2 Panaguri at Pamaksa
(Talaksan 2/2)

2-4 Mga sangkap ng pariralang panaguri at pamaksa

2-4.1 Pariralang pangngalan bilang pamaksa

(1) May panandang ang sa harap ng pamaksa kung hindi ito'y isang ngalan. Karaniwang mabisa rin ito kung pangngalan ang pamaksa [1-3].

 
[1]Kumain ng kanin ang bata.
[2]Ang bata ay kumain ng kanin
[3]Kinain ng bata ang kanin.

(2) Ipinapahayag ng panandang ang ang katiyakan ng pamaksa. Ngunit walang paggamit ng ang sa pagkakataong sumusunod kung hayag na ang katiyakan ng pamaksa sa pamamagitan ng ibang paraan {2-3.1}:

 
[4]Natutulog na siya.
[5]Kinagat ka ng aso.
[6]Kumakain na ito.
[7]Natutulog na si Ana.
[8]Hindi mo na kailangang bilangin ang mga iyan. {W Samadhi 4.3}
[9]Ang iyaking si Roxanna at ang tomboy na si Gretchen. { LIW 10 Abril 2006 p.9}
[10]Pakiabot mo ang librong ito.
[11]Pakiabot mo itong libro.
[12]Kumakain na yung kambing.

(3) Maaaring walang ang ang pamaksang binubuo ng ilang ngalang katulad ng:

 
[13]Inaanyayahan ang lahat sa aming pista.
[14]Naitinda niya lahat ng kaniyang mansanas.
[15][a] Makakagawa niyan kahit sino. [++] [b] Makakagawa niyan ang kahit sino. [++]
[16][a] Maaari ang alinman sa mga aklat na ito. [++] [b] Maaari alinman sa mga aklat na ito. [+]
[17]... at ang bawat umuupa'y may kanya-kanyang lutuan. {W Anak ng Lupa 3.4}
[18][a] May limang daliri ang bawat kamay. [b] May limang daliri bawat kamay.

(4) Maaaring lakdawan ang salitang pang-ubod ng pariralang pangngalan kung mayroon itong panuring {3-4 (4)} {6-6.1 [4]}.


2-4.2 Pariralang pangngalan bilang panaguri

Kalimitang nangyayari sa wikang Filipino na walang pandiwa ang pangungusap. Dahil dito hindi bihira ang pariralang pangngalan bilang panaguri [1-8]. Hindi nasa unahan ang panaguri sa mga pangungusap [2-4 6-8]; dahil dito mayroon itong panandang ay. Lalo na kasundo sa pantukoy ang panandang ay [6-8]. Pansemantikang kahawig sa pariralang pangngalang pang-umpog ang pariralang pangngalang panaguri sa [9] {5-3.1}.

 
[1]Guro ako.
[2]Ako ay guro.
[3]Ako ay Pilipino. (Laganap na awitin ang Ako ay Pilipino ni George Canseco.)
[4]Ang Pilipino ay ako.
[5]Ngayon ako ang doktorang nandito.
[6]Kagabi at kaninang umaga ay si Dr. Magsino ang doktor na nandito.
[7]Ang aking panganay ay matangkat na si Pedro.
[8]Ang mga anak ko ay mga ito.
[9]Isang linggo pa nga lamang si Jessica sa Venezia ay natanggap na siya sa Instituto San Giuseppe. {W Arrividerci 3.3} (Panaguri ng sugnay ang pariralang pangngalang isang linggo pa nga lamang na may pamaksang si Jessica. Hindi maaaring panaguri ang pariralang sa Venezia; kung ganito dapat ay (na)sa Venezia.)

Mayroon mang panandang ay ang pariralang panaguri o wala, kaugnay ito ng katatayuan at hindi ng laman ng pariralang pangngalan [6-8]. Sa gayon, iba-iba ang paggamit ng panaguri at pamaksa (pagkawala ng ang, tingnan sa {2-4.1 (2 3)}).

Pariralang pangngalan bilang panaguri kay { Aganan 1999 p.74}: {2K-421 }.


