Werkstatt
Coraza, Michael M.:
Ang Nasyonalismo, Rehiyonalismo at Globalismo
sa Pagpaplanong Pangwika sa Filipinas:
Isang Problematiko

1 Einleitung
3 Originaltext


1 Einleitung

Quelle: Coraza, Michael M.: Ang Nasyonalismo, Rehiyonalismo at Globalismo sa Pagpaplanong Pangwika sa Filipinas: Isang Problematiko
LIWAYWAY, 15 Nobyembre 2010 { Liwayway}


3 Originaltext

Haraya
Ni Prof. Michael M. Coraza
(Southeast Asia Writers Awardee)
Ang Nasyonalismo, Rehiyonalismo at Globalismo sa Pagpaplanong Pangwika sa Filipinas: Isang Problematiko
LIWAYWAY, 15 Nobyembre 2010

{3.1}
Pangunahing layunin ng asignaturang Filipino 12 (Sining ng Komunikasyon II) sa Ateneo De Manila University ang mapagsalita at mapagsulat ang mga mag-aaral sa paraang kauna-unawa dahil may wastong balarila at mabisa dahil ginamitan ng mga angkop na kasangkapang panretorika. Ipinagpapalagay ng ganitong layunin ang pagkakaroon ng isang tiyak na pamantayang pangwika na susundin ng lahat. Nangangahulugan, nasa masinop at mahusay na pagsunod ng mga mag-aaral dito ang ikapagkakamit nila ng mataas o mababang marka.

{3.2}
Tulad ng dapat asahan, marami sa mga mag-aaral ang nahihirapan. Nagrereklamo lalo na iyong mga mag-aaral na hindi mula sa Katagalugan. Parusa para sa kanila ang pagsunod sa ganitong pamantayan sapagkat hindi naman daw sila Tagalog. Iginigiit pa nila na tanging ang kanilang katutubong wika at Ingles ang sinasalita nila sa bahay.

{3.3}
Bunga nito, nagiging isang pook ng tunggalian ang silid-aralan. Nasyonalismo ang katwirang ibinabandila ng guro. Pagiging praktikal naman ang ipinipilit ng mga mag-aaral. Bakit hindi na lamang daw pahintulutan ang Taglish, usisa ng isang estudyante. Higit na madali raw sabihin ang "i-explain ang theory" kaysa "ipaliwanag ang teorya". Tugong tanong naman ng guro, "Pahintulutanka kaya ng propesor mo sa English na you will paliwanag the theory?"

{3.5}
Hindi marahil naiiba ang sitwasyong kinakaharap ng tulad kong guro ng Filipino sa Ateneo sa sitwasyon ng karamihan sa mga guro ng ating wika sa buong bansa. Lagi nang kailangang makipagbuno para tanggapin ang itinuturo. Parang lagi na lamang dapat pangatwiranan kung bakit dapat pang pag-aralan ang wikang pambansa. Samantalang kapag ang wika ng dating mananakop ang pinag-uusapan, parang wala nang dapat pang pag-usapan. Tanggap nang mahalaga ito at isang pangunahing pangangailangan lalo na sa panahon ng globalisasyon.

{3.5}
May ilang bagay na dapat linawin kaugnay ng sitwasyong ito. Una, may tiyak na pamantayan nga ba ang ating wikang pambansa? Kung mayroon nga, saan ito ibinatay at paano ito natiyak? Hindi kaya isang paglabag sa karapatang lingguwistiko ng bawat mag-aaral ang pagpipilit na sundin nila ang pamantayang ito? Ikalawa, gaano nga ba kapraktikal ang Taglish? Mayroon nga ba talagang masama sa paggamit nito? Ikatlo, ano ang kinalaman ng tunggaliang nasyonalismo-rehiyonalismo at ng globalismo sa lahat ng ito?

{3.6}
Sa pagtalakay na ito, sisikaping liwanagin ang ginampanan ng tunggaliang nasyonalismo-rehiyonalismo sa pagpaplanong pangwika sa Filipinas. Nilalayon nitong patunayan na sa harap ng mga hamon ng globalisasyon, lalong dapat paigtingin ang nasyonalismo laban sa isang pagtuturing sa wika at kultura ng bansa bilang simpleng instrumento lamang. Maisasagawa ito sa pamamagitan ng pag-ungkat sa ugat ng tunggaliang nasyonalismo-rehiyonalismo sa Filipinas at kung paano nito iniluwal ang isang wikang pambansa na nilalayong maging kasangkapan sa pambansang pagtatalastasan ng mga mamamayan at isang simbolong normatibo ng kulturang FiUpino.

