Werkstatt
Sicat, Ellen: Unang Ulan ng Mayo

   
1 Einleitung  
 
21 Originaltext: Silang Maaamo

1 Einleitung

Quelle: Ellen Sicat: Unang Ulan ng Mayo
Pasig City, 2009, ISBN 978-971-27-2065-9 { Sicat 2009}



20 Originaltext: Silang Maaamo (Kapitel 20)

Silang Maaamo (pp. 146-155)

{20.1}
Nasaan na ang bundok Arayat? ilang beses na itinanong ni Lope kay Amado. Ang paghanap sa bundok Arayat ang paraan niya para hindi mainip ang bata sa halos tatlong oras na biyahe pauwi sa aming probinsiya. Uuwi kami para dalawin si Nene, ang kaisa-isang kapatid na babae ni Carlos. Ayon sa aking pamangking si Justin na dumaan sa amin kamakailan, dalawang linggo nang may lumalabas na dugo sa ilong ni Nene. ...

{20.2}
"Baka balinguyngoy," hula ko.Naliligo naman daw ito araw-araw."Kahit naliligo, mainit ngayon, nagre-react ang kaniyang katawan sa init." "Buhay na dugo. Sumasago, sabi nang iyong tuwalyang pinang-ampat sa dugo sa ilong, mapipilipitan mo." Iminuwestra pa niya ang pagpilipit nang tulad sa naglalaba....

{20.3}
Kinabahan ako. Tinawagan ko si Ferdie. Nasa pabrika pa ito. Bukod sa tindahan nila ng bigas, nangongontrata ito ng pagtahi ng supot ng semento. Ang nakausap ko'y ang aking bilas na katulad kong nerbiyosa. "Sasabihin ko, pagdating ni Ferdie," ngatal pa ang boses na sabi niya. Mayamaya lamang tumawag na si Ferdie. Magpapadala na lamang daw siya ng pera at tumawa na parang nahihiya -idinugtong niyang baka may pasobra ang balita ng aming pamangkin. "Alam mo naman ang batang 'yon ..."...

{20.4}
Napangiti ako sa sarili. Naisip kong tunay, kung minsan, may labis kung magbalita si Justin. Siguro'y dapat itong naging manunulat. Mahusay siyang magkuwento, madadala ka talaga at matatawa. Tulad ng sinabi nito na ang nanloko raw sa kanila na recruiter, kanilang tinalupan; ang nahuli nilang magnanakaw ng manok, ikinulong niya sa kulungan ng manok. Sinasabing kailangang maging matapat ang manunulat—paano kung ang isang may talino sa pagsulat, hindi natuloy maging manunulat? Saan siya dadalhin ng kaniyang imahinasyon? Sa paglulubid ng kasinungalingan?...

{20.5}
Gayunpaman, ayaw kong may inaalala pa ako. Ipinasiya kong umuwi ng probinsiya, kasama ang lahat ng anak (maliban sa pangalawa, na ayaw lumiban sa opisina), ang dalawang apo at si Lope na siyang nagmaneho ng van. Wala pang dalawang buwan nang huli kaming umuwing mag-anak. Kaarawan noon ng akingbiyenang lalaki. Dinalaw namin ang puntod ng aking mga biyenan at pagbalik namin sa Quezon City, puntod naman ni Carlos. Gusto kong ginagampanan ang alam kong gagampanan ng aking asawa kung siya'y nabubuhay. Isa pa, ngayong nagsusulat na ako, gusto kong marinig ang mga salitang ginagamit ng mga taganayon. Busilak pa ang kanilang wika bagama't narating na sila ng telebisyon....

{20.6}
At gusto ko rin namang lumabas ng bahay. Paano naman ako makakasulat kung nakakulong lang ako sa kuwarto? Walang masusulat kung nagtatago ka sa mundo - walang abala, walang ingay, walang away. Di nakalilikha sa gayong kapanatag na kapaligiran. Sa Paraiso'y mamahinga ang espiritu-mahihimlay. Kailangang laging hindi ito mapalagay - may ingay, may gulo, may away, may paghihikahos - may dapat ipaghimagsik. Masaya kaming sinalubong ng kapatid ni Carlos na si Ponso at ng asawa nitong si Julie, ngbilas kong si Ate Cely na biyuda ria rin....

{20.7}
"Anong oras kayo umalis?" "Halika't makapagkape muna." "Julie, pumunta ka na sa bayan." "Dito na sa 'min sila kakain." "May mangga't suman akong binili kahapon." "Dito na, may pinagbiyay na isda si Julie." "Tumingin ka nga ng buro kina Hule. Umamot ka ng gulay kina Bayani." "E, may tanim ngang upo si Tiyo Hermie sa eskuwelahan." ...

