13 Mga Pangungusap at mga Sugnay
(Talaksan 13/2)

13-2 Pangungusap na payak (pagpapatuloy)

13-2.3 Mga pangungusap na di-batayan

Di-batayan ang mga pangungusap na may kayariang iba sa pangungusap na batayan. Pangungusap na di-batayan ang mga pangungusap na may panggitaga, panggitahil at mga pangungusap na walang paniyak.


13-2.3.1 Mga pangungusap na may panggitaga o panggitahil

(1) Panggitagang paniyak ang pinakamalimit na pangungusap na di-batayan {11-6.4}. Panghalip ang paniyak ng pangungusap na ito. Dahil sa gawing hutagang nito, iniuuna ito sa panaguri [1 2], malimit na may pang-angkop ang panghalip [1 3 4]. Tanging uri ng panggitagang paniyak ang panggitagang pangkaroon [3] {11-6.7}, isa pa ang panggitagang pangmarihil kung may gawing di-makangalan ang pang-abay na pangmarahil [4] {11-6.6}.

(2) Nabibilang namin ang pangungusap na panggitagang paniyak sa pangungusap na di-batayan. Nasa loob ng panaguri ang paniyak, walang katanungan kung karaniwan o di-karaniwan ang ayos. Maaari nasa harap ng salitang makatukoy ng panggitaga ang pananda ng panaguri na ay [5] kung ito'y bahagi ng panaguri. Sa aming palagay, hindi parirala ang kataga ng panggitaga. Nawalan ng katangian na salitang pangnilalaman ang panghalip na ito, naging salitang pambukod ang mga ito. Kung itinutuloy ang isip na ito, sa pananaw ng palaugnayan pangungusap walang paniyak ang pangungusap ng panggitaga {11-6.9 Θ (3)}.

(3) Sa pangungusap na may pang-abay na pangmarahil at pandiwa, maaaring ilagay sa pagitan ng pang-abay na pangmarahil at pandiwa ang paniyak kahit hindi ito panghalip [6 7] {10-4.1.1}. Tinatawag naming panggitahil na paniyak ang yaring ito. Kahit may pananda ang paniyak, nasa harap ng salitang pang-ubod ng panaguri (palaging pandiwa) ang paniyak. Iniuuna sa pandiwa ang pang-angkop (hindi ang pananda ng panaguri), dahil dito nabibilang namin sa pangungusap na di-batayan ang yaring ito. Mapapansin ang pagkakahawig sa panggitagang paniyak.

 
[1]Agad itong tumalon sa balon. {W Aesop 3.1.2} {GTT}
[2]Hindi siya makatulog dahil sa galit at pagkainis dito. {W Karla 5.203}{GTT}
[3]Wala siyang pera.{GTD}
[4]Kung sinabi ng magsasaka na siya na ang gagawa ng pag-ani, dapat tayong maniwala! {W Aesop 3.4.5}{GTH}
[5]Kasabay sa muling pagkaakit niya sa nakabibighaning mga kulay nito ay hindi siya nagdalawang isip ... {13K-101 [1b] Σ}{GTT}
[6]Gusto ni Linda si Jessica na mag-aral nang mabuti. {10K-4121 Σ} {GHT}
[7]Puwede ang pahayagang basahin ni Miguel. {10-4.1.3 [6]} {GHT}

13-2.3.2 Mga pangungusap na walang paniyak

Nagpapahayag ng buong kaisipan ang pangungusap. Malimit, nagpapahayag na ng buong kaisipan ang panaguri at hindi na kailangan ng pangungusap ang paniyak sa kadahilang pansemantika. Katangian ng wikang Filipino ang kawalan ng paniyak na pampalaugnayan kung walang paniyak na pansemantika. Kung kaya, mayroong mga pangungusap na walang paniyak (susing {S-../P0} o {S-../YP0}).

Napakadalang ang pangungusap na may pangalawang panaguring may di-karaniwang ang sa halip ng paniyak [13].

 
[1]Umuulan na.
[2]May bigas sa tindahang iyan.
[3]Sa Linggo ay walang pasok.
[4]Gusto ko ng kape.
[5]Gustong matulog ng bata sa bahay niya.
[6]Kailangang maligo araw-araw.
[7]Pakiabot ng bote.
[8]Bilisan mo.
[9]Kakakain lang namin.
[10]Tao po.
[11]Ako na lang.
[12]Simula noon ay naging napakalungkot na ng bawat gabi. {W Laruang Krus 3.6}
[13]Ikalawang binago ni E. ay ang balangkas ng lumang awit. { Almario 2006 p. 357}

Dapat ihiwalay sa mga pangungusap na walang paniyak ang mga ito na may sugnay na hinahalinhan ang paniyak {2-4.9}.


13-2.3.3 Mga sugnay ng pagpapahayag ng pagsasalitang sinipi

Tambalang pangungusap ang pagsasalitang sinipi {13K-2331}. Karaniwang sa likod ng pagsasalitang sinipi ang sugnay ng pagpapahayag. Karaniwang ito'y pangungusap na walang paniyak. Maaaring anyong pamanahon ng pandiwang balintiyak ang panaguri ng sugnay ng pagpapahayag [1], mas madalas na ginagamit ang ugat-salita bilang anyong pinaikli ng pandiwang ito [2 5]. Pati maaaring pangngalan [3] o pangngaldiwa [4] ang panaguri. Sumusunod na pantuwid ang nagsasalita [1-4] (panggitagang pantuwid sa [5]). Maaaring magpalawak ang sugnay ng pagpapahayag sa iba pang parirala (halimbawa: pang-abay, pandako) [5 6]. Sa halimbawang [7-9], iba pang mga kayarian ang sugnay ng pagpapahayag. Katangian ang yaring may a- [10].

 
[1] "...," nasambit ni Camille. { LIW 12 Dis 2005 Camille, Angelica} {DB10}
[2] "...," sisi naman ng isa. {W Unawa 3.5}{X/DB}
[3] "...," wika ni Paola.{N}
[4] "...," pagtatapos ni Camille. { LIW 12 Dis 2005} {ND}
[5] "...," matigas niyang sabi. {W Unawa 3.7}{X/DB?N}
[6] "...," sabi sa kanya ni Russel. {W Unawa 3.2} {X/DB?N}
[7] "...," ang kanyang ina. {W Unawa 3.9} {13-2.3.4} {P-T?}
[8] "Mamamatay tayo sa uhaw at gutom dito," ang sabi ng kambing. {W Aesop 3.1.2} (Madalang ang sugnay ng pagpapahayag na may ang.){P-T?}
[9] "...," nabasag ang kanyang boses. {W Unawa 3.9} {P-P P-T}
[10][a] "Nay," aniya. {W Unawa 3.10} |a+niya| [b] "...," anang babae habang ... {W Karla 5.205} |a+ng| [c] "Halika, ibubulong ko sa'yo," ani Buwaya. {W Gubat 3.6} |a+ni| {?}
Iba pang mga sugnay ng pagpapahayag {13K-2332}.

Kung sa wakas ng pagsasalitang sinipi ay may tuldok, kinakaltas ito; kuwit naman at inilalagay sa halip nito [11]. Kung may ibang bantas sa wakas, nananatili ito [12].

 
[11] "Maliit pa ako," sabi ni Ana.
[12] "Sino po kayo?" tanong ng tanod.

13-2.3.4 Mga pangungusap na walang panaguri

Dapat magkaroon ng panaguri at paniyak ang Filipinong pangungusap na batayan. Madalang ang mga pangungusap na walang panaguri; di-batayan at di-ganap ang mga ito.

 
[1]Ang kanyang pagbubuntis. {W Unawa 3.5}
[2]Ang dami na nating nagawa na krus. {W Laruang Krus 3.2}

13-2.3.5 Mga pangungusap na putol

Mga 'pangungusap na putol' ang pangungusap na walang iisang pagbuong pampalaugnayan. Sinisimulan ang pangungusap na itutuloy sa palaugnayang binago. Bumubukal ang dalawa o higit sa dalawang bahaging hindi bumubuo ng magkasamang sugnay. Malimit at halos di-sinisadya itong nangyayari sa pananalitang pang-araw-araw [1b]. Maaaring gamitin ang pangungusap na putol sa pananalitang nakasulat, ngunit madalang ang mga ito [2 3]. Sa tulong ng pangungusap na putol maaaring iwasan ang pangungusap na may ayos na di-karaniwan ng panaguri at paniyak (walang ay sa likod ng ang kanyang ina sa [3]).

 
[1][a] Si Gina, nasaan na siya? [b] Si Gina, nasaan na?
[2]Kami, magpapahinga. Kayo, magtatrabaho. (Kina {Schachter 1972 p. 493} tinatawag na 'contrastive inversion' ang mga pangungusap na ito.)
[3]Ang kanyang ina, tuwing mamalengke ito ay madalas siyang isinasama. {W Unawa 3.3}

13-2.4 Θ Kayariang pampalaugnayan ng pangungusap na batayan

(1) Sa huli gusto naming talakayin ang pangkalahatang kayarian ng batayang pangungusap sa wikang Filipino. Dahil nagpapaliwanag kami ng panaguri at paniyak sa pamamagitan ng pananda nitong ay at ang, walang alinlangan na umiiral ang dalawang parirala sa wikang Filipino. Pagkatapos pagpapasok ng di-karaniwang ang, nakita na nagkakaroon ng higit sa tig-isang panaguri at paniyak ang pangungusap na Filipino. Saka ipinapasiya na bahagi ng panaguri at paniyak ang iba pang parirala (lalo na pantuwid at pandako) {13K-241 Θ}. Bukod dito may pariralang hindi maaaring iugnay sa panaguri o paniyak na tinatawag na malaya sa pangungusap. Ilang uri ng pariralang lamang ang maaaring malaya {5-3 (2)}. Kung kaya, ito ang pagbuo ng pangungusap na Filipino:

[1]{P-P} {P-T} {P-../L}

Magaang unawain ang tungkulin at katangian ng pariralang malaya, dahil dito kinakaltas ito sa mga talakay na sumusunod. Kung gayon maaaring sabihin na may dalawang pangunahing salik ang pangungusap na Filipino na tinatawag panaguri at paniyak:

[2]{P-P} {P-T}

(2) Hindi pa nagbigay kami ng katuturang puspusan ng panaguri at paniyak. Dahil sa pagpapalitan at pagkakapareho ng dalawa, halatang hindi lubhang magkaiba ang katangian nito. Waring may dalawang bahaging magkatulad ang pangungusap na Filipino {13K-242 }.

Sa kabilang dako, ibinubukod ng wikang Filipino nang mahigpit ang panaguri sa paniyak. Mahigpit ang alituntunin kung kailan dapat gamitin ang ang at ay; mahalaga ang paghuhudyat sa pamamagitan ng dalawang pananda at dahil dito nakalitaw na napagbubukod ang dalawang pangunahing salik ng pangungusap. Sa ibang salita, hindi namin alam kung ano ang "diwa" ng panaguri at paniyak, ngunit kayang sabihin kung alin ang panaguri at ang paniyak. Pinagmumulan ang kahirapang ito dahil sa maaaring maging paniyak ang halos na lahat ng pariralang maaaring panaguri sa binagong pangungusap, at sa kabaligtaran. Kung gayon hindi kayang tulungan ng kahit anong pag-uuri ng bahagi ng panalita upang ibukod ang panaguri sa paniyak.

Upang unawain nang mabuti ang pangungusap na Filipino, pagkakaiba ng panaguri sa paniyak ang dapat hanapin. Malinaw ang katangiang sarili ng paniyak:

Maaaring sundin ang kaparaanan na "kilala" ('known' kay { Lopez 1940 p. 117}) ang paniyak na may katiyakan. Ito'y iniuugnay sa panaguring "di-kilala" ('unknown'). Malamang na may tungkulin ng 'primus inter pares' ang panaguri. Ayon dito may dalawang magkaibang salik ang pangungusap na Filipino. Mas "pangunahin" at mas "di-kilala" ang una (panaguri) samantalang di-lubhang "pangunahin" at mas "kilala" ang iba (paniyak).

Marahil na mas mahalaga ang panaguri sa wikang Filipino kaysa paniyak. Maraming pangungusap na walang paniyak ngunit halos wala na walang panaguri. Pati sa dakong ito ang ayos na karaniwan kung saan nasa unahan ng pangungusap ang panaguri.

(3) Mapapansin ang pagkakaibang tangi ng paggamit ng panandang ay at ang. Batay sa katatayuan ng panaguri sa pangungusap lamang ang paggamit ng ay o wala. Iba ang kilos ng paniyak: Batay sa nilalaman nito lamang ang paggamit ng ang. Nagiging mahalaga ang pagkakaibang ng panaguri sa paniyak kung hindi nasa unahan ng pangungusap ang pariralang ito. May paniyak na hindi kailanman may ang (halimbawang panghalip) samantalang sa katatayuang tangi ay kahit anong panaguri ang may ay. Dahil dito may panggitagang paniyak at hindi maaari ang panggitagang panaguri. Sa pamamagitan ng panggitagang paniyak maaaring "itago" ang paniyak sa loob ng panaguri; walang yaring binaligtad.

(4) Nagpasok kami ang katawagang kawani para sa mga pandiwa kung panaguri o paniyak ang mga ito. Para sa pang-uri, maaari rin yatang ipasok ang kaparis na katawagan {13-2.2.3 (2) Θ}. Katulad nito, maaari ring gamitin ang katawagang kawani para sa pangalawang pangngalan kung dalawang pangngalan ang panaguri at paniyak. Magkakapareho ang gawi ng pandiwa, pang-uri at pangngalan kung ito'y panaguri o paniyak. Maaaring gamitin ang tandang {X} para sa kahit ano sa mga ito (salitang maaaring magkaroon ng kawani ang mga {X}). Kung tinatawag na {P-X} ang pariralang nito, nakakakita kami ng dalawang anyo ng pangungusap na Filipino.

[3]{P-P} {P-T}
{P-X}
{X}
  Kawani 2   Kawani 3
 Kawani 1 na may katiyakan
 
 
[4]{P-P} {P-T}
Kawani 1 na walang katiyakang likas  {P-X}
{X}
  Kawani 2   Kawani 3

Madaling unawain ang anyong [3]: Pinipili ng "mas pangunahin, di-lubhang kilala" na {X} bilang panaguri ang isa sa kawani niya at inilalagay ang kawaning ito sa tabi niya bilang paniyak na "kilala". May "lugar para sa isang kawani lang" sa puwesto ng paniyak. Dahil dito, dapat manatili ang ibang kawani sa pitak ng "di-lubhang kilala" na panaguri. Mas mahirap na unawain ang anyong [4]: Hinahanap at nakikita ng isang "di-lubhang kilala" na kawani - ito'y naging panaguri - ang kanyang {X} at inilalagay ito sa tabi niya. Malapit sa {X} ang ibang mga kawani niya.

Sa patakarang nasa itaas, di-mahirap isama ang mga pangungusap na walang paniyak [5]. Hindi pumipili ang "mas pangunahin, di-lubhang kilala" na {X} ng kasamang inilalagay sa tabi niya. Malapit sa {X} ang ibang mga kawani niya.

[5]{P-P} ---
{P-X}
{X}
  Kawani 1   Kawani 2
 ---

Sa patakarang ito, madali unawain kung bakit minamabuti ng wikang Filipino ang karaniwang ayos ("mas pangunahing" panaguri muna, tapos paniyak). Maliwanag pati dito ang kawalan ng kaibahan ng pangungusap na may pandiwa at walang pandiwa. Hindi mahalaga para sa pagkakaunawa ng kayarian ng pangungusap kung may katuturan ng bahagi ng panalita at kahit paano ang katuturang ito. Sinasadyang ginagamit namin ang tawag na "salitang maaaring magkaroon ng kawani" upang iwasan ang tawag na salitang pangnilalaman at ang mga suliraning kaugnay sa tawag na ito {15-5.1 (2)}.


13-3 Mga parirala at mga pananda

(1) Sa wikang Filipino, karaniwang may pananda sa unahan ng parirala. Mabisa ito hindi lamang sa mga pariralang binubuo ang pangungusap, kundi pati sa mga pariralang pang-ibaba. Bunga nito, sinasalisi ang mga pananda at ibang mga salita sa pangungusap. Tuturuin namin ito sa sumusunod na pangungusap.

 
[1]Wala pa ring imik ang doktor na nakaupo lamang sa tabi ng ataol, katabi ang kapatid niyang si Diana na napatigil sa pag-aayos ng mga nagdatingang korona mula sa mga pinsan at dating katrabaho ng kanyang ina. {W Suyuan 5.2}

(2) May mga kataliwasan ng paraang ito. Walang pananda sa unahan ng parirala ang unang pulutong nito. Sumusunod ang mga ito sa halimbawang [1]:

 
[1a]Wala pa ring imik ang doktor na nakaupo lamang sa tabi ng ataol, katabi ang kapatid niyang si Diana na napatigil sa pag-aayos ng mga nagdatingang korona mula sa mga pinsan at dating katrabaho ng kanyang ina.

