1 Mga Patakaran ng Palaugnayang Filipino


  Dapat tanungin si Inay sa bahay,
ang mga bata sa kalsada,
ang karaniwang tao sa palengke
at pansinin ang bibig nila, kung ano ang wika nila.
Martin Luther (1530) {1K-101 }

1-1 Pambungad: Wikang Filipino

1-1.1 Aghamwika sa Pilipinas

Noon at ngayon malakas ang pagkakabisang banyaga sa aghamwika sa Pilipinas. Nag-umpisa sa paring Espanyol na kinakailangang mag-aral ng katutubong wika upang maituro ang relihiyong Katoliko sa mga tao sa kapuluan natin. Sa dalawang wika, Espanyol at Tagalog ay isinulat ng paring Espanyol ang unang aklat na nailimbag sa Pilipinas { DC 1593}. Dumating ang mga Amerikano sa Pilipinas. Kung kaya pinalitan ang wikang banyaga at naging mas malakas ang pagkakabisa ng Amerikanong Inggles bilang wikang banyaga. Ngayon, nag-aral o nagtapos ng pag-aaral sa Estados Unidos ang karamihan ng guro sa pantasan sa Pilipinas. Sa isang Diksiyonaryong Tagalog - Inggles, isinulat ng Pangulo ng Pilipinas ang 'preface' sa wikang Inggles.

Sinasadya o hindi sinasadyang naiiugnay sa wikang banyaga ang mga wika sa Pilipinas noon at ang Filipino ngayon {1K-111 }. Kailangang isalin ng mga paring Espanyol ang akdang Katoliko sa katutubong wika. Ngayon, kinakailangang aralin ng mga mag-aaral sa elementarya ang wikang Inggles upang maintindihan ang aklat nila sa matematika.

Kung sinusuri ang sariling wika upang laging ihambing sa wikang banyaga (at karaniwan sa wikang pang-Europa at hindi sa Intsik o Indonesia) malilimutan ang tampok na tunay ng sariling wika. Binibigyan-diin ang pananalita kung saan pareho sa wikang banyaga ang sariling wika. Sa ganitong paraan, hindi pagkakamali ang ginagawa, ngunit maaaring maging malabo o lubos na nawawala ang diwang bukod-tangi ng sariling wika.


1-1.2 Pambansang wikang Filipino - pagsisikap ito

Layon naming maipakita ang ilang patakaran ng wika ng Pilipinas. Nauunawaan naming Filipino ang opisyal na wikang pambansa na nakasaad sa Saligang Batas noong 1987. Doon nakasaad na 'Ang wikang pambansa sa Pilipinas ay Filipino.' at 'hangga't walang ibang itinatadhana ang batas, Inggles' para sa kommunikasyon at pagtuturo.

Tinatawag naming Filipino ang pang-araw-araw na nasusulat at nasasalitang wikang ginagamit ng mga Pilipinong may maayos at mataas na pamumuhay at pinag-aralan. Ginagamit ito sa buong bansa para sa pakikipagtalastasan at sa maraming lugar para sa pananalitang pang-araw-araw. Sa pamamagitan ng paggawa namin, gusto naming matulungan ang Pilipinas na makamit ang Filipino bilang tunay na pambansang wika. Sa gayon ipinapalagay ang wikang Inggles bilang unang banyagang wika sa Pilipinas. Sadya pa ito at hindi pa katotohanan.

Sa gayon, naiiba sa kinaugaliang Tagalog ang aming pagtatalakay sa Filipino. May mga malalaki at makapangyarihang grupo sa Pilipinong lipunan na nakakahadlang at pumipigil sa pagbuo ng sariling pambansang wika. Gusto nilang maihirang ang wikang Inggles sa kalagayang ito. Kung kaya, tinatanggihan na maging pambansang wika ang Filipino; Tagalog naman ang itinuturing na pampook na wikang katulad ng iba pang mga wikang pampook upang maging kaisa-isahang wika sa buong bansa ang Inggles.

Naiiba din kami sa mga pananaliksik ng mga dalubwika tungkol sa Tagalog. Para sa kanila, paksa ng pagsusuri at pagtuturo lamang ang wikang Tagalog. Panlipunan ang aming layunin, gayunman nagsisikap kaming gumamit ng makaagham na pamamaraan.