{20.8}
Nataranta na naman ang mga kamag-anak hg aking namayapang asawa. Kabisado nila ang paborito kong pagkain at kapag dumadating ako, kahit na noong buhay si Carlos, di sila magkamayaw sa inaalok na pagkain sa akin. "Huwag na kayong mag-abala. Maski ano lang." Tumuloy ako sa bahay ni Ate Cely. Kapapagawa ng kaniyang bahay. Maliksing naghain si Ate Cely ng mangga, suman—nagsalang rin ng tubig para sa kape....

{20.9}
Ipinagparangalan niya ang album ng mga litrato noong kasal ng anak na siyang nagpagawa ng kanilang bahay. Ilang beses ko na iyong nakita pero muli ko iyong binuklat. Tuwang-tuwa si Ate Cely na nakasal na rin ang anak na kung ilang taon ding hindi mapakasalan ng kinakasama dahil hindi pa napapa-walang-bisa ang kasal ng lalaki sa unang asawa. Kinipit ni Ate Cely ang palda at itinaas ang paa, nakaismid na nagkuwento....

{20.10}
"Ano? Ano? Ano ang masasabi ngayon ng iba nating kamag-anak? Kerida raw ang anak ko. 'Yon ba naman, dapat pa nilang ipangalandakan? Dapat, sila ngang magtakip. Ano ngayon?" Matapos makipagkuwentuhan kay Ate Cely, lumipat ako sa bahay nina Ponso kung saan nakatira si Nene. Nadatnan kong nakaupo sina Ponso at Julie sa lumang sopa sa kanilang balkonahe. Nakapagitna sa kanila si Nene. Sa nakapalibot na pasimano ng balkonahe, nakaupo ang ilang kapitbahay. Nakatayo namang naninigarilyo si Justin at ilang kabataang lalaki. Sumunod sa akin si Ate Cely at tumabi kina Julie. Agad tumayo si Nene at akmang magmamano sa akin. Natawa ako. ...

{20.11}
"Matanda ka sa akin, ako ang dapat magmano sa iyo. May sakit ka raw?" Si Nene ang sinundang kapatid ni Carlos. Isip-bata ito at kinakausap ang sarili. Ipina-electric shock ito noon; May sisenta na ito ngayon. Maliit na babae. Maputi at makinis ang balat. Maliit ang mukha at matangos ang ilong. Kung wala itong diperensiya'y maganda sana—pinakamaganda sa kanilang magkakapatid. "Ano po ang pasalubong ninyo kay Nene?" Pinupupo niya ako at tinatawag na ate kahit na mas matanda siya sa akin....

{20.12}
"May regalo ako sa iyo." Inabot ko sa kaniya ang supot ng blusang bordado. Sinilip ni Nene ang supot. "E, pera? Walang pambili ng sigarilyo si Nene." "Ku, si Nene. Kumana na naman," ani Justin. Nene ang tawag sa kaniya ng balana, pati kaniyang mga pamangkin. Itinuring siyang alagaing bata. "Bawal nga sa iyong kumain ng sigarilyo," ani Justin. Ipinapasok ni Nene sa loob ng bibig ang may sinding sigarilyo. Naalala kong hindi ako nakapagpabarya. Hindi puwedeng binibigyan si Nene ng buo dahil akala niya, kaunti lamang ang iyong ibinigay. Pinapalitan ko sa aking panganay ang lilimandaanin ng tig-iisandaan at inabot iyon kay Nene....

{20.13}
Masiglang pumunta si Nene sa kaniyang kuwarto. Napans'in kong sumusuray ngayon ang kaniyang lakad. Pamayamaya'y bumalik siya sa balkonahe at sumama sa umpukan. "Ano ba'ng sakit ni Nene?" tanong ko kay Ponso. "E, nagdudugo ang ilong." "Di kaya balinguyngoy lang?" "Ewan, pinaliliguan naman 'yan ni Julie araw-araw." "Aba, hindi na nga 'yan nagtitikwas at baka nga masama," ani Julie. ...

{20.14}
"Di na rin namin pinagwawalis ng bakuran," dagdag ni Ponso. "Kaya pala malungkot si Nene. Paborito niyang magtikwas ng poso at magwalis ng bakuran, di ba, Nene?" baling ko kay Nene. Nakaupo siyang nakataas ang paa sa sopa. Pumayat nga siya kaysa rati. Ang mata niya'y tila sa malayo nakatingin. Mapalad siya't nasa probinsiya siya. Pinagmamalasakitan siya ng mga kanayon. Inihahatid siya sa bahay ni Ponso kapag nakitang naglalakad mag-isa sa daan....

