Werkstatt
Manzano, Leah D.: Pagbabalik   (• Balik)

1 Einleitung
3 Originaltext


1 Einleitung

Quelle: Manzano, Leah D.: Pagbabalik
Bagong Manunulat ng Liwayway, LIWAYWAY, 25 Enero 2010 { Liwayway}



3 Originaltext

{3.1}
Kailanman'y di na sumagi sa isip ko na makababalik pa ako sa Salcedo, ang kinalakihan kong baryo. Kung saan mayaman ako sa mga masasayang alaala ng aking kabataan. Ngunit mas marami pa rin sa mga karanasang iyon ang masasakit. Na kahit pilit kong ibaon sa limot, patuloy na nananariwa at nagpapaalala sa lugar na iyon.

{3.2}
"Lumayas kayo rito!" Naaalala ko pang malakas na sigaw ng hari, siya ang tumatak sa aking murang isipan na larawan ng isang tunay na hari. Malaki ang bulto ng katawan. Nakakatakot na mukha. Halos matabingan ang malalaking mga mata nito ng malalago niyang kilay. At ang mahahabang biyas na mga kamay ay may hawak na karit at itak. Ang aming dampang bahay ay nagsimulang gibain. Iyon ay sa pamamagitan lamang ng mala-halimaw na lakas ng hari. Dahil yari sa pawid at kawayan ang aming bahay, mabilis ang naging pagbagsak nito.

{3.3}
Wala kaming magawa kundi panoorin ang pagwasak ng aming bahay. Wala kaming kalaban-laban. Sabi ng hari, wala kaming karapatan sa lugar na iyon, dahil sakop iyon ng kaniyang pag-aari na ipinamana raw ng yumaong mga magulang. Umalis kami sa Salcedo. Wala kaming dala maliban sa aming mga damit. Tumungo kami sa kabihasnan. Nakakapanibago ang dami ng tao, ang ingay ng transportasyon, ang-mga bahay at gusali na aming nalalampasan. Ngunit tila naghuhudyat iyon ng panibagong pag-asa para sa amin.

{3.4}
Nanuluyan kami sa isang kaibigan ni Itay, si Mang Erning na mekaniko. Mabait si Mang Erning at si Aling Bebeng na asawa nito. May-asawa na ang nag-iisang anak na babae ng mga ito, kaya silang mag-asawa na lamang ang naroroon. Hindi kami nag-aksaya ng panahon. Sa araw ding iyon ay nagsimula kami nina Itay at Inay sa kani-kaniyang trabaho.

{3.5}
Dahil may kaalaman naman si Itay sa pagkakalikot ng sasakyan, sinuwerteng napasok din siya sa pinapasukan ni Mang Erning. Malayung-malayo sa gawaing pagsasaka na nakasanayan niya sa aming probinsiya. Si Inay naman ay sumasama kay Aling Bebeng sa pagtitinda ng mga gulay sa pamilihang bayan. At ako, habang taga-shine ng sapatos sa araw ay nag-aaral sa isang unibersidad tuwing gabi. Nalalaman kong ang edukasyon ang magiging susi upang makamit ko ang aking pangarap. Na siyang gagamitin ko rin upang maiahon sa kahirapan ang aking mga magulang.

{3.6}
Lalong naging pursigido akong makatapos sa pag-aaral sa tuwing naririnig ko ang pagdaing hina Itay at Inay. Sa mga nakalipas na araw ay marami na silang idinadaing na pananakit ng katawan. Ang papahukot nilang katawan, maging ang papaluyloy na balat at pagsalit ng mga puting buhok, ay naglalarawan na ng kanilang mabilis na pagtanda. Ako nga'y tunay na nababahala ...

{3.7}
At matapos ang apat na taon na tigib ng pagtitiis at hirap, nakuha ko rin ang pinakaaasam na titulong pagka-guro. Nasaksihan ko ang matamis na ngiti sa mga labi ng aking mga magulang habang umaakyat ako sa entablado para kunin ang aking diploma. Band ko ring ito ay simula pa lamang ng lahat sa aking buhay.