Ang wikang Filipino ay ipinapalagay naming mahalagang yaman ng kabihasnan ng lahing Pilipino. Dapat magpaunlad ang yamang ito, mahalagang kasangkapan ito para sa kasarinlan at pag-unlad ng bansang ito. Nais naming tumulong sa pagsisikap na maging tunay na pambansang wika ang Filipino na may kahalagahan at pagmamahal ng mamamayan. Makakatulong ito upang maiwasan na malipol ang sariling wikang Filipino.

Tingnan sa 'Mga Pagpuna sa Wikang Filipino: Bakit sariling wika sa atin?' {W Pagpuna 1-1}
Tingnan sa 'Mga Pagpuna sa Wikang Filipino: Mga katangian ng sariling wika natin' {W Pagpuna 1-2}


1-1.3 Kasalukuyang paggamit ng wika sa Pilipinas

Di-malinaw na paksa at hindi malawakang nasasaliksik ang wikang pang-araw-araw ng mga tao sa Pilipinas. Kalimitan, (masyadong) maraming nakikitang kabatiran tungkol sa iba't-ibang wika ngunit kaunti tungkol sa paggamit ng mga wika sa bansa. Upang maiwasan ang iba pang kahirapan, gagamitin namin ang katawagang 'wikang Kayumanggi' para sa kahit anong wikang buhat sa Pilipinas. Ibig sabihin, maaaring kahit anong wikang katutubo (tanging wikang pambansa, iba pang wika sa Pilipinas o isa sa mga wikain) ang wikang tinatawag na wikang Kayumanggi. Kaya, kabaligtaran ng Inggles, Intsik at Espanyol ang wikang Kayumanggi {1K-131 }.

Kung taong tagaibang-bansa ang dumadalaw sa Pilipinas, makikita niya ang bansang nagsasalita sa Inggles. Inilathala sa Inggles ang mga pahayagan sa hotel. Sa Inggles din ang talaan ng putahe at lahat ng pahiwatig at babala. Sa supermart at sa iba pang pamilihan, makikita lahat ng produktong may Inggles na tatak at pabalat. Pagpasok sa bilihan ng aklat, nasa wikang Inggles halos lahat ng aklat. Inggles ang nasusulat na wika sa pamamahala at pangangalakal. Nasa Inggles ang mga batas, ulat ng buwis, kontrata at lahat ng pakikipagsulatang pangnegosyo. Talagang nakikita ang Inggles at walang iba.

Naiiba ang larawan kung pinakinggan ang mga Pilipino. Una, sinusubukan ng lahat ng Pilipino na gamitin ang Inggles sa pakikipag-usap sa dayuhan. Sa mga lungsod, kalimitan ay napakahusay ng Inggles ang mga tao. Sa lalawigang lubhang malayo, maaari lamang gamitin ang ilang pangungusap sa Inggles. Sa ganitong kalagayan, totoo ang kasabihang kalimitang naririnig na: "Sa Pilipinas, lahat ay nagsasalita ng Inggles."

Paano nakikipag-usap ang Pilipino sa kapwa Pilipino? Sa bahay, nag-uusap sa wikang Kayumanggi halos lahat ng pamilya. Bukod dito, nag-uusap ng Tsino ang pamilyang Filipino-Tsina (may mga pahayagang Tsino din). Natatayang di-lubhang isang bahagdan (< 1 %) ng pamilyang Pilipino (kung tubong Pilipinas ang dalawang magulang) ang gumagamit ng Inggles sa pamilyang pagtitipon {1K-131}. Ibig sabihin na ang labis sa siyamnapung bahagdan (> 90 %) sa mga Pilipino ay hindi gumagamit ng Inggles bilang wikang-ina {1K-132}. Kung kaya, totoo rin ang pangungusap "Nasa Pilipinas, hindi kahit sino ang nagsasalita ng Inggles."

Kung pumupunta sa iba't ibang paaralang elementarya, di-katulad ang larawan. Sa Inggles ang karamihan ng aklat, at pati sa opisina ng paaralan nasa wikang Inggles ang mga binabasa at sinusulat. Sa mga klase, nagtuturo ang guro sa Inggles gaya ng pagkakasulat sa aklat. Kung hindi maintindihan ng mga mag-aaral, kalimitang isinasalin ang lahat sa wikang Kayumanggi. Hindi ito pinapayagan ngunit matagumpay sa pagtuturo. Ibang-iba sa pahinga. Sa mga paaralan sa baryo, hindi makakarinig ng salitang Inggles. Sa maraming mamahaling paaralang pribado, may nagmumulta sa magtagalog sa bakuran.

Sa mga opisina, nakikita lahat ng papeles sa Inggles. Maliban sa pakikitungo sa mga dayuhan, tanging pamamaraan ng pagsasalita ang napapansin. Binabasa sa Inggles ang papeles. Sa pag-uusap, kumukunti ang salitang Inggles at dumadarami ang wikang Kayumanggi. May pagkakaibang saligan ang balarilang Inggles at wikang Kayumanggi. Kung kaya't, may pagtalikwas sa usapan. Una, sa loob ng pangungusap na Inggles may salita ng wikang Kayumanggi. Biglang ginagamit ang mga pangungusap sa wikang Kayumanggi na may salitang Inggles. Maaaring iangkop ang salitang Inggles sa balarilang Filipino nang hustong-husto: Iteteks kita.

Dahil sa naturang mga pagpansin ay malinaw na higit na wikang sinasalita kaysa sa wikang sinusulat ang wikang Kayumanggi. Likas na di-lubhang mahigpit ang wikang sinasalita kaysa sa wikang nasusulat. Pinapalakasan ito dahil walang sanggunian sa wikang nasusulat ang karamihan ng nagsasalita. Kung kaya halos hindi maaaring paunlarin ang wikang nasasalita mula sa nasusulat. Sa kabilang banda, hindi maaaring ihalintulad ang pananalitang pampamahalaan at pampaaralan sa pamumuhay na pang-araw-araw sa dahilan na hindi "magkiskisan" ang dalawa.

Kailangang isaalang-alang sa sinusulat na wikang Kayumanggi ang mga sumusunod. Iniisip at ginagawa sa "kapaligiran ng wikang Inggles" ang karamihan ng sinusulat sa wikang Kayumanggi. Maaaring itong salin mula sa Inggles (halimbawa, marahil ang limbag sa Filipino ng Saligang Batas ay salin ng orihinal na limbag sa Inggles). Maaari ring ilapit sa wikang Inggles ang kasulatan sa wikang Kayumanggi nang sadya o di-sinasadya. Kung walang iisang aklat o pahayagang sinulat sa wikang Kayumanggi sa opisina o bahay at kung sa Inggles ang lahat na aklat sa kapaligiran at kung nagsisimula akong magsulat sa wikang Kayumanggi, malamang na nagkakabisa sa akin ang ganitong kapaligiran. Binabago ko ang pagsusulat ng wikang Kayumanggi sa dako ng Inggles. Kung binabasa ng ibang tao ang nasulat ko sa wikang Kayumanggi na inilapit na sa Inggles, ang pagtugon niya sa wikang Kayumanggi ay ulit at higit na malakas na ilalapit sa Inggles. Kalimitan, nagpapakita ang Filipino ng paghaya hinggil sa kabatirang tinanggap at ipinasa. Karaniwang hindi napapatunayan ang katatagan kahulugang totoo. Kung kaya, maaaring sang-ayunan ng Pilipino ang kasulatan sa wikang Kayumanggi na malapit sa pananalitang Inggles at malayo sa kanyang sariling pagkakaintindi ng wikang Kayumanggi.

Halata ang paglalapit ng wikang Kayumanggi sa Inggles kung ginagamit ang mga salita at parirala ng wikang Inggles kahit sa baybay ng wikang Kayumanggi. Mas mahirap mapansin ito kung binabaluktot ang wikang Kayumanggi upang mailapit sa balarila ng wikang Inggles. May katanungan kung ang paglalapit na ito ay katangian na ng wikang Kayumanggi sa kasalukuyan. Itinatanggi ito ng may-akda sa katwiran na nakatakda ito sa kapaligiran na may aklat sa Inggles at nagsasalita ng lubos na naiibang wikang Kayumanggi ang taong ito kung sa ibang kapaligiran.


1-1.4 Pambansang wikang Filipino

Sa kabila ng mga kahirapang naturan, may matitibay na dahilan upang ipalagay na pangkalahatang wika ng Pilipinas ang Filipino. Di-lubha kaming sumasangguni sa Saligang Batas ng Pilipinas noong 1987, ngunit mas marami sa tunay na kalagayan sa Pilipinas ngayon.