{20.15}
"Aba, niyayaya na raw siya ni Carlos," natatawang sabi ni Julie, "anong sabi, anong sabi, Nene?" "Hindi. Si Tatang at Inang ang nagyayaya sa akin," pagtutuwid ni Nene. "Sabi, isasama na si Nene. Papanaw na siguro si Nene." "Aba, papanaw na raw si Nene." Humagikhik si Julie. "E paano 'yan, yang blusang binili sa 'yo, 'yan na ba ang pamburol mo?" "E wala namang palda si Nene. Di burlesk si Nene."...

{20.16}
Nagtawanan kami. "Dale nga, paano si Goyo, iiwan mo na si Goyo?" sabad ng isang kapitbahay. "Iiwanan na ni Nene si Goyo. May kadena kasi si Goyo." "Sino'ng Goyo iyon? tanong ko kay Julie. "Yong bang isang sira rin," kaswal na sabi ni Julie at tumayo. "Alina't makakain, madaling-araw yata kayong lumakad."...

{20.17}
Tumayo na kami at nagpunta sa kusina. Pagkakain, pumunta kami sa likuran ng bahay. May itinayo roong kubo si Justin at ang mga kabataang kalalakihan. Mayroon ding bangkong kawayan. Mula roo'y natatanaw ang ilog na ngayo'y nahaharangan na ng dike. Doon nangingisda si Carlos noong kaniyang kabataan. Madalang na ngayon ang isda roon - tilapia na lamang at karpa na kung tawagin nila sa baryo'y Imelda. May mangilan-ngilang isdang kitang. Ipinagmalaki ni Justin sa akin ang tatlong kitang na nasa kanilang aquarium. ...

{20.18}
Dumating ang aking panganay na may dalang ilang putol ng tubo na natalupan na. May dalawang piye ang bawat putol. Nakalantad ang maputi at makatas na puno ng tubo - tinalupan hanggang sa dulo at may itinirang mga tatlong pulgadang tatangnan. Naglaway ako sa gunita ng pagbaon ng ngipin at pagngata ng tubo upang sipsipin ang tamis, pagkaraa'y iluluwa ang sapal. Napatingin akong nakangiti sa kahuntang kanayon na si Bayani....

{20.19}
"Mayroon pa palang tubo hanggang ngayon!" "Aba'y oo naman. Me asukal, di siyempre, may tubo." Agad na kumuha siya ng isang putol. Agad kinagat iyon. "Buo pa pala ang ngipin mo," sabi ko. "Aba, oo. Kuha ka. Pustiso ka na ba?" "May ilang pustiso na 'ko," wika kong nakatingin sa mga putol ng tubo. Nag-aalala akong di na kayang kagatin ng aking natitirang ngipin ang tubo. Implant na ang dalawang ngipin ko sa harap at madali iyong maputol o matanggal kapag napadiin ang aking kagat. Kung minamalas, baka umuwi akong bungal. Hindi na bale sanang bungal, lalantad pa ang turnilyong pinakaposte ng pustiso....

{20.20}
Patuloy sa pagpangos ng tubo si Bayani. Lumala-ngutngot ang tubo sa bawat kagat niya. Pati bukong-bukong ng tubo, kayang-kayang pangusin ni Bayani. Naglaway ako sa gunita ng matamis na katas ng tubo. Kinuha ko ang isang putol at tinantiya kong kagatin. Naputol ko - na aking ikinamangha. Kaya ko pa pala! "Noong araw, ganito ang tanim ko sa tumana. Kamura lang no'n," ani Bayani, sabay dampot sa panibagong putol. "Buti buo pa ang ngipin mo." "Di naman kasi ako palakain ng kendi. Di naman ako palasepilyo." ...

{20.21}
Napadako ang tingin ko sa buhok ni Bayani. Mga apat na taon lamang ang tanda sa kaniya ng yumao kong asawa, pero wala pa siyang puting buhok. Alangan namang nagtitina siya ng buhok dahil bihira nga siyang magsepilyo ng ngipin - hindi niya uunahin ang pagtitina sa pagsisepilyo. "Punta ka kina Bayani. Maganda ang lugar nila," ani Ponso. "Nakarating na 'ko sa kanila." "Lumipat na kami."...

{20.22}
Nabigla ako. Parang isang bagay na kataka-taka ang lumilipat ng tirahan ang isang nasa nayon. Doon, naglulumot at nagagapok ka ngunit mayroong mga tatak na iniiwan sa iyo ang paglipas ng panahon. Sa pagyao mo naman, laman ka ng mga huntahan na maaaring may palabis subalit kahit paano'y may bahid ng katotohanan. Ang iyong sinabi, biro, daing, galit - sumanib sa simoy ng hangin. Lumulutang-lutang ang iyong espiritu sa kaligiran. ...