2-4.3 Kabisaang pang-ubod ng pandiwa sa pangungusap

Upang maunawaan ang Filipinong pariralang pandiwa bilang panaguri at pamaksa, dapat talakayin ang mga katangian ng pandiwang Filipino. May kawani ang pandiwa {7-2.2}. Batay sa paglalapi ng pandiwa ang katungkulugang pansemantika ng mga kawani; pampalaugnayayan ito'y pamaksa, (mga) pantuwid at pandako. Sangkap ng pariralang pandiwa ang (mga) pantuwid at pandako; dahil dito magaang unawain na nagpapasiya ng katungkulang pansemantika nito ang pandiwa (ito'y salitang pang-ubod ng parirala). Hindi bahagi ng pariralang pandiwa ang pamaksa kung panaguri ang pariralang pandiwa. Gayunman may bisa sa pamaksa ang pandiwa. Tinatawag namin itong kabisaang pang-ubod ng pandiwa sa pangungusap {13-2.2.1}. May kabisaang pang-ubod rin ang pandiwa kung pamaksa ang pariralang pandiwa; sa kalagayang ito, may bisa sa panaguri ang pamaksang-pandiwa.

Dahil sa kabisaang pang-ubod, lumilitaw ang tanong kung maaaring nasa pangungusap ang isa pang pandiwa. Maaari bang maging panaguri ang isang pandiwa at pamaksa ang iba? Hindi maaari ito, dahil hindi maaaring may dalawang magkaibang kabisaang pang-ubod ang dalawang magkaibang pandiwa sa loob ng isang pangungusap. Dahil kaguluang pansemantika ang bunga nito, hindi maaari ito. Upang panatilihin ang kaliwanagang pansemantika, dapat pampalaugnayang pang-ibaba ang pangalawang pandiwa.

Sugnay na makaangkop ang napakahalagang kasangkapan sa wikang Filipino upang babain ang pangalawang pandiwa at mga kawani nito. Karaniwang ginagamit ang pandiwang nakakabit [1 2] {7-7.5}. Humahalili ang kayariang ito sa isang pariralang ng sugnay ng unang pandiwa. Kalimitang ginagamit ang pawatas bilang tanda ng pagbababa ([1], hindi sa [2]). Maaari ring ikabit sa isang pariralang pandiwa ang isang sugnay na makaangkop bilang panuring [3] {6-7.7}. Mayroon pang ikatlong paraan: Maaaring gamitin ang isang pangngaldiwa sa halip ng pangalawang pandiwa; pampalaugnayang hindi na pandiwa ang pangngaldiwa [4] {7-6.5}. Sa mga pangungusap na pangkaroon, pandiwari ang ginagamit (wala itong kabisaang pang-ubod) upang iwasan ang kabisaang pang-ubod ng pandiwa [5] {4-4.3}.

 
[1]Inaaral kong sulatin ang Griyego.
[2]... napagtanto kong ang pagkalinga ng magulang ang tunay kong hinahanap. {2K-252 Σ}
[3]Umiiyak na ang asong pinalo ng malikot na bata.
[4]Tingnan mo ang husay ng paggawa niya.
[5]May gagawin pa ako.
Higit na maitim ang limbag = Pandiwang pang-ibaba (o halili). May salungguhit = Pandiwang pang-itaas.

Kasalungat ng pariralang pandiwa, walang kabisaang pang-ubod ang pariralang pangngalan sa Filipinong pangungusap. Kung panaguri, pamaksa o anumang ibang parirala ang pangngalan, ito'y may bisa lamang sa loob ng parirala nito. Dito maaaring makita ang isang kapansin-pansing pagkakaibang pampalaugnayan ng pandiwa at pangngalan sa wikang Filipino.