(3) Mas madalang ang mga kalagayan kung sumusunod nang kagyat ang iba pang pananda sa unang pananda (walang halimbawa sa [1]):


13-4 Θ Mga palakuruang pampalaugnayan at kabalarilaan

Hindi ang paksa ng akda namin ang pag-aangkop at paggamit ng makabagong palakuruang pampalaugnayan para sa wikang Filipino. Gayunman gusto naming ipaliwanag ang ilan sa mga katangian ng wikang Filipino na maaaring mahalaga sa paggamit ng mga palakuruang ito. Pangunahing papel dito ang 'Minimalist Program'; sa palakuruang ito, mga katangian ('feature' sa Inggles), mga pagpapatuloy na pili-kabit-lipat ('select-merge-move') at kabalarilaan ('grammaticality') ng anyong Σ (bunga ng 'derivation') ang napakahalagang bahagi.


13-4.1 Θ Mga katangian

Mula sa leksikong 'mental' (lahat ng leksem na nalalaman ng nagsasalita), pinipili ang mga leksem para sa pangungusap na bubuuin (pagpapatuloy ng 'numeration'). Halu-halo pa at hindi na inayos ang mga leksem ng leksikon ng pangungusap. Sa aming palagay, mayroon nang malaking antas ng paglalapi ng leksem (hindi ugat-salita lamang). Inilalarawan namin ang karamihan ng katangian ng leksem sa palasusian namin (baka hindi pa ganap) {16K}. Walang-katiyakan ang suliranin ng katuturan ng mga bahagi ng panalita sa wikang Filipino; gayunman bahagi ng panalita ang isa sa mahalagang mga katangian ng leksem dahil maaaring magkaroon ng higit sa isang bahagi ng panalita ang leksem na nasa leksikong 'mental'. Mahalaga rin ang pag-uuri sa bahagi ng panalita, dahil pantangi sa isang (o ilang) bahagi ng panalita ang karamihan ng katangian. Maaaring ayusin ang mga ito sa talahanayan; bagay ito sa katangiang mula sa leksikon ('interpretable features') ng pariralang nilalaman (paglalahad at mga halimbawa nasa {13K-411 Θ}):

Bahagi ng panalitaKatangian (palagi)Katangian (di-palagi) Katangian (madalang)

PangngalanNgalan ng tao (oo/hindi)
Tungkulin (kung kawani)
Katiyakan
Kailanan
Kasarian
Panghalip na panaoPanauhan
Kailanan
Panghalip na pamatligPanauhan
PandiwaFokus
Kayarian ng kawani
Panahunan
Pagkauna (kung higit sa isang pandiwa)
Pang-uriKailananKayarian ng kawani
Pang-abayPanahunan
Kailanan

Sa tabi ng mga pananda, ang wikang Filipino ay may madalang na kataga na maaaring ipalagay na 'specifier'. Dahil dito, hindi mahalaga ang katagang ito para sa mga pagpapatuloy na pili-kabit-lipat. Hindi bagay sa isang tanging bahagi ng panalita ang pananda; dahil dito, hindi makabuluhang ipalagay ang mga itong 'specifier' ng pariralang pangnilalaman.

Dapat hindi magkasalungat nang pansemantika ang leksikon ng pangungusap (kasama ang lahat ng katangian ng mga leksem nito) upang iwasan na di-maaari ang pagbuo ng tamang pansemantikang pangungusap (halimbawa: Babae ang ama ko.).

Sa Palaugnayan namin, nauukol sa pariralang pangkayarian at sa panandang nito ang katangiang pambalarilang 'non-interpretable'. Hindi ginagamit namin ang sistemang kaukulan para dito {1K-521 Θ}.


13-4.2 Θ Mga alituntuning pampalaugnayan

(1) May katangiang kayarian ng kawani ang mga pandiwa {13K-421 Θ}. Sa pamamagitan nito, tinitiyak kung ilan at anong pariralang pangkayarian ang kailangan ng pandiwa. Habang pagpapatuloy na pili-kabit-lipat, binubuo ang kayarian ng mga pariralang pangkayarian; mga alituntuning para dito ang pangunahing bahagi ng palaugnayang Filipino. Isa pang batayang kailangan ang bisa ng alituntunin na panaguri at paniyak ang tanging ubod ng pangungusap na Filipino. Pati kinukuha sa leksikon ng pangungusap ang katangiang katungkulan ng kawani upang "tamang" ilagay sa pariralang pangkayarian ang mga leksem.