{3.7}
Makabansang Pagsilang ng Wika
Ayon kay John Schumacher sa kaniyang The Making of a Nation: Essays on Nineteenth Century Filipino Nationalism (1991), ang nasyonalismo sa Filipinas ay pinasibol at higit na nilinang ng mataas na edukasyong natamo ng ilang mga ilustrado. Aniya, "The national consciousness, and the Propaganda Movement which was its catalyst, came into being chiefly as the fruit of Philippine institutions of higher education."

{3.8}
Ang nasyonalismong ito, dagdag pa ni Schumacher, ay pinaigting ng mga naging karanasan ng mga intelektuwal na Filipino na nag-aral sa Europa. Tulad ni Jose Rizal, nagtungo sila sa Europa upang higit na maabot ang kanilang mga hangarin na mabubuod sa dalawang pangunahin: una, mapatunayan ang pagkakapantay-pantay ng mga Filipino at Espanyol; ikalawa, malinang ang isang pambansang kulturang kikilalaning Filipino.

{3.9}
Si Jose Rizal ang huwarang nasyonalista noong ikalabinsiyam na siglo. Sa hindi mabilang na pagtatagumpay niya sa iba't ibang larang ng agham at sining, pinatunayan niya sa mga mananakop na ang mga Filipino ay walang alinlangang kapantay ng mga Espanyol. Wala sa pagiging Espanyol o Filipino ang katalinuhan, taglay ito ng sinuman o alinmang pangkat ng tao sa daigdig. Sa mga pagsisikap niyang mabalikan at sulatin ang sinaunang kasaysayan ng Filipinas, tulad ng anotasyong ginawa niya sa Sucesos de las islas filipinas ni Antonio Morga, pinatunayan niya kung paanong mula sa nakalipas, makabubuo ang mga Filipino ng isang pambansang kulturang maipagmamalaking kanila. Ayon muli kay Schumacher, "Rizal felt deeply that it was in understanding the pre-Hispanic Philippines that the Filipinos would understand themselves, would find the identity on which a new nation could rise."

{3.10}
Nasyonalismo ang nagluwal sa wikang pambansa. Isang pangangailangan ito sa pagtataguyod ng pambansang kapakanan at pagkakakilanlan, isang paraan ng pagkilala at paggigiit ng higit na awtentikong sarili sa harap ng mga mananakop. Sa pamamagitan nito, tahasang nauusig, kung hindi man naitatakwil, ang paghahari ng dayuhan at maluwalhating nababalikan ang pre-kolonyal na sandali ng bayan. Kaya nga naglathala ang mga propagandistang tulad nina Pardo de Tavera at Jose Rizal ng mga pag-aaral tungkol sa wikang Tagalog sa La Solidaridad. Kaya nga sa panahon ng paghihimagsik, piniling gamitin ni Andres Bonifacio ang Tagalog bilang opisyal na wika ng Katipunan.

{3.11}
Para sa hindi iilang kritiko, isang dominasyon o isang mapanlinlang na anyo ng pananakop ang pagkakapili sa Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa noong panahon ng Komonwelt. Isa raw imperyalistiko at di-makatarungang hakbang ito ng Pangulong Manuel L. Quezon na nagsaisantabi sa wika at kultura ng mga di-Tagalog. Sa kaniyang sanaysay na "Multilektaliti, Multilinggwalism, Inhinyerya ng Wika, at Panlipunang Katarungan - O May Problema nga ba ang Wika ng Bansa?" (2001), sinabi ni Aurelio Agcaoili ang ganito:

{3.12}
"Sanhi ng kanyang pagmaniobra, ang makatarungang konsepto na nagtatatag ng 'panlahat na pambansang wika na nakabatay sa umiiral na mga wika' sa bansa ay naging di makatarungan nang ang batayang konsepto ay naging ganito: pagpapaunlad at pagtanggap sa isang panlahat na pambansang wika na batay sa isa sa mga umiiral na mga katutubong (dialekto) wika."