Ngayon, may pangkaraniwang wika sa Pilipinas na naipapalaganap at tinatanggap sa buong bansa. Halos walang pagkakaibang pampook ang wikang ito. May dahilang magaling upang tawaging Filipino ang wikang ito (wikang Kayumanggi sa itaas) alinsunod sa Saligang Batas. May iba pang wika at wikain na nagagamit na wika para sa kasulatan. Hindi ito mabisa sa wikang Tagalog dahil halos walang pagkakaiba ang Tagalog na nasusulat at Filipinong nasusulat. Sa gayon, wala nang dahilan upang gamitin pa ang katawagang wikang Tagalog na kasalukuyan.

Dahil kaunti lamang ang binabasa at sinusulat sa Pilipinas, hindi gaanong malaki ang pagpipilian sa Filipinong nasusulat:

Mabilis ang pag-iisa sa pananalitang nakasulat. Kaya ang pambansang telebisyon ay nagkakabisa dito nang pinakamalaki. Mataas ang paggalaw ng mga mamamayan. Maynila at karatig na bayan nito ang nakaakit ng mga talubata sa iba't ibang lugar sa bansa. Hindi sila natututo ng tubong Tagalog sa bagong kapaligiran kundi ng karaniwang Filipino. Dahil sa pagbalik at dahil sa makabagong paraan ng pakikipagtalastasan (selpon), nadadala sa mga lalawigan ang Filipino.

Mahirap at makaubos oras ang pagsusuri nito nang makadalubhasa. Sa halip nito gusto namin lamang ilarawan ang tanawin ng may-akda sa kapaligiran niya. Ang lugar na ito ay Lipa, Batangas, na nabibilang sa bayan ng Tagalog. Mayroon kaming malapit na kakilalang nanggagaling sa Batangas (wikang Tagalog), Manila (Tagalog), Ilokos (Ikokano) at Bohol (Bisaya); ipinanganak at lumaki sila doon. Lahat sila ay nagsasalita ng halos magkaparehong Filipino na may kaunti lamang pagkakaiba at maaaring tawagin na pangkalahatang o karaniwang Filipino. Pati mayroon katutubo pang wika ang mga taong galing sa lalawigang di-Tagalog. Mas matindi ito kung makikipag-usap sila sa kamag-anak sa lalawigan sa telepono at mas mababaw kung makikipag-usap sila dito sa mga kalalawigan. Sa ganitong kalagayan, di-mahusay ngayon ang paggamit ng kaugaliang katawagang Tagalog sa sinasalitang wika, lalo na sa Maynila at nakapalibot na lalawigan na panlungsod.

Magkakaiba ang mga palagay sa lipunang Pilipino tungkol sa hinaharap ng wikang Filipino. Karaniwang sa halip ng wikang pambansa ay pangunahin ang kahalagahan ng wikang Inggles; hindi kasiya daw ang kaalaman ng Filipino upang tiyakin ang masaganang hinaharap ng Pilipinas sa makabagong daigdig. Dapat aralin daw ang Inggles sa halip ng sariling wika (hindi sa tabi nito, katulad ng matagumpay na bansa sa Asia). Ayaw nilang makita ang kahalagahan ng sariling wika bilang saligan sa lahat ng pag-aaral at bilang mahahalagang ambag sa tagumpay. Tingnan ang sanaysay naming Wika at Lipunan sa Pilipinas {W Lipunan} at ang akdang { Constantino 1996}.

1-1.5 Palaugnayan bilang paksa sa aming pagsusuri

(1) Layunin namin ang pagpapakita ng mahalagang katangian ng wikang Filipino na walang paghahalintulad sa wikang pang-Europa. Sa palatunugan at palaanyuan, malinaw at di-matututulan ang kasarinlan ng wikang Filipino (may ilang pagkakapareho sa angkan ng mga wikang pang-Austronesia). Sa palasalitaan, malinaw na nakikita ang paksa ng salitang hiram na Tsina, Espanyol, Inggles at iba pa.

Kaiba sa palaugnayan, wala kaming nakitang kahit anong akda upang maunawaan ang palaugnayang Filipino mula sa kasarinlan ng wikang ito. Sa halip nito, kalimitang sinusunod ang palaugnayang pang-Europa upang ilahad ang palaugnayang Filipino. Mga wikang pang-Europa ang "klasikong" wika sa aghamwika. Wikang pang-Europa din ang wika ng dalawang mananakop ng Pilipinas. Kalimitan, kaunting pansin lamang ang ibinibigay sa tanong kung tama ang paraang ito upang ipaliwanag ang katangian ng wikang Filipino. Kung kaya, sa amin napakahalaga ang pagsusuri sa palaugnayang Filipino.