(2) Sa maraming wika, pangunahing papel ang pagpapatuloy na 'inflection'. Sa pamamagitan ng 'inflection', binubuo ang bagong mga anyo; at napakahalaga ang pagkakatugma nito para sa kabalarilaan ng pangungusap sa wikang ito. May kaunting 'inflection' lamang ang wikang Filipino. Nagkakaroon ng banghay sa panahunan ang mga pandiwa; ngunit pinapababa ang halaga nito dahil may pangungusap na walang pandiwa at - bunga nito - walang katangiang panahunan. Mayroon ding mga anyong pang-'inflection' sa kailanan ang isang klase ng pang-uri. Hindi malawakan ang 'inflection' sa wikang Filipino; dahil dito maagang unawain na hindi ito mahalagang papel (at ang pagkakatugma sa anyong 'inflection') sa wikang Filipino. Kabaligtaran nito ang patakaran ng wikang Filipino. Sa halip ng pagkakatugma, may patakaran ng pag-iisa ang wika. Minsan lamang sa pangungusap ang pagtatanda ng mga katangiang ito; walang pag-uulit ('redundancy') ng katangian {13K-422 Θ}. Maaaring kaltasin ang katangian (at parirala rin) kung hindi mahalaga para sa pag-unawang pansemantika. Maaaring sabihin na dito talagang 'minimalist' (walang sobra) ang wikang Filipino at mayroon itong malaking antas ng 'economy of derivation and representation'.

(3) "Paglilipat ng katangian" ang isa pang patakaran ng wikang Filipino. Maaaring "bawasan" ang leksem ng isang katangian at "dagdagan" ito sa ibang leksem. Halimbawa ang paggamit ng anyong maramihan ng pang-uri; nauukol sa pangngalan ang katangiang kailanan, ngunit maaari itong ilarawan sa pamamagitan ng anyong maramihan ng pang-uri.


13-4.3 Θ Kabalarilaan

Hinggil sa kayarian ng kawani, palaging may pagsisiyasat sa pagkakatugma nito ('agreement check') upang maiwasang maging di-makabalarila ang pangungusap dahil sa kamalian ng pariralang pangkayarian. Mas mahalaga ang pag-unawang pansemantika kaysa sa kaganapang pampalaugnayan; tinatanggap ang pampalaugnayang di-ganap na mga pangungusap kung pansemantika itong "tama". Upang pagaanin ang pagsusuri ng Filipinong pangungusap sa palakuruang makabago, baka gustong punuin ng "lamang-walang-laman" ang mga puwang. Mayroon pang mga alinlangan kung ito'y angkop sa diwa ng wikang Filipino.

Sinisiyasat ang katangiang panahunan; may mga sugnay na hindi maaaring magkaroon ng katangiang panahunan (kung dapat gamitin ang pawatas ng pandiwa). Dahil sa kahinaan ng katangiang panauhan, kailanan at kasarian sa wikang Filipino, walang sanhi sa pagsisiyasat ng katangiang ito. Malimit na di-makabalarila ang mga pangungusap na may pag-uulit ng katangian at hindi ang pangungusap na may kulang. Bunga nito, hinggil sa mga katangian, 'efficient' at may paghaya ang wikang Filipino. Kaunti lamang ang mga suliranin ng kabalarilaan ng mga katangian.

Sa halip nito, mapamintas ang wikang Filipino hinggil sa pagkakasunud-sunod ng mga salita at parirala sa pangungusap. Karaniwang may ilang mapagpipilian ng palaugnayan at pagkakasunud-sunod ng mga parirala upang bumuo ng makabalarilang pangungusap. May mabisang alituntunin para sa kayarian at pagkakasunud-sunod ng mga pariralang pangkayarian {13-3}. Sanhi sa isa pang mahigpit na alituntunin ang gawing hutaga at mga katagang hutaga {11-3}. Kahit sa pagkakasunud-sunod ng mga hutaga mahigpit ang alituntunin {11-3.3}.

Dahil hindi namin ginagamit ang katawagang kaukulan, wala kaming katanungan ng pagkakatugma ng kaukulan.



Wikang Filipino ni Armin Möller   http://www.germanlipa.de/wika/ug_usap_2.htm
14 Enero 2011 / 19 Agosto 2013 *Ayos

Palaugnayan ng Wikang Filipino - Wakas ng 13 Mga Pangungusap (Talaksan 13/2)

Simula ng talaksan   13/1 13/3 13/4 13K/1 13K/2 13K/3 13K/4   Palaugnayan
Pahinang pamagat na Filipino   Fisyntag