{3.13}
Maigigiit ni Agcaoili na isang pagsasamantala ng mga puristang Tagalog ang buong proseso ng imposisyon ng wika at kulturang Tagalog sa buong kapuluan. Ngunit ang kagyat na pagtanggap sa paniniwalang ito ay isang pagbubulag-bulagan sa mga historikong salik na nakaapekto nang malaki sa mga pangyayari. Hindi makatwirang sabihin na bunga lamang ng pagmamaniobra ng isang tao o ng isang pangkat ng tao ang pagtangkilik sa Tagalog. Sabi nga ni Randolf David sa kaniyang sanaysay na "Politika ng Wika, Wika ng Politika" (1996):

{3.14}
Aug isang sitwasyong pangwika ay produkto lamang ng interaksiyon ng marami at iba't ibang proyekto. Ang ilan dito ay sadyang tumutukoy sa isang patakaran sa wika. Subalit ang karamihan ay bahagi lamang ng mga maniobra sa negosyo at politika at hindi tuwirang nakatuon sa pagpapalaganap ng wika.

{3.15}
Ang Tagalog, na wika ng Kamaynilaan na siyang sentro ng pamahalaang Kastila sa Filipinas, ay hindi noong panahon lamang ni Quezon nagkaroon ng puwang sa pambansang kamalayan. Pinatunayan ni Ernest J. Frei sa kaniyang The Historical Development of the Philippine National Language (1959) na may kasulatan noong 1618 na nagpapatotoong hindi lamang sa Luzon sinasalita at nauunawaan ang Tagalog kundi sa buong kapuluan. Bagay na inaayunan ito ng mga obserbasyon ni Vicente L. Rafael sa kaniyang White Love and Other Events in Filipino History (2000):

{3.16}
"...since the 1890s, Tagalog has been the focus of various nationalist concerns. Projected as the potential language of cultural authenticity with which to articulate a precolonial past with a decolonized future, Tagalog has been regarded as one site for translating the colonial order into a national one. Insofar as Tagalog could furnish the means with which to elicit the attention of a mass audience, nationalist elites, like their Spanish predecessors, could imagine it as a language that might fuse the interests of those above with those below the social hierarchy across a variety of vernacular, non-Tagalog speaking communities.

{3.17}
Bagay rin itong hindi na dapat pang pagtakhan. Sa isang teritoryo o bansa na binubuo ng iba't ibang pangkat ng tao na may iba't ibang wika, sadyang pumipili ng isa na magiging wikang pagkakasunduan ng lahat. Ay on nga sa sanaysay na "The Theory of Language Planning" (1974) ni Valter Tauli, "When a common language has to be chosen among several languages of a territory, it is the numerical, political or cultural dominance, not linguistic considerations, which in practice solves the problem."

{3.18}
At karaniwan nang napipili ang wikang ginagamit sa sentro ng mga pang-ekonomiya at politikal na aktibidad. Kaugnay ng Tagalog, naging ganito ang puna ni Vicente Barrantes hinggil sa sitwasyong pangwika sa Intramuros o Maynila noong 1869, sa pagkakasipi ni Carmen Guerrero Nakpil sa kaniyang aklat na Mga Kuwento sa Kasaysayan (2003): "Sa kabisera mismo na kinalalagyan ng pamahalaang sentral at tinatahanan ng pinakamalaking bilang ng mga Espanyol, ang mga katutubo at mestiso ay hindi nagsasalita ng Espanyol kundi ... Tagalog ..." Pinagtibay at pinalawig pa ni W.E.W. MacKinlay sa kaniyang A Handbook and Grammar of the Tagalog Language (1905) ang ganitong obserbasyon:

{3.19}
"The Tagalog is the most important of the many tongues and dialects of the Philippines, which seem to number well over threescore, on account of its being the most widely understood, the most euphonious, and the most developed by contact with foreign idioms. It thus occupies a similar position to that held by Malay farther to the south, and to English in the world at large. Spoken by over a million and a half of the most energetic race in the islands, occupying the city of Manila, eight provinces surrounding the metropolis, and a number of outlying islands and districts beyond these limits, it is also generally understood by many far beyond its own territory, especially in seaport towns throughout the archipelago."