2-4.4 Pariralang pandiwa bilang panaguri

Maaaring nabubuo ng pandiwa at mga dagdag na pariralang pantuwid, pandako at panlapag ang panaguri. Kalimitang nasa harap ng ibang kawani ang pandiwa; inilalahad ang pagkasunud-sunod ng kawani sa {7-2.2 (4)}. Sa karaniwang ayos ng panaguri at pamaksa, sinusundan ng pamaksa ang pariralang pandiwa (o ang pandiwa) [1]. Karaniwang isinusunod pagkatapos ng buong panaguri ang pamaksa at kalimitan itong nasa hulihan ng pangungusap. Maaaring hatiin ang panaguri upang mailagay ang pamaksa [2 3] (at minsan ang isang pariralang malaya [4]) pagkatapos ng pandiwa, ngunit sa harap o sa gitna ng mga kaugnay na parirala {13-2.1.3}. Maaari ring sa loob ng panaguri ang mga pang-abay; karaniwang sangkap ng pariralang pandiwa ang mga ito kung kaya walang paghahati. Pag hindi kataga ang mga ito, maaaring nasa harap ng pandiwa [5]. Malimit na ginagamit ang mga hutagang na, pa at iba pa [6]. Kung di-karaniwan ang pagkakasunud-sunod hindi maaari ang paghahati ng pamaksa sa panaguri [7].

 
[1]Nagbigay ng bulaklak kay Lola ang bata. {C-1/PS}
[2]Nagbigay ang bata kay lola ng magandang bulaklak na pinitas kaninang umaga.{C-0/I/PSP}
[3]Nagbigay ako ng bulaklak kay Lola. {C-1/PSP}
[4]Kaninang umaga ay binigyan ni Pepeng ang lolo sa ating hardin ng dalawang aklat na sinulat ni Rizal. {1K-202 Σ} {C-I/YPSP(.. P-A/I ..)}
[5]Nahulog ang bata, kasi'y hindi mo inaalagaan. {.. C-C/S/YP0}
[6]Dumating na ang bisita. {C-1/PS}
[7]Ang pumunta sa Maynila ay ako. [0] {C-1/SYP}
Higit na maitim ang limbag = Panaguri. May salungguhit = Pamaksa.

Salinwika ng pariralang pandiwa {2K-233 (2)}.


2-4.5 Pariralang pandiwa bilang pamaksa

Maaaring bumuo ng pamaksa ang pandiwa kasama ang pariralang pantuwid at pandako nito [1 2]. Napakalimit na binubuo ang pangungusap na pananong nang ganito [2-4] {12-4.3}. Para sa pagkakasunud-sunod ng pariralang pantuwid at pandako, sinusunod ang tuntunin katulad ng pandiwa bilang panaguri {7-2.2 (4)} (sa [3 4] may pang-abay sa harap ng pandiwa). Walang nangyayaring paghahati ng pariralang pamaksa sa pagkakataong ito. Maaari ring bumuo ng pamaksa ang iba pang pariralang pandiwa; pang-ibaba ito sa unang pandiwang bumubuo ng panaguri [5] {7-7.5}.

 
[1]Ako ang kumain ng mangga.
[2]Sino ang kumain ng mangga?
[3]Sino ang gustong kumain ng mangga?
[4]Sino ang hindi pa tumikim sa masarap na himagas na ito? {10-5.1}
[5]Sinikap ng lobo ang tumalon upang maka-ahong palabas. {7K-754 Σ}

2-4.6 Pariralang pandako bilang panaguri at pamaksa

(1) Maaaring panaguri o pamaksa sa pangungusap na walang pandiwa ang pariralang pandako na may nasa [1 2] o sa [4 5a] {4-2.2.1} {4-2.1}. May magkaibang palaugnayan ang nasa at sa. Palaging kailangan ang nasa [1 2]; ngunit sa harap ng panghalip na panao, maaaring walang sa [3 5b] (halos walang paggamit ng nasa kasama ang tao). Sa mga pangungusap na may nasa bilang bahagi ng pamaksa ay magkakatugma ito at ang pandiwa; dahil dito maaaring panaguri ang pandiwa [6]. Nasa di-karaniwang ayos ang pangungusap na [7]. Mga pariralang pang-ukol (pariralang pandakong may pang-ukol {4-2.3}) ang maaaring maging panaguri [8] o pamaksa sa ilang pagkakataon [9]. Maaaring bumuo ng panaguri at pamaksa ang nasa may [10 11] at sa ilang pagkakataon lamang ang sa may {4-2.2.2}.

 
[1]Nasa bahay ang nanay.{P-P=P-A}
[2]Sino ang nasa bahay?{P-S=P-A}
[3]Kanino ang lapis?{P-P=P-A}
[4]Sa ama ang lapis.{P-P=P-A}
[5][a] Sa akin ang lapis. [b] Akin ang lapis. {P-P=P-A}
[6]Basahin ang nasa likod. {P-P=P-V} {P-S=P-A}
[7]Dalawa na lang kami ni Ina, sabi niya si Ama daw ay nasa langit na. {W Girl 3.2}{P-P=P-A}
[8]Tungkol sa panahon ang sulat. {P-P=P-A/O}
[9]Ayaw ko munang ispipin ang tungkol sa pag-aasawa. { Perdon 2003 p.84}{P-S=P-A/O}
[10]Nasa may simbahan ang bahay ko. {P-P=P-A}
[11]Bahay ko ang nasa may simbahan. {P-S=P-A)}
Iba pang halimbawa tingnan sa {2K-461}.

(2) Pariralang pandako ang SA panghalip na pamatlig katulad ng dito {6-4.7}. Gayunman iniiwasan ang mga ito bilang panaguri at pamaksa [12]. Sa halip nito ay minamabuti ang anyong makadiwang pinapanggalingan sa panghalip na pamatlig katulad ng nandito [13] {8-1.1}.

 
[12]Dito na ang kapatid mo. [0] {P-P=(P-A=P-N(MA.PD))}
[13]Hay, bakit nga ba ako nandito sa tabi mo? {W Madaling Araw 3.7} {P-P=P-V(VA00)}

(3) Katulad ng pariralang pandako ang panaguri at pamaksa sa pangungusap na may pangkaroon na may, walang at maraming {4-3}. Napakalimitang panaguring nasa unahan ng sugnay ang pariralang pangkaroon [14], madalang ang di-karaniwang ayos [15]. Karaniwang ginagamit lamang bilang pamaksa ang pariralang pangkaroon sa pangungusap na pananong at sa mga sagot [16]. Dahil sa katwirang pansemantika ay mas malimit ang paggamit ng may kaysa wala; madalang ang marami.

 
[14]May pera ang lolo.{P-P=P-A/E}
[15]Ngayong ako ay may sapat nang edad ngunit ... {2A-252 Σ} {P-P=P-A/E}
[16] Sino ang walang pera? {P-S=P-A/E}
Iba pang halimbawa tingnan sa {2K-461}.

2-4.7 Pang-uri bilang panaguri at pamaksa

Maaaring bumuo ng panaguri ang pang-uri (o pariralang pang-uri) sa mga pangungusap na walang pandiwa [1 2 8 9]. Dahil sa pagkakapareho ng panaguri at pamaksa maaari ring maging pamaksa ang pang-uri [3]. Maaaring ilabas ang isang pang-uri sa pariralang pangngalan upang ito ay maging pananong [4-9]. Nasa karaniwang ayos ang lahat ng pangungusap na [1-9 10c 11]. Sa pangungusap na [10 11] ay pang-uri ang panaguri at sugnay ang pamaksa {2-4.9}. Sa ganitong pagkakataon ay kulang ang isang tanging tagaganap; pangkalahatan ang pahayag. Sa kawikahang katulad ng [12], pariralang pang-uri na may panuring na pandako ang panaguri {9-4.2 [4-6]}. Maaaring panaguri (hindi pamaksa) ang panghalip na pananong, katulad ng karaniwang pang-uri bilang panaguri ang kayarian ng pangungusap na ito [13] {12-2.2}. Sa pangungusap na [14], isang pang-uring panaklaw ang pamaksa.

 
[1]Maganda ang bulaklak.{P-P=P-J}
[2]Wala rito si Juan.{P-P=P-J}
[3]Ikaw na ang bahala sa mga iyan. {W Samadhi 4.4} {P-S=P-J(JA)}
[4]Kinain ni Maria ang limang mangga.
[5]Limang mangga ang kinain ni Maria.
[6]Ilang mangga ang kinain ni Maria?
[7]Ilan ang manggang kinain ni Maria? {2K-471 Σ}
[8]Ilan ang kinain ni Maria na mangga? {P-P=P-J(JI)}
[9]Lima ang kinain ni Maria na mangga. {2A-471 Σ}{P-P=P-J}
[10][a] Mapanganib na lumapit sa ahas. [+] [b] Mapanganib lumapit sa ahas. [+/0] [c] Mapanganib ang lumapit sa ahas. [++] (Iniuugnay sa kilos ang pang-uri, hindi sa bunga ng kilos Mapanginib kagatin ng ahas. Dito hindi mahalaga kung tahasan o balintiyak ang pangungusap, tingnan [11].) {P-P=P-J P-S=C-L}
[11]Mabuting bigyan ng pera ang mga mahihirap. {P-P=P-J P-S=C-L}
[12]Isa siya sa mga kasali ng sayaw. {P-P=P-J(J P-A)}
[13]Alin ang nasa bahay?{P-P=P-J(JI)}
[14]Maaari ang alinman sa mga aklat na ito. {2-4.1 (3)} (Bagay na umiiral ang inilalarawan ng panghalip na panaklaw; dahil dito maaaring pamaksa ang alinman.) {P-S=P-J(JF)}