(2) Tanging-tangi ang pinag-ugnay ng palaugnayan sa palaanyuan sa wikang Filipino. Dahil dito, isinama namin sa palaugnayan ang maraming pagtalakay na pampalaanyuan. Dahil sa pagtatakda sa palaugnayan, kulang ang pagtalakay ng ibang bahagi ng balarila. Kaugnay ang palaugnayan sa palatunugan at palaanyuan. Kung kaya, bahagyang tinatalakay ang palatunugan sa tanging kabanata {14}; isa pang kabanatang maigsi ang tumatalakay sa pangkalahatang tanong ng palaanyuan {15}.

(3) Sa tampulan ng pagsusuri namin ay palaging inilalagay ang pagsasalita at pagsusulat ng taong Pilipino. Pangunahing sinisikap naming magtipon at mag-ayos ng mga halimbawa sa paggamit ng wika. Balak namin ang pagtatayo ng larawang buo at tatag ng palaugnayang Filipino {1K-151 Θ}. Ibig sabihin, dapat ibagay ang larawang buo sa kahit anong pangungusap na sinasalita o sinusulat. Ibig ding sabihin, dapat itatag sa larawang tatag ang lahat ng mga saklaw ng balarila mula sa aklat pang-elementarya hanggang sa sanaysay na makagaham.

Katatagan ang tawag sa alituntuning makaagham ng kawalan ng nagbabago ng mga katuturan, mga salaysay at mga paghihinuha sa loob ng patakarang makaagham ('consistency' sa Inggles). Katatagan ang isa sa pangunang kailangan sa pagsaliksik na makaagham, ngunit minsang dapat tawagan ng pansin dito sa Pilipinas.

Nanggaling sa pagsasalita at pagsusulat ng mga taong Pilipino, palaging makadanas ('empirical') ang pagsusuri namin. Hindi kailanman sinikap naming isingit ang palaugnayang Filipino sa pang-aghamwikang mga pamamaraang pandaigdig. Kasalungat nito, papanggalingan ang pagsusuri namin kung saan nababagay ang mga pamamaraang iyon para sa pag-unawa sa palaugnayang Filipino.

Dahil dito, may katangiang maparaan ang akda namin {1K-152}.

(4) Pag tinatalakay ang palaugnayang Filipino ay dapat sagutin muna ang katanungan kung may pagkakaisang pampalaugnayan ang mga wika sa Pilipinas. Hindi sinuri namin nang mabuti ang suliraning ito; ngunit maraming pahiwatig ang nakita namin upang ituloy ang pagtatangka namin. Marami mang may-akda ang idinidiin ang mga kaibahan ng mga wika sa Pilipinas (kasalukuyan, madalas na ginagamit sa halip ng 'Wikang Filipino' ang katawagang 'Mga Wika sa Pilipinas'), ngunit halos walang tunay na pahiwatig sa mga kaibahang ito. Isa pang saksi ang akda ni { Kroeger 1991}; doon may ilang talakay na katulad ng 'in Tagalog, and in Philippine languages generally'.


1-1.6 Mga pagkakabisang banyaga sa wikang Filipino

(1) Malakas ang pagkakabisang banyaga sa lipunang Pilipino; marahil na mas malakas kaysa sa ibang bansang may laking katulad ng Pilipinas. Dinala ng pagsakop na Espanyol sa Pilipinas ang relihiyong Katoliko at ilang sangkap ng kabihasnang pang-Europa. Noong sumunod ang panahon ng pagsakop ng Estados Unidos, tinanggap ng Pilipinas ang pagkakalakalang pangkapitalisto at ang palaaralang pinagsaligan sa wikang Inggles. Pinagaan ang pagkakabisa ng pagsakop dahil sa kakulangan ng lipunang Pilipino sa pagbubuo ng sariling kalinangan. Walang matibay na kalinangang Pilipino na maaaring dagdagan ng Espanyol at Amerikano. Palaging ipinalagay na napakahusay ang galing sa banyagang bansa; hindi lamang ito sa mga larangan kung saan may kakayahan ang kapangyarihang banyaga. Hindi dapat ipilit sa mga Pilipino na maging maka-banyaga; sinasabi ng sariling loob (at ng masamang karanasang nasa bansa niya) na maaaring mapaunlad ang buhay ng Pilipino kung sumusunod siya sa ugaling banyaga. Kung ganito, marahil na maaaring isiping magkabisa nang malakas sa wikang katutubo ang Espanyol at Inggles. Ngunit nangyari ito sa larangan ng palasalitaan lamang at pambihira naman sa larangan ng palaanyuan at palaugnayan.