{3.20}
Tulad ng ibang mga bansa na naging sakop din, isang ideal para sa Filipinas ang pagkakaroon ng isang wikang pambansa. Kinailangang kausapin ng mga intelektuwal na nagsusulong ng paglaya mula sa mga mananakop ang kanilang mga kababayan. Sabi nga ni Franz Fanon sa kabanatang "On National Culture" ng kaniyang tanyag na The Wretched of the Earth (1963):

{3.21}
"While at the beginning the native intellectual used to produce his work to be read exclusively by the oppressor, whether with the intention of charming him or of denouncing him through ethnic or subjectivist means, now the native writer progressively takes on the habit of addressing his own people."

{3.22}
Ganito, halimbawa, ang panuntunang sinunod ni Aurelio Tolentino sa pagpili niyang magsulat ng mga sedisyosong dula sa Tagalog noong bungad ng siglo dalawampu. Sabi nga ni Salvador Lopez sa kaniyang "Talumpati sa pagbubukas ng Palihang Aurelio V. Tolentino" noong ika-20 ng Oktubre 1974:

{3.23}
"Komunikasyon. Iyan ang mahalagang panuntunan ni Aurelio V. Tolentino sa pagsulat. At sapagkat nais niyang magpahayag sa marami'y sinikap niyang gamitin sa pagsulat ang lahat ng kaniyang alam na wika. Marami sa mga sinulat niya ang may salin sa Pampango, Tagalog at Kastila. At nang sa palagay niya'y higit na epektibo siya at may higit na audience sa Tagalog, dito siya nag-ukol ng konsentrasyon."

{3.24}
Mahalaga para sa pambansang komunikasyon ang pagkakaroon ng isang wikang pambansa. Isang wika ito para sa lahat, daluyan ng magkakaiba ngunit pinagkakaisang pananaw at hangarin tungo sa pagtatamo ng iisang mithiin. Pagbibigay-diin nga ni Steven Pinker sa kaniyang The Language Instinct: How the Mind Creates Language (1994), "A common language connects the members of a community into an information-sharing network with formidable collective powers." Maging ang Diyos ay nangamba marahil sa pagkakaisang natamo ng mga nagtayo ng Tore ng Babel sa pamamagitan ng isang wika.

{3.25}
Sa isip ng mga intelektuwal na tagapagbunsod ng nasyonalismo, bindi kasangkapang pangkomunikasyon lamang ang wika. Lunsaran ito ng pagtatagpo ng mga karanasang nagkakaiba-iba ng mga mamamayan. Sa pamamagitan nito ay nabubuklod at nagtatalaban ang mga karanasang ito sa isang pambansang kultura. Sa ganitong paraan, makalilinang ng isang pambansang pagkakakilanlan, halagahan, at mithiin na magpapatatag sa bansa na makikipagharap naman sa iba pang mga bansa sa daigdig. At ahg mabubuong ito ang magiging batayan sa pagbabalangkas ng hinaharap ng mga susunod na salinlahi. Sabi nga ni Ngugi Wa Thiong'o sa kaniyang sanaysay na "The Language of African Literature" na nalathala sa The Post-Colonial Studies Reader (1995) na pinamatnugutan nina Ashcroft, Griffiths, at Tiffin:

{3.26}
"Language as culture is the collective memory bank of a people's experience in history. Culture is almost indistinguishable from the language that makes possible its genesis, growth, banking, articulation and indeed its transmission from one generation to the next ...

{3.27}
Kung paanong mapaniniwalaan ang paratang na pagmamaniobra ng mga tagapagplanong pangwika sa mga patakarang pangwika sa Filipinas mula pa noong panahon ni Quezon, hindi rin mapasusubalian na pambansang kapakanan ang nagbunsod sa kanilang mga pagpapasiya. Sa kaniyang talumpati noong ika-30 ng Disyembre 1937, sa pagkakasipi ni Ernest Frei sa kaniyang aklat, ipinahayag ni Manuel Quezon ang ganito:

{3.28}
"It affords me an indescribable satisfaction to be able to announce to you on this forty-first anniversary of the martyrdom of the founder and greatest exponent of Philippine nationalism I had the privilege of issuing ... an Executvie Order ... designating one of the native languages as the basis for the national language of the Filipino people ... For over three hundred years Spanish was the official language ... Spanish has not become the common language of our people ... English became the language of our country; ... it has not become the language of our people.. .We may borrow for a time the language of other people, but we cannot truly possess a national language except through the adoption, development and use of one of our own ... There was a time it seemed it would be impossible for the Filipinos to agree that one of the native languages be chosen as the national language, but at last we have all realized that if we are willing to accept a foreign language as the official language of the Philippines, with more reason we should accept one of our own languages as the national language of our common country."