2-4.8 Pang-abay bilang panaguri

Sa mga pangungusap na walang pandiwa, maaaring bumuo ng panaguri ang pang-abay [1-4] (sa ilang pagkakataon, pariralang pang-abay [5]). Kahit na may pagkakapareho ng panaguri at pamaksa, halos walang pang-abay bilang pamaksa. Kalimitang pinipili ang mga pangungusap na may pariralang pangkaroon kung saan hindi na panaguri ang pang-abay [6 7] {4-3}. Sa pangungusap na [3 8] ginagamit ang pang-abay na pananong bilang panaguri {12-2.3}.

 
[1]Kanina ka pa ba?{P-P=P-D(DI)}
[2]Bukas kasi ang iyong kaarawan. {W Rosas 4.8} {P-P=P-D}
[3]Kailan ang pulong?{P-P=P-D(DI)}
[4]Kahapon ang pulong.{P-P=P-D}
[3]Mamayang gabi ang palabas. {10-3}{P-P=P-D}
[4]Kailan mayroong pulong?{DI P-P(P-A/E)}
[5]Kahapon may pulong.{D P-P(P-A/E)}
[6]Mamayang gabi may palabas.{P-D P-P(P-A/E)}
[7]Gaano ba ang inaani ni Don Pepe?

2-4.9 Mga sugnay bilang pamaksa o panaguri

(1) Maaaring nasa halip ng pamaksa ang isang sugnay. Karaniwang ito'y sugnay na makaangkop; ginagamit ang pang-angkop sa halip ng panandang ang [1] {13-5.3.1}. Wala nang pagtatanda ng pamaksa at fokus nito. Maaaring lakdawan ang anyong na ng pang-angkop [2]. Pag may salitang pananong ang sugnay na bumubuo ng pamaksa, ginagamit ang sugnay na pangatnig na may kung sa halip ng sugnay na makaangkop [3]. Maaari ding ibang sugnay na pangatnig ang bumubuo ng pamaksa [4]. May pagkakataon kung saan pinapanatili ang panandang ang [5]. Tinatawag namin ding sugnay na makaangkop ang mga sugnay na ganito [5] {13-5.3.2}.

(2) Kalimitang may pandiwa bilang panaguri ang dalawang sugnay [1 3 6]; ipinapalagay naming pandiwang nakakabit ang mga pandiwa ng sugnay na ito {7-7.5}. Sa pamamagitan nito, maaaring isama ang isa pang pandiwa sa pangungusap. Karaniwang may anyong pawatas ang pandiwang pang-ibaba ([1a 3], ngunit hindi [1b 1c]). Sa pangungusap na [6], pamaksa ang pandiwang pang-ibaba at may di-karaniwang ang ang panaguri (ito'y pangngaldiwa) {2-2.5}.

Pangngalan ang panaguri ng pang-itaas na sugnay sa pangungusap na [4 8], pang-uri sa [2 5 7]. Pariralang pangkaroon ang pang-ibabang sugnay na bumubuo ang pamaksa sa [8].