(2) Kasama ang mga pagbabagong dinala ng Espanyol at Amerikano sa Pilipinas, inangkat din ang bagong mga salita; at isinama ang mga ito sa katutubong wika (kurọs, tinidọr, tịsyu). Binago pati ang nakaugaliang katawagan sa salitang banyaga. Maging Espanyol na mesa, lamesa ang nakaugalian at mababang hapạg; at pinapalitan rin ang salita para sa bagay na may walang pagbago (tungo - puntạ, bahạghạri - rainbow). Sa gayon, mayroon nang ilang libong salitang Espanyol ang kasalukuyang wikang Filipino; at pati naparito ang mga libong salitang Amerikanong-Inggles at araw-araw napaparito ang marami pa rin. "Ipinasa" lamang ang bagong mga salita; nawala na ang kaugnayang pampalaanyuan at pampalaugnayan sa wikang pinanggalingan (kumustạ, istạmbay).

Kalimitang hindi tinularan ang tamang bigkas ng salitang banyaga {14-2.6}. Magaang unawain ito para sa Espanyol na salitang hiram. Hindi itinuro ng Espanyol ang mga ito; di-sinasadya lamang nasambot ang mga ito ng Pilipino. Ibang-iba ang salitang Inggles. Kahit buhat noong isang dantaon pinakamahalagang aralin sa Pilipinong paaralan ang Inggles ay kakaunti lamang ang pagtatalastas ng bigkas at palatunugang Inggles. Kalimitang ginagamit ang baybay na Inggles sa halip ng bigkas. Bunga nito, malapit sa wikang Filipino ang bigkas ng salitang hiram na Inggles. Hindi ito'y bunga na sinasadyang pagpapatuloy upang gawing Filipino ang mga salitang ito; marahil ito'y galing lamang sa kakulangan ng kaalaman at ng kalapitan sa mga tagasalitang katutubo ng wikang Inggles.

(3) Binayaang maliit ang pagkakabisa ng wikang Espanyol sa palaanyuang Filipino {15-2.4}; may mga kataliwasan lamang katulad ng pakialamero, karinderyạ. Walang kahit anong pagkakabisa ng wikang Inggles ang palaanyuang Filipino; marahil na masyadong magkalayo ang mga palaanyuan niyon.

(4) Kakaunti lamang nagbago ng palaugnayang Filipino ang wikang Espanyol at pati ang Inggles. Binubuo ang pangungusap na Espanyol at Inggles sa pagkakasunud-sunod ng paniyak (paksa doon) sa harap ng panaguri. Alinsunod doon, sinubok na ipasok ang yaring iyon bilang batayang pangungusap sa wikang Filipino. Kahit iyong yari ang maaaring gamitin sa wikang Filipino (di-karaniwang ayos), hindi matagumpay ang panukalang iyon. Ang "bagong" pagkakasunud-sunod na tinuro sa paaralan ("pananalitang kanluranin" o pananalitang pormal {13-6.1}) ay halos hindi ginagamit sa pananalitang nakasulat at pang-araw-araw sa labas ng paaralan. Kaantasan ng pang-uri ang iba pang halimbawa. Halos ganap, pinalayas ng salitang Espanyol na mas ang mga katutubong salitang lalo, higit at labis, ngunit nanatili ang katutubong palaugnayan. Kasalukuyan, kalimitang ginagamit ang maraming Inggles na salita at parirala sa wikang Filipino ('Taglish'), ngunit hindi binabago ang pagbuo ng Filipinong pangungusap {13-6.2}.


1-1.7 Mga katawagang Filipino

Habang pinag-aralan namin ang mga akda at mga sanaysay sa wikang Filipino ay nakita namin ang karamihan ng katawagang napakatama mula sa wikang Filipino. Nahalina kami nito; dahil dito palagi naming minabuti ang katawagang Filipino kaysa sa mga tawag na galing sa wikang Latino, Espanyol o Inggles. Sa aming palagay, kung ginagamit ang wikang Filipino upang talakayin ang palaugnayang Filipino ay matatag lamang ang paggamit ng mga katawagang Filipino kung kailan maaari.