{3.29}
Mahihiwatigan dito ang nasyonalistang sentimyento ni Quezon. Kung matatanggap nga naman ang wikang nagmumula sa banyaga, bakit hindi matatanggap ang isa sa mga wikang katutubo bilang wika ng pagkakaisang pambansa? Hindi lamang paglikha ng isang pambansang simbolo ang kaniyang pinagtibay kundi ang pagkakaisa ng sambayanan sa iisang wika tungo sa pagbubuo ng isang pambansang kultura at hangarin. Sa ganitong makabansang layunin, mga tagapagtaguyod ng Ingles ang higit na nangatog at nameligro. Pahayag nga ni S.P. Lopez sa kaniyang Literature and Society (1940) bilang pagsasanggalang sa Ingles:

{3.30}
There is nothing in the Filipino soul that cannot be transmitted through the medium of English and which transmitted, will not retain its peculiar Filipino color and aroma ... English has all the advantages claimed for Spanish, and none of the disadvantages laid against Tagalog ... It is well, however, for Filipino writers in English to understand and to prepare for the problems that may arise in the years to come as a result of an increasing emphasis on the teaching of Tagalog as the national language at the expense, inevitably it would seem, of English.

24 NOBYEMBRE 22, 2010

{3.31}
Nakapagtataka nga lamang kung bakit matapos "maipagkaloob" ng mga Amerikano ang kalayaan ng Filipinas, nanatiling opisyal na wika ng bansa ang Ingles. Ito y sa kabila ng pagkakatakda ng Kautusang Tagapagpaganap na nilagdaan ni Quezon na magiging opisyal na wika ang wikang pambansa sa pagsapit ng ika-4 ng Hulyo 1946. Nanatili rin ang Ingles maging sa mga institusyong pang-edukasyon na siyang pangunahing ahensiy a sa pagpapalaganap ng wika. Pansin nga ni Vicente L. Rafael, "Tagalog has yet to replace English as the sole language of official transactions and higher education. In this sense, Tagalog cannot be thought of as a language of national identity that subsumes all other local identifications."

{3.32}
Pamantayang Walang Katarungan
Sa lingguwistika, nakikita ang wika bilang kasangkapan sa pagtatalastasan. Walang ikinaiba ito sa alinman sa mga kasangkapang ginagamit ng tao para sa preserbasyon at pagpapabuti ng kaniyang buhay at pamumuhay. Bunga ng ganitong kalikasan, malaya ang taong baguhin o paunlarin ang kaniyang wika. Ayon nga kay Valter Tauli: "In any case man is free deliberately to change and improve his language, as he does with his other tools and social codes."

{3.33}
Ang pagbabagong ito, na dapat sadyain ng tao, ay alinsunod sa mga panlipunang salik na tinukoy rin ni Tauli: "The deliberate direction of language depends on the same factors as change of other social customs and codes: individual initiative, influence of leading persons, authority, prestige, imitative instinct, propaganda, and, last but not least, power." Anu't anuman, laging nauugnay ang pagbabagong ito sa pangangalaga o pagsasaalang-alang ng tao sa ikabubuti ng kaniyang sarili. Sabi nga ni Einar Haugen, sa kaniyang "Instrumentalism in Language Planning" na nalathala sa Can Language be Planned? Sociolinguistic Theory and Practice for Developing Nations ha pinamatnugutan nina sa Rubin at Jernudd noong 1971, "When speakers have in fact shifted language, the motivations have regularly been associated with personal advantage and self-preservation."

{3.34}
Subalit lampas sa pagiging inosenteng kasangkapan ang wika. Sa layuning makabansa, tulad ng nabanggit na, tagapag-ingat ito at tagapaghubog ng halagahan at pangarap ng isang lahi. Kung paanong napagbubuklod ng wika ang isang maliit na komunidad, gayundin naman, inaasahang mapagbubuklod nito ang isang kalipunan ng magkakaibang pangkat ng mga mamamayan. Sa pamamagitan nito, inaasahang malilinang ang konsepto ng isang bansa na para kay Benedict Anderson ay isang hinaharaya o pinapangarap na komunidad na kasasalaminan ng mga mamamayan ng sarili nilang pagkakakilanlan upang maibunsod silang palayain ang kanilang mga sarili sa mapanupil na mananakop.