 
[1][a] Sinabi kong magkita sila sa palengke. [++] [b] Sinabi kong nagkita sila sa palengke. [+] [c] Sinabi kong magkikita sila sa palengke. [++] {2A-491 Σ}{P-P=P-V P-S=C-L}
[2]Mapanganib (na) lumapit sa ahas. [+] (Tingnan din sa [5].) {P-P=P-J P-S=C-L}
[3]Sinabi ni Ate kung saan sila magkita. {P-P=P-V P-S=C-C}
[4]Simula nang mamatay ang Inay. {W Damaso 3.1} {P-P=P-N P-S=C-C}
[5]Mapanganib ang lumapit sa ahas. [++] (Alinlangan kung lumipat sa ahas ang isang sugnay. Pag hindi, payak ang pangungusap na may pang-uri bilang panaguri at pariralang pandiwa bilang pamaksa.){P-P=P-J P-S=C-L}
[6]... napagtanto kong ang pagkalinga ng magulang ang tunay kong hinahanap. {2K-252 Σ} {P-P=P-V P-S=C-L}
[7]Mabuti, pero hindi importanteng magsuot ng korbata kung bibisita ka sa kanila. (Pinapangunahan ng pang-angkop na -ng ng importante ang sugnay na pampamaksa. Nasa hulihan ng panaguri ang pang-angkop; dahil dito, walang pang-angkop sa mabuti { Kroeger 1991 p.175}.) {P-P=P-J P-S=C-L}
[8]... alam kong walang magulang na nakakatiis sa anak, kahit nagkasala man iyon. {2K-492 Σ} {P-P=P-N P-S=C-L}
Iba pang halimbawa tingnan sa {2K-493}.

Ginagamit ang dalawang anyo ng pang-angkop upang buuin ang mga sugnay na humahalili sa pamaksa. Kung kaya, marahil na walang pagpapaikli ng ang ang anyong -ng (tingnan din sa {12-2.1 (2)}).

(3) Maaaring bumuo ng panaguri ang mga sugnay [9-11]. Walang pang-angkop pagkatapos ng panandang ay kung sa di-karaniwang ayos ang pangungusap [9 10]. Nasa karinawang ayos ang sugnay na pang-itaas na [11]; inihihiwalay ng panandang ang ng pamaksa ang dalawang sugnay.

 
[9]Ang tanging alam ko lamang ay malayo na ang loob niya sa akin. {2K-494 Σ} {.. P-P=C-L}
[10]Ang tangi mo na lang nagawa upang alisin ang tensiyon ay paglaruan ang tungki ng aking ilong. {2K-495 Σ [1]}{.. P-P=C-L}
[11]Paglaruan ang tungki ng aking ilong ang tangi mo na lang nagawa upang ... . {2K-495 Σ [2]} {P-P=C-0 ..}

2-5 Θ Pariralang panaguri at pamaksa

Matapat na nasa pangungusap ang pariralang pangkayariang panaguri at pamaksa, inilalarawan ang tungkulin nito sa kabanatang {13-2}. Hindi maaaring pariralang pang-ibaba ang panaguri at pamaksa.

Sa Patakaran namin itinatampok ang panaguri nang ganito.

 Katatayuan ng panaguri Pagbuo ng panaguri 

[1]Matapat sa pangungusapPariralang pandiwa {2-4.4}
[2]Matapat sa pangungusapPariralang pangngalan {2-4.2}
[3]Matapat sa pangungusapPariralang pandako {2-4.6}
[4]Matapat sa pangungusapPariralang pang-uri {2-4.7}
[5]Matapat sa pangungusapPariralang pang-abay {2-4.8}
Sugnay ang maaaring bumubuo ng panaguri. {2-4.9}

Halos pareho ang paglalahad ng pamaksa sa Patakaran dahil sa pagkakapareho ng panaguri at pamaksa.

 Katatayuan ng pamaksaPagbuo ng pamaksa  

[1]Matapat sa pangungusapPariralang pangngalan {2-4.1}
[2]Matapat sa pangungusapPariralang pandiwa {2-4.5}
[3]Matapat sa pangungusapPariralang pandako {2-4.6}
[4]Matapat sa pangungusapPariralang pang-uri {2-4.7}
[5]Matapat sa pangungusap Pariralang pang-abay {2-4.8}
Sugnay ang maaaring bumubuo ng pamaksa. {2-4.9}


Wikang Filipino ni Armin Möller   http://www.germanlipa.de/wika/ug_P-P_2.htm   25 Enero 2009

Wikang Filipino - Wakas ng 2 Panaguri at Pamaksa (Talaksan 2/2)

Simula ng pahina   2/1 2K/1 2K/2   Palaugnayan
Pahinang pamagat na Filipino   Mabuhay