Kung maaari ay pinanatili namin ang kinaugaliang katuturan ng katawagang Filipino (unang pangkat nito). Kung nakita namin ang pagkakaiba-iba ng ibang mga akda at aming pagsusuri, ipinaliwanag ito nang mabuti. Dahil dito, iba-iba ang katuturan namin ng pangalawang pangkat ng katawagan. Bukod dito, dapat binuo namin ang bagong katawagan na may bagong katuturan (ikatlong pangkat). Naiitindihan namin nang pansamantala ang ikatlong pangkat na ito; kailanman maaari at dapat mabago ito kung may mas tamang katawagan sinuman. May iba pang mga katawagan na hindi na kailangan namin o hindi kasiya sa amin. Itinala namin ang tatlong pangkat sa 'Talatawagan' {17K}; doon may tandang F ang bagong katawagan.

Sa kabilang dako, hindi namin gustong itagubilin ang nakakalat na paggamit ng bagong katawagan namin. Sa halip nito maaari itong ipalagay na pagkakataon sa pagpili ng pinakabagay na katawagan, o banyaga o Filipino. Kung walang mungkahing Filipino walang pamimili.

Sa Pilipinas, karaniwang sinusulat ang aklat at sanaysay sa wikang Inggles. Mayroon kaming dahilang mahalaga upang gamitin ang wikang Filipino sa halip ng Inggles. Sa gayon, matatag at tama na palaging gamitin ang katawagang Filipino sa aming akda sa wikang Filipino. Kung mahilig naming gamitin ang katawagang Inggles ay susulatin namin ang lahat sa wikang Inggles.

Tungkol sa paggamit ng mga katawagang pandaigdig sa aghamwikang Pilipino {1K-171 }.


1-2 Mga pariralang nasa Filipinong pangungusap

Gusto nating maipahayag ang mga kaisipan sa wika. Pinapangalanang pangungusap ang buong kaisipan. Binubuo ng mga parirala ang pangungusap {1K-201}. May salitang pang-ubod ang mga parirala, maaaring dagdagan ng iba pang mga salita at mga pariralang pang-ibaba [1-4].

 
[1]Masaya || ako.
[2]Masaya || ang kaibigan | ko.
[3]Kahapon || pumunta | sa Lipa || ang kaibigan | ko.
[4]Sa kusina || niluluto | ni Nanay || ang hapunan.

Pinangungunahan ng maigsing salita (mga katagang ang, ay, sa, ng at nang) ang karamihan ng pariralang ito. Ginagamit ang katagang ito upang ituro ang uri ng parirala. Pananda (pananda ng parirala) ang tawag namin sa mga katagang ito {11-2.1}. Katangian ng wikang Filipino ang paggamit ng pananda sa unahan ng parirala. Pananda pati ang pang-angkop na -ng/na. Ipapakita ito sa sumusunod na pangungusap [5] (inilalahad nang puspusan sa {13-3}).

 
[5]Wala pa ring imik ang doktor na nakaupo lamang sa tabi ng ataol, katabi ang kapatid niyang si Diana na napatigil sa pag-aayos ng mga nagdatingang korona mula sa mga pinsan at dating katrabaho ng kanyang ina. {W Suyuan 5.2}
Pagsusuri ng pangungusap na halimbawa {1K-202 Σ}.

Hindi pang-ukol ang mga panandang ang, ay, sa, ng at nang. Maaaring itulad ang mga ito sa sistemang kaukulan ng wikang pang-Europa ('case', {1K-521 Θ}); ngunit hindi nakatakda sa mga ngalan lamang ang gamit ng Filipinong pananda.

Sa gayon, nagpapasok kami ng parirala (pariralang pangkayarian {1-6.1}) at binigyan ito ng katawagan {1K-203}. Sa sumusunod na mga pangkat ay ilalahad namin kung bakit ganito ang mga kinalabasan namin na nagkaiba-iba sa nakaugaliang balarila.


Wikang Filipino ni Armin Möller   http://www.germanlipa.de/wika/ug_ugnay_1.htm
07 Agosto 2010 / 25 Marso 2013 *Ayos2

Palaugnayan ng Wikang Filipino - Wakas ng 1 Mga Patakaran (Talaksan 1/1)

Simula ng talaksan   1/2 1K/1 1K/2   Palaugnayan
Pahinang pamagat na Filipino   Fisyntag