{3.35}
Sa pamamagitan nito, nilalayong malilinang ang isang pambansang kultura na magiging kadluan ng katwiran ng mga mamamayan upang mapanatili at mapaunlad ang kanilang nagsasariling pag-iral. Sabi nga ni Fanon, "A national culture is the whole body of efforts made by a people in the sphere of thought to describe, justify, and praise the action through which that people has created itself and keeps itself in existence."

{3.36}
Dahil iniluwal ng diwang makabansa, inaasahan ng mga tagapagplanong pangwika sa Filipinas na magagampanan ng kinilala nilang wikang pambansa ang lahat ng nabanggit na tungkulin. Ngunit hindi nila naisaalang-alang na bilang isang bansang multikultural, multilingguwal ang Filipinas. Sa pagkakapili sa Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa noong 1937, hindi maiiwasang managhili ang ibang pangkat rehiyonal ng bansa tulad ng mga Cebuano, Ilokano, at iba pa. Dito nag-uugat ang kawalang-katarungang tinutukoy ng mga kritiko ng wikang pambansa.

{3.37}
Dahil lumilitaw na pinaboran, nakita at kinamuhian ang mga Tagalog bilang imperyalista o bagong mananakop. Malay man o hindi, ngunit mapangangatwiranang hindi sa ideolohikong pamamaraan, nakita ng mga Tagalog ang kanilang wika at kultura bilang nakatataas kaysa sa iba, isang pamantayang dapat kilalanin at abutin ng iba. Bunga nito, kung paanong nakilala ang Tagalog bilang wikang pambansa, nagmistulang kulturang Tagalog din ang kulturang Filipino. Bagay itong nagsaisantabi ng mga wika at kultura sa iba't ibang rehiyon ng Filipinas. Sabi nga ni Aurelio Agcaoili, "... ang unibersalistikong tendensiya ... na nanlalahat mula lamang sa partikular na karanasang Tagalog ay ... pinipipi ang tinig ng iba pang mga etnolingguwistikong grupo sa bansa".

{3.38}
Hindi maipagkakaila ang katotohanang ito sa larang ng panitikan sa Filipinas. Hanggang ngayon, tulad ng pinatutunayan ng mga batayang aklat sa wika at panitikan sa tatlong antas ng edukasyon sa Filipinas, halos isandaang bahagdan ng mga akdang pinag-aaralan o itinuturing na kabilang sa kanon ay Tagalog. Wika nga ni Rosario Cruz-Lucero sa kaniyang sanaysay na "Ang Pitong Buhay ni Arabella: Ang Tagasalin Bilang Malikhaing Manunulat, Kritiko at Literary Historian" na nalathala sa Daluyan noong 1996:

{3.39}
Kasalukuyang humahabol ang panitikang panrehiyon na makilala ng sentro ng kapangyarihang intelektuwal, i.e., ang akademya ng Maynila ... Sa katunayan nga, bago nakilala ang panitikang panrehiyon bilang bahagi ng panitikan ng Filipinas, ang itinuturing na panitikan ng Filipinas ay tanging panitikang Tagalog at Ingles lamang.

{3.40}
Naging sentro ng kulturang Filipino ang wikang Tagalog. Kung paanong noong panahon ng kolonyalismo ay dapat magpakahusay sa Ingles upang makilala at kilalanin, mula nang maitalaga ng batas ang Tagalog bilang wikang pambansa, lahat ay inaasahang magpaka-Tagalog. Sa larang ng kulturang popular, halimbawa, sumikat dahil katatawanan ang mga artistang tulad nina Elizabeth Ramsey, Amay Bisaya, Yoyoy Villame, at Redford White. Bukod sa pagdiriin sa ilang "abnormalidad" sa kanilang mga katangiang pisikal, nakilala sila bilang mga Bisayang nananagalog. Nasa kakaiba o di-tamang pananagalog nila ang bisa ng kanilang pagpapatawa.

{3.41}
Kung kinikilala mang magaling si Pilita Corrales ay dahil mahusay siyang bumigkas ng Tagalog, Ingles, at Kastila sa pag-awit. Ngunit kapag nagsalita na, nagiging komedyante na rin siya. Kaya nga naging patok ang tambalan nila ng Bulakenyong mahusay sa wikang pambansa na si Bert "Tawa" Marcelo noong dekada walumpu sa palatuntunang "Ang Bagong Kampeon" sa telebisyon. Ang totoo, isang paggagad lamang ito sa nauna nang tambalan nina Patsy at Lupito noong dekada singkuwenta sa "Tawag ng Tanghalan." Mahusay ring managalog si Lupito samantalang si Patsy ay katawa-tawa sa kaniyang pananagalog na tunog-Kapampangan.