{3.8}
Kumuha agad ako ng board exam. At totoong napakabait ng Diyos, dahil pinalad akong makapasa at nakasama pa sa Top List. Sa mga ganitong pagkakataon ng aking tagumpay, nagkakaroon kami ng salu-salo sa hindi namin sariling bahay. Walang kamag-anak. Walang ibang kadugo. Hindi tulad noon sa probinsiya, na kapag may handaan, ay napupuno ang aming tahanan ng mga pamilyar na mukha. May pait ang ngiting sumilay sa aking labi. Sumagi sa aking isip ang nakakatakot na mukha ng hari. Ang nakakikilabot nitong tinig. Ang hari na walang habas na gumiba sa aming bahay na pinaghirapang itayo nina Itay at Inay. Ang hari na nagpalayas sa amin kaya napalayo kami sa lugar na aking minahal at kinalakhan.

{3.9}
Tatlong taon pa ang lumipas. Nakapasok ako bilang isang guro sa isang kilalang pamantasan. Dahil sa sipag at determinasyon, naipatayo ko na rin ng bahay sina Inay at Itay. Naibili ko rin si Itay ng pampasadang dyip gaya ng nais nito. Si Inay naman ay di natigil sa pagsama kay Aling Bebeng sa paglalako ng mga gulay sa palengke. Tuwing may mahahalagang okasyon ay kasama namin sina Aling Bebeng at Mang Erning na nagsasalu-salo sa aming bagong tahanan. Natupad ko rin sa wakas ang aking pangarap.

{3.10}
Isang gabi habang naghahanda ako ng aralin para kinabukasan, narinig ko ang mga katok sa aking pintuan. Si Inay. Inabot sa akin ang isang sobre. Telegrama. Matapos kong basahin ay aking kinuyumos at itinapon sa aking waste basket na puno na rin ng mga itinapon kong burador. Hindi nagsalita si Inay. Tahimik na lumabas siya sa aking silid. Galing sa probinsiya ang sulat. May-sakit daw ang hari. Humihingi ng tulong-pinansiyal. Narinig ko ang aking sarili na tumatawa. Payak. Walang-buhay. Bumabagsak din pala ang hari. Pero ano't makalilimutin ata ito. Nawala ba sa isip nito na kami yaong mga taong kaniyang inapi? Ano't ang lakas naman ng loob nito na sa amin pa humihingi ng tulong?! Malalim na ang gabi nang ako'y dalawin ng antok.

{3.11}
Nagbalik tanaw ako at sumagi sa aking isipan ang pamilyar na bulto habang lumalakad ako sa mga pilapil. "Tiyong" tawag ko sa nakatalikod na lalaki. Dito sa bukid ko siya madalas makita. Humarap siya. Ang malalaki niyang mga mata ay halos tabingan ng malalagong kilay. Hawasan ang kanyang mukha. Mahahaba ang mga biyas. Ang ibangmga bata ay natatakot sa kaniyang hitsura, maging arig matatanda sa aming lugar ay takot din sa kaniya. Ang bansag sa kaniya ay hari, siya kasi ang hari-harian sa bukid.

{3.12}
Siya ang may pinakamalawak na sakop na bukirin sa aming lugar. At balitang malakas pa ito sa kalabaw nito kung magtrabaho. Aywan ko ba, pero sa pagkakataong iyon ay palagay na palagay ang loob ko sa kapatid ng aking ina. "Tiyong," tawag ko uli. Iwinagayway ko ang tatlong pirasong papel na hawak ko. Bahagya itong ngumiti. "Narito na po." Inabot ko sa kaniya ang mga papel. "Simulan na natin," aniya sa malaking tinig.

{3.13}
Tuwang-tuwa ako habang pinagmamasdan ang kaniyang ginagawang mga bangkang-papel. Doon sa mga papel na iyon ay isinulat ko ang mga pangarap ko. Natapos ang mga bangkang-papel. Sinamahan ako ni Tiyong sa may gulod. Kung saan madalas akong maligo. Doon ay tuluy-tuloy ang agos ng tubig. Magkakasunod na ipinaanod ko ang tatlong bangkang-papel. Nakakatuwang pagmasdan. Hanggang sa mawala ito sa paningin naming dalawa ni Tiyong.

{3.14}
"Tiyong, sigurado bang sa dulo ng ilog ay may naghihintay na diwata? At mababasa niya iyong nakasulat sa bangkang-papel? Tapos tutuparin na niya iyong pangarap ko, diba?" Nakaguhit sa inosente kong mukha ang pag-asam.

{3.15}
Tumawa si Tiyong. Napahalakhak. Mahabang sandali rin ang lumipas bago ito tumigil. Mangiyak-ngiyak pa ito nang matapos. Nagtaka ako. Ano naman ang nakatatawa sa sinabi ko? Gayon din kasi ang paniwala nina Enok at Buknoy na mga kaibigan ko. Hindi nga ba't nagpapabili rin kami ng lobo sa aming mga nanay kapag lumuluwas kami sa kabayanan? At sa pisi ng mga lobong iyon ay itinatali ang mga sulat naming naglalaman ng munti naming mga pangarap, saka hinahayaang ito'y ilipad ng hangin. Dahil sa paniwala namin, may makapangyarihang kamay ang kukuha niyon pag nasa alapaap na. Babasahin. At sa isang pitik ng daliri, tutupdin na ang aming mga pangarap.

{3.16}
Seryoso na nang magsalita si Tiyong. "Ano ba ang pangarap mo na isinulat mo roon?" Hindi ako nag-isip pa. Noon pa man ay buo na ang pangarap ko. "Gusto ko pong maging titser, Tiyong. Tulad ni Titser Albert, ang bait-bait kasi niya at ang galing-galing pa. Kaya iyon ang isinulat ko sa bangkang-papel, na gusto kong maging titser." Walang pag-aalinlangang sagot ko.

{3.17}
Ginulo ni Tiyong ang buhok ko. Wari'y tuwang-tuwa siya sa akin."Mabuti sa isang tao ang may pangarap, Jun. Bibigyan nito ng direksiyon ang buhay mo. Wag kang umasa sa isang diwata, bagkus ay magsikap ka at magtiyaga, at makakamit mo ang iyong pangarap. Huwag mong hayaang humangga lamang sa papel ang mga pangarap mo. Matuto kang gamitin ang mga karanasan mo sa buhay para makatuntong ka sa pupuntahan mo."

{3.18}
Napansin ko ang lambong sa mga mata ni Tiyong. Ang madilim niyang mukha ay lalo pang nagdilim. Kapagkuwa'y tumayo siya at walang imik na lumakad palayo. Katulad sa mga bangkang papel ay nawala ang kaniyang bulto sa aking paningin.

{3.19}
Napabalikwas ako sa sunud-sunod na katok sa pinto. Narinig ko ang tinig ni Inay, nagtatawag na ito para sa agahan. Tahimik ang lahat sa hapag. Tila nakikiramdam sina Itay at Inay. Inaantay na ako ang bumasag sa katahimikan. Bago pa ako manaog ay nakapagpasya na ako. Tutal naman ay di kami makararating sa kinalalagyan namin ngayon kung hindi dahil kay Tiyong. Maaaring kinasangkapan lamang siya para tamasahin namin ang anumang mayroon kami sa ngayon. Hindi rin ako magpupursige ng ganito para matupad ang pangarap ko kung hindi dahil sa kaniya. Nagkataon latig din siguro na nabulag ito sa kasakiman kaya pati bahay at lupa na ipinamana kay Inay ng kanilang mga magulang ay kaniyang kinamkam.

{3.20}
Matagal na panahon na rin naman ang lumipas. Halos nakalimutan ko na rin si Tiyong pala ay bahagi rin ng aking kamusmusan. Naging bahagi rin siya ng aking pagkatao. Panahon na para palayain ko na ang mapapait na alaalang dulot ng nakalipas. Isa pa'y, nami-miss ko na rin si Tiyong, ang hari na nagpalayas sa amin. Miss ko rin ang iba pa naming kamag-anak. Panahon naman para siya ang gawan ko ng bangkang-papel at kung kaya rin lang, ay ako na mismo ang tutupad sa kaniyang kahilingan. Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. "Tay, ihanda niyo po ang dyip, bibiyahe tayong probinsiya, dadalawin natin ang hari." Ngumiti sina Itay at Inay. At naghanda kami sa aming pagbabalik.



Die filipinische Sprache von Armin Möller
http://www.germanlipa.de/text/balik.html   100122 - 220724

Die filipinische Sprache - Werkstatt - Ende Pagbabalik

Seitenanfang   Titelseite Werkstatt   Syntax   Titelseite Filipino   Mabuhay