Werkstatt
Almena, Omer, Oscar B.: Angela

   
1 Einleitung  
 
3 Originaltext

1 Einleitung

Quelle: Almena, Omer, Oscar B. Angela
LIWAYWAY, 22 Setyembre 2008 p. 23 { Liwayway}



3 Originaltext

Angela
Ni Omer Oscar B. Almena, LIWAYWAY, 22 Setyembre 2008

{3.1}
Madalas kong makita ang batang iyon tuwing umaga at hapon. Dumadaan siya sa harap ng pinaglilingkuran kong restoran sa Intramuros, Maynila. Laging nagmamadali. Parang hinahabol ang mga hakbang kung naglalakad. Hindi ko siya kilala. Lalong hindi ko alam kung saan siya nakatira. Ang alam ko lang, nanggagaling siya sa likod ng Manila Cathedral. Sa likod ng Manila Cathedral din siya bumabalik pagdating ng hapon. ...
Nasa harap ng naturang simbahan ang pinagtatrabahuhan kong restoran bilang katiwala. Kaya hindi makaligtas sa paningin ko ang batang iyon tuwing umaga at bago kumagat ang dilim. Nanghihingi siya ng pagkain. Hindi ko alam kung kanino niya ito ibinibigay. Lagi siyang may bitbit na plastik na supot. Dito nakalagay ang mga tirang pagkain na nahihingi niya....

{3.2}
Sa tantiya ko, walo hanggang sampung taong gulang ang batang iyon. Hindi ko pa nakitang nagpalit ng damit. Gula-gulanit ang suot na t-shirt na kulay kalawang na. Marungis at mabaho kaya pinandidirihan ng sinumang taong nakakasalubong niya. Mukha siyang Bombay. Malalim ang maiitim na mata. Manipis ang mga labi at kulot ang buhok. Hindi rin magkapaa ang suot niyang tsinelas. Malikot ang mga mata tuwing naglalakad. Para bang may kinatatakutan. ...
Tuwing dumaraan, inilalahad agad niya sa akin ang kanyang kanang palad. Nauunawaan ko iyon. Nanghihingi siya ng pagkain. Kung wala ang amo kong si Nanay Carmen, ipinagbabalot ko siya ng bahaw at tira-tirang ulam ng mga kustomer. Agad niya itong ilalagay sa loob ng bitbit niyang supot....

{3.3}
Hindi ko alam kung bakit naging malapit ang damdamin ko sa batang iyon. Hindi ko naman siya kaanu-ano. Kung wala siya, hinahanap ko. Kung naroroon naman, itinataboy ni Nanay Carmen. Marahil, naaawa lang ako sa kanya sapagkat hindi siya namimilit kung nanghihingi ng pagkain. Isa pa, lagi siyang nagpapasalamat kung may tinatanggap mula sa akin....
Ginagawa ko lamang ito kung wala si Nanay Carmen. Paano, masungit ang matandang biyuda. Galit sa mga pulubi at palaboy. Naninigaw at nang-aalipusta. At ang kabilin-bilinan niya sa akin bago umalis para magpahinga sa kanilang bahay: "Huwag na huwag kang magbibigay sa mga pulubi. Huwag kahit tutong o tirang pagkain ng mga kustomer. Mamimihasa lang ang mga 'yan!" ...

{3.4}
Ngunit hindi ko iniintindi ang biling iyon ni Nanay Carmen. Katuwiran ko, kung mabubulok lang ang pagkain at hindi mapapakinabangan, mabuti pang ipamigay. Isa pa, tira naman ng mga kustomer at malinis pa....
Hindi pa ako nahuhuli ni Nanay Carmen kahit minsan. Naging maingat ako. Sa akin lang siya mabait. Hindi sa mga kasama ko. Ewan ko kung bakit. Marahil, maganda akong makisama sa kanya bilang katiwala....