{3.42}
Noong dekada singkuwenta pa rin, dalawang malaking pelikula ang tumabo sa takilya dahil kinatatampukan ng mga tauhang kakaiba kaya katawa-tawa: ang "Waray-Waray" na pinagbidahan ni Nida Blanca at ang "Dalagang Ilokana" na pinagbidahan naman ni Gloria Romero. Magkasunurang naitanghal ang dalawang pelikula noong 1953. Produksiyon ng LVN Pictures ang " Waray-waray," Sampaguita Pictures naman ang "Dalagang Ilokana." Parehong galing sa kani- kanilang probinsiya ang mga bida ng dalawang pelikula.

{3.43}
At dahil probinsiyana, kapuwa nila hindi alam ang pasikot-sikot ng buhay- Maynila. Kasabay ng pagkatuto nilang matuto ng mga kapamaraanan dito, kailangan ding magsalita sila ng Tagalog. Ang pagpipilit nilang magsalita ng kani-kaniyang katutubong wika ang nagbibigay-diin sa kanilang pagiging kakaiba. Dapat silang unawain, pagbigyan, at pakibagayan dahil naiiba sila. Bagaman sa wakas ay kapuwa sila magtatagumpay sa sari-sarili nilang pakikipaghamok sa buhay, kapuwa sila mapapaloob (o tuluyang mapalulukob) sa kulturang Tagalog na kinakatawan ng pakikipag-isandibdib nila sa mga kasintahang taga-Maynila (Tagalog).

{3.44}
May isa ngang bagong sulpot na komedyante ang minsang napanood kong nagpatawa sa pagsasabi ng ganito: "Sabi nila, Bisaya daw ako, wala naman silang ibidinsiya!" At marami ang natawa. Hindi na kataka-taka. Mula nang maisabatas ang pagiging wikang pambansa ng Tagalog, ito na ang naging pamantayan o standard ng lokal o bernakular na pagtatalastasan. Kung baga sa usaping teolohiko, malaking kasalanan ang paglihis sa pamantayan. Ang nagkasala ay nakikita bilang kaiba, hindi kaisa, at dapat kahabagan sa pagkakamali. Ngunit saan mang anggulo tingnan, sadyang hrndi makatwiran ang ganitong pagtatawa.

{3.45}
Mapagpanggap na Rehiyonalismo
Sa kaniyang aklat na Makabagong Gramar ng Filipino (1992), ipinakita ni Lydia Gonzales-Garcia ang pagkakatulad-tulad ng estruktura at leksikon ng mga pangunahing wika sa Filipinas tulad ng Tagalog, Cebuano, Bikolano, Ilokano, at Pampango. Sa mga halimbawang inihanay niya, tinangka niyang patunayan na "salamin ng kabuuan ng mga wika sa Pilipinas ang Filipino."

{3.46}
Mula sa pagtanaw ni Garcia, mahihinuhang iginigiit na kung Tagalog man ang pinagbatayan, at bagaman itinutumbas ang Tagalog sa Filipino hanggang sa ngayon, malaki na ang iniunlad ng wikang pambansa. Hindi sila nagkakalayo sa paniruwalang ito ni Virgilio S. Almario na nagsabi sa kaniyang Tradisyon at Wikang Filipino (1997) na: "Ang totoo, sabihin mang nakabatay sa Tagalog, hindi na ito ang Tagalog noong 1935. Tumanggap na ito ng mga pagbabago na hinihingi ng panahon sa isang wikang pambansa." Ang hindi ganap na pagtanggap dito, kung gayon, ay higit na usaping politikal sa halip na lingguwistiko - nasa tao at wala sa wika mismo ang problema.

{3.47}
Dahil sa pagtataguyod na iniukol ng mga paaralan at ng mass media, higit sa lahat, naging malaganap ang wikang pambansa na kung tawagin mang Tagalog o Filipino ay hindi na mahalaga pa sa mga mamamayang gumagamit. Obserbasyon pa nga ni Almario, "Kailangan lamang tingnan ang paglusog ng komiks, pelikula, at awitin sa Filipino para makilala na tinatanggap at naiintindihan ito sa buong bansa."

