. ...

{8.31}
"Ano ba naman?" tanong ni Ada. Tumayo si Cris. Duguan ang labi nito. May dugo rin ang ilong ni Ed. Parehong may tama ang kanilang mga mukha. "Ano ba naman kayo?" hindi maintindihang naitanong ni Ada. "Wala 'to," sabi ni Cris. "Pambihira naman kayo," sabi ni Ada. "Okey lang ito," pakli ni Ed. Pumara si Cris ng taksi. Sumakay. Ni hindi iyon nagpaliwanag pa. Nakamata lamang si Ada, makaraan ang pambungad na mga salita. Hindi niya maipaliwanag sa sarili ang kahulugan ng away na iyon sa bangketa. Dumating na rin si Azun. Galit na galit na sinundan ang anak. ...

{8.32}
"Uwi sa bahay," sabi ni Azun sa anak, nang maging malinaw sa kanya ang lahat. Walang imik na sumunod si Ada. Nagpuputok ang kanyang dibdib sa sama ng loob. Sa pagbabalik ni Ada sa Looban, sumunod si Ed. "Napakahayop mo, Ed!" sumbat ni Ada. "Mahal kita, Ada," sabi ni Ed, mahina ang boses, sinusupil na waring humihingi ng unaawa. "Wala namang kasalanan 'yong tao," matalim ang mga salita ni Ada. "Mahal kita, Ada. Kaya nangyari 'to," nais magpaunawa ng tinig ni Ed. ...

{8.33}
Napatingin si Ada kay Ed. Napopoot siya. Hindi niya alam ang saklaw ng poot na iyon. At si Ed lang ang maaaring pagtuunan niya ng galit. "Wala akong gusto sa iyo, Ed," mariin ang mga salita ni Ada....

{8.34}
Hindi nakaimik si Ed. Hindi niya inaakalang maririnig iyon kay Ada. Napaurong siya sa sumambulat na kato-tohanang iyon. Hinayaan na lamang niyang maglakad si Ada, pauwi. Hanggang lamunin ng dilim ng Looban. Para siyang ipinako sa kanyang kinaroroonan, nalilito sa nangyari. At si Ada, sa lundo ng lahat ng iyon, sa pag-iisa'y ipininid ang pintuan. Hindi na niya inanino pa ang naiwang si Ed. Ibig niyang takasan ang hindi maipaliwanag na karanasan na sumapit sa kanya, parang bahaghari nang gabing iyon. ...



Die filipinische Sprache von Armin Möller   http://www.germanlipa.de/text/bulaklak.html
100225 / 220714

Ende / Wakas   Bulaklak ng Maynila

↑↑   Werkstatt / Gawaan   Ugnika