{20.23}
Kasama ang dalawang anak at apo, sumama ako kay Bayani upang tingnan ang kaniyang bahay. Habang lumalakad kami, nakabaling ang tingin ko sa gawi ng ilog. Noong bago kaming kasal ni Carlos - nalalatagan pa ng buhangin at bato ang pasigan. Malinaw noon ang tubig lalo na ang sa may bandang pasigan. Hindi mo kayang tanggihan ang anyaya ng ilog na damhin ito - itampisaw ang iyong mga paa. Ngayon, nahaharangan na ng dike ang ilog. Nakalululang tingnan ito mula sa aking kinatatayuan. Nag-uulan nang nakalipas na mga araw kung kaya't mataas ang tubig sa ilog. Maruming berdeng putik ang kulay ng tubig. Naroon pa rin sa makalampas sa pasigan ang mga namimilipit na puno ng kamatsile, nangakahiga na at bahagya na'ng nakakakagat ang ugat sa lupa....

{20.24}
Kinalabit ako ng bunsong babae. "Ma, tingnan mo ang mamang 'yon, nakakadena ang mga paa." Huminto ako. May isang metro ang layo sa amin - nakauklo ang lalaki sa may puno ng kamatsile. May maluwag na kadena sa leeg. May kadena rin siguro sa mga paa tulad ng sinabi ng aking anak dahil halos gumapang ito sa pag-abot ng latang malayu-layo sa kaniya. May daklot siyang sako. Luku-luko siguro, pero hindi tulad ng mga luku-luko sa lunsod - malinis ang suot niyang damit at nasuklay ang maikling buhok. Wala rin siyang grasa sa mukha at makinis ang kaniyang balat. Bumaling ako kay Bayani. ...

{20.25}
"Kawawa naman. Sino 'yon?" "Si Goyo, anak ni Sitang." "Bakit nila kinakadena?" "Kasi gagala. Ku, nakararating 'yan hanggang Cabanatuan. Mabuti na ang ganyan." "Bakit hindi nila ipagamot?' "Inborn na 'yan. Hindi na nagagamot. Tara na." "Sabihin mo kay Sitang, nagagamot na ngayon ang ganyan. Kawawa naman. Kaguwapo pa naman," ukilkil ko pa rin kaliit na napuna kong parang ayaw ni Bayaning pag-usapan pa si Goyo. "Naku, marami na silang pinagpatingnan."...

{20.26}
Tumigil kami sa harap ng nababakuran ng mga lumang yerong pinaghile-hilera at hinarangan ng kawayan. Gayong butas-butas at kalawangin ang mga yerong pinagsusunson - wala ang gusgusing anyo ng gayon ding tanawin sa lunsod. Nakikita pa ang pinagdaanan ng pagkawalis ng tingting sa lupa. Mapuno ang loob ng bakuran. Binuksan ni Bayani ang gate na kawayan at hinakbang namin ang may kalahating metrong taas na narang. Pababa ang lote kaya may ginawang hagdanang lupa. Sinalubong kami ng tatlong pandak at kayumangging mga aso at isang ibong martines. Parang anak na kinarga ni Bayani ang isa sa mga aso....

{20.27}
"Tingnan mo ha, tatawagin ko ang mga benggala. Benggala, benggala!" Mula sa kung saan, rumagasa ang mga benggala, kasunod ang mga pabo. Humarap sa mga hayop ang ibong martines na tila ito kanang-kamay ni Bayani. Natawa kami ng aking mga anak. Sumali si Amado sa nagtatakbuhang hayop. Gusto ring sumali ni Maya. Nagpipiglas ito mula sa pagkakarga ng aking pangatlo....

{20.28}
Isinaboy na parang ulan ni Bayani ang pakain sa mga ibon. May isang benggala na ang tinutuka ay kung ano lang ang sumabit na pagkain sa balahibo ng katabi nitong pabo. Hindi sila nag-aagawan sa pagkain. Nananatiling maamo at mabini ang mga ibon sa nayon dahil hindi sila sinisilo. At naalala ko ang nakakadenang anak ni Sitang. Kilala kong mayumi at mabait si Sitang. Hindi niya alam na nagiging malupit siya. Simpleng paraan niya ang pagkadena upang huwag mawala ang anak na may diperensiya. ...

{20.29}
Nang pauwi na kami, muling hinanap ni Amado ang bundok Arayat sa aming dinadaanan. "Hindi mo na makikita ngayon, madilim na," sabi ni Lope. "Hindi, ayun, ayun." Itinuro ng bata ang banaag ng bundok sa madilim na kalangitan. Kabilugan ng buwan kaya't tila ipinintang larawan ang banaag ng mataas na bundok Arayat. ...



Die filipinische Sprache von Armin Möller   http://www.germanlipa.de/text/uhaw.htm   25. März 2010

Die filipinische Sprache - Werkstatt - Ende Ulan

Seitenanfang   Titelseite Werkstatt   Syntax   Titelseite Filipino   Mabuhay