{3.48}
Bunga nito, alinsunod pa rin sa paranaw ni Almario, ang usapin hinggil sa kawalang-katarungan ng pagpili sa Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa ay lumilitaw na wala naman talaga sa mga alalahanin ng bayan. Dahil may pangangailangang magkaugnay, ang mga karaniwang Filipino na nagkakatagpo ng landas mula sa iba't ibang panig ng Filipinas ay nakasusumpong ng tulay sa wikang kung hindi man nila natutuhan sa paaralan ay naririnig naman nilang ginagamit sa radyo, telebisyon o pelikula. Kaya nga ganito ang kongklusyon ni Almario kaugnay ng nasabing kontrobersiya, "ginagatungan lamang ito ng mga edukado't politikong maka-Ingles at rehiyonalista".

{3.49}
Sa isang kapuluang kagaya ng Filipinas, sadyang may kultural na pagkakaiba-iba ang mga pangkat ng tao na pinaghihiwalay ng mga karagatan. At pinatindi ng mga mananakop ang pagkakahati-hating ito ng mga Filipino. Dahil sa pamamaraang "paghati-hatiin at sakupin" na ginamit ng mga Kastila, ang mga Filipino hanggang sa kasalukuyan, sa kabila ng pagkakaroon ng iisang bansa at bandila ay nagbubukod-bukod pa rin bilang Tagalog, Ilokano, Pampango, Cebuano, Ilonggo, Waray, Tausug, Badjao, at iba pa.

{3.50}
Para kay Pamela C. Constantino sa kaniyang Pagpaplanong Pangwika Tungo sa Modernisasyon: Karanasan ng Malaysia, Indonesia at Pilipinas (1991), dito nag-ugat ang rehiyonalismo maging sa pagtanggap ng wikang pambansa. Ngunit mapagdududahan ang pagiging rehiyonalista ng sinuman kung sa halip na ang katutubong wika ang isinusulong ay wikang Ingles pa rin ang ipagpipilitan nitong gamitin. Komentaryo nga ni Rolando S. Tinio, sa kaniyang A Matter of Language: Where English Fails (1990), "I cannot believe that regional chauvinism is so myopic that Filipinos would cut their noses to spite their faces and prefer a foreign language to a local language of another region."

{3.51}
Kung may pagkakahawig-hawig nga ang mga pangunahing wika sa Filipinas, gaya ng pinatunayan ni Garcia, nangangahulugan lamang na may pagkakahawig-hawig din ang mga kultura ng mga taong gumagamit sa mga wikang ito. Magiging malinaw mula rito kung bakit naging mapang-uyam ang tinig ni Tinio sa kaniyang retorikong pagtatanong: "Is the Cebuano or Bicolano sensibility more like the American than the Tagalog?"

{3.52}
Nangangahulugan lamang ito na naging napakamatagumpay ng kolonyalismo sa Filipinas. Pinatutunayan ito ng kawalan ng kakayahang bumitiw sa Ingles ng karamihan sa mga akademista at elitista. Para sa kanila, at maging sa mga karaniwang mamamayang sumusunod lamang sa kanilang isinusulong na pamantayan, naging panukatan na ng intelektuwal na pagtatagumpay ang paggamit ng Ingles. Sa wari ba, lahat na ng mabuti mula sa pang-araw-araw na paghahanapbuhay hanggang sa mga bagay na pansining at kultural ay nasa wikang Ingles.

{3.53}
Hindi nalalayo ang ganitong karanasan sa karanasan ng ibang bansang malaon ding naging kolonya. Pansinin, halimbawa, ang himutok ng Afrikanong intelektuwal at nasyonalista na si Ngugi Wa Thiong'o:

{3.54}
"How did we arrive at this acceptance of the fatalistic logic of the unassailable position of English in our literature, in our culture and in our politics? ...How did we ... come to be so feeble towards the claims of our language on us and so aggressive in our claims on other languages, particularly the languages of our colonisation?"

{3.55}

{3.48}

{3.48}

{3.48}

Die filipinische Sprache von Armin Möller   18. November 2010

Die filipinische Sprache - Ende Dasal

Seitenbeginn   Titelseite Werkstatt   Titelseite Filipino   Fisyntag