{3.5}
Isang hapon, hindi umuwi sa kanilang bahay sa Tondo para magpahinga si Nanay Carmen. Sa loob ng restoran siya nagpahinga. Kaya napansin niya ang batang iyon nang manghingi sa akin ng tirang pagkain. ...
Nakalahad na ang kanang kamay ng bata nang makita ito ni Nanay Carmen. Nilapitan siya ng nakapamaywang na matanda at pinagsabihan, "Hoy! Umalis ka riyan at baka ilublob kita sa putik. Umalis ka riyan at ang bahu-baho mo!"...
Umalis ang kawawang bata. Isang malungkot at makahulugang sulyap ang kanyang iniwan sa akin habang papalayo. Para bang sinasabing, "Mabuti pa kayo, nagbibigay sa akin ng pagkain."...

{3.6}
Magmula noon, may ilang araw na hindi ko siya nakita. Labis akong nag-alala. Sa isip ko, baka may masamang nangyari sa kanya, o nagkasakit kaya. Minsan, nagulat na lamang ako isang hapon nang magkaroon ng sandaling gulo malapit sa restoran namin. May batang babaing hinabol ang mga nagtitinda sa bangketa. May sumisigaw ng "Magnanakaw! Magnanakaw!"...
Sinundan ko ng tingin ang mga humahabol. Isang batang babae ang nakita ko sa unahan. May bitbit na supot at maturing tumatakbo patungo sa likod ng Manila Cathedral. "Kung siya 'yon bakit siya magnanakaw pa?" naitanong ko sa sarili, "Binibigyan ko naman siya ng pagkain."...
Nakihalubilo ako sa mga sidewalk vendors. Inalam ko kung ano ang tunay na pangyayari. Nagtanong ako sa kanila. "Naku po, Sir, siya 'yong batang gusgusin at laging idinadahilan na may sakit ang nanay niya para makapanghingi lamang sa amin ng pagkain," sabi ng isang tindera ng mga kakanin....
"Nabuwisit na kami. Binibigyan na namin ng pagkain, humihingi pa ng pera para ipambili raw ng gamot ng nanay niya. Nang hindi namin bigyan, dinampot ang mga barya at itinakbo," sabi naman ng isa pang sidewalk vendor....

{3.7}
Isang tanghali, makalipas ang dalawang linggo, parang kabuteng sumulpot sa harapan ko ang batang iyon. Labis kong ikinamangha ang kanyang naging anyo. Pumayat siya. Lumalim ang mga mata at tila walang tulog. Namumutla ang mga labi at nanginginig sa gutom. Nagkataong wala noon si Nanay Carmen kaya malaya akong nakalapit sa kanya. ...
Nang makaharap ko siya sa malapitan, may kung anong bagay ang pumitlag sa dibdib ko. May kamukha siyang tao. Hindi ko lang matandaan kung sino. "Bakit matagal kang nawala, Ineng?" tanong ko sa bata. "Nagkasakit po si Nanay. Hindi ko na po siya maiwan," sagot niya. ..

{3.8}
Marami pa sana akong itatanong, ngunit umalis agad ito nang maiabot ko sa kanya ang tirang ulam at kanin na tinipon ko. Nang mawala sa paningin ko ang batang iyon, maraming larawan ang naglaro sa utak ko. Mga larawang hindi ko maisip kung saan ko unang nasilayan....
Umaga na kinabukasan nang muling sumulpot ang batang iyon. Salamat at wala pa rin sa restoran si Nanay Carmen. Hindi ko agad ibinigay sa kanya ang inihanda kong tirang kanin at ulam. Kaya nakausap ko siya at nasagot ang mga tanong ko. Ngunit nakalimutan kong alamin ang kanyang pangalan...

{3.9}
Palibhasa'y wala si Nanay Carmen at naroon ang dalawa niyang anak na dalaga, nagawa kong magpaalam sandali. Pinuntahan ko ang lugar na sinabi ng bata na tirahan nilang mag-ina - isang abandonadong gusali sa likod ng punong tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros. Pinuntahan ko ang lugar na iyon. Hindi ko alam kung ano ang nagtulak sa akin para magtungo roon. ..
Gayunman, nanlumo ako. Hindi ko natagpuan ang lugar na sinabi sa akin ng batang iyon. Marami ang abandonadong gusali sa likod ng Comelec. Bumalik na lamang ako sa restoran makalipas ang isang oras. Naroon na si Nanay Carmen. Sa kuwento sa akin ng batang iyon, iniwan silang mag-ina ng kanyang ama habang ipinagbubuntis siya. Ayaw ng ina ng kanyang ama na maging asawa ang nanay niya. Kaya ipinakasal ito sa ibang babae. ..

{3.10}
Nalaman ko rin sa kuwento ng batang iyon na may lahing Bombay ang kanyang ama at tapos ng kursong pamamahayag sa Lyceum of the Philippines University. Nang makapag-asawa ng iba, nagbakasyon ito sa India, ang bansa ng ina ng kanyang ama. Nang magbalik sa Pilipinas, lumipat naman ng tirahan ang mag-asawa sa utos ng ina. ...
Ako ang bantay ng restoran sa gabi. Kaya sa loob nito ako natutulog. Ito na rin ang naging pansamantala kong tahanan. Dahil walang ginagawa pagsapit ng gabi, naisipan ko minsan na balikan ang lugar na sinabi sa akin ng batang iyon. Nang magsara ang restoran, pinuntahan ko ang gusaling sinabi sa akin ng bata. Bawat gusaling pinuntahan ko, pinakiramdaman ko kung may maririnig akong tinig at kalabog...

{3.11}
Palipat-lipat ako. Hindi nagtagal, may narinig akong sigaw ng isang bata. Umiiyak. Humahagulhol. Nagmamakaawang huwag siyang iwan. Hinanap ko ang pinagmumulan ng tinig na iyon hanggang sa ipadpad ang mga paa ko sa isang gusali sa tabi ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) na halos nasa likod lamang ng Manila Cathedral....
"Inay! Inay! Huwag po ninyo akong iwan! Maawa po kayo sa akin!" narinig ko ang tinig na nagmumula sa loob ng gusaling iyon. Humakbang ako papalapit sa gusaling pinagmumulan ng tinig. Dahan-dahang sumilip sa isang butas. Nagulat ako. Ang batang iyon ang nakita ko! Yakap-yakap ang isang babaing may sakit. Nakahiga sa sementadong sahig na may sapin na karton. Payat na payat na ito at inuubo. Sa tantiya ko, may sakit siya sa baga...

{3.12}
Hindi ko agad pinasok ang gusaling iyon. Pinakinggan ko muna ang ipinagbibilin ng ina sa batang iyon. "Kung sakaling mawala ako, anak, hanapin mo ang iyong ama. Naririto lamang siya sa Maynila. Ang pangalan niya.. .Fer.. .nan... do... Khan!" ...
Para akong kandilang itinulos sa kinatatayuan ko nang marinig ang pangalang Fernando Khan. Parang binuhusan ng malamig na tubig ang buo kong katawan. Si Angela ang batang iyon. Ang batang inanak ko sa binyag. At si Melody ang babaing iyon, ang schoolmate namin ni Fernando sa kolehiyo at ina ni Angela. Unti-unti akong ibinalik sa isang nakaraan...

{3.13}
Magkaklase kami ni Fernando sa kolehiyo. Parehong kurso ang pinag-aralan namin. Ngunit tumigil ako sa pag-aaral. Isang taon lamang ang tinapos ko dahil sa kakapusan ng maiiutustos. Gayunman, patuloy kaming nagkikita ni Fernando hanggang sa makatapos siya ng pag-aaral....
Nang tumigil sa pag-aaral, naging katiwala naman ako sa restoran ni Nanay Carmen. Dahil may asawa na ako, sa pamilya ko na lamang sa Davao ipinapadala ang kaunti kong kinikita. Hindi ko na binalak pang mag-aral uli. Isang gabi, dinalaw ako nina Fernando at Melody sa restorang pinaglilingkuran ko. Kapwa sila masaya. ..

{3.14}
"Pare," sabi sa akin ni Fernando, "tatlong buwan nang buntis si Melody. Kabilang ka sa mga napipisil namin na maging kumpare." "Iyan ang totoo, Edwin," patianod ni Melody. "Katunayan, ikaw ang kauna-unahan naming nilapitan. Sabi kasi ni Feman, ikaw ang major sponsor sa binyag ng panganay namin." ...
Labis kong ikinatuwa iyon. Para sa akin, isang malaking karangalan ang maging ninong ng anak nila. Parehong may sinasabi ang mga pamilya nina Fernando at Melody. Indian ambassador to the Philippines ang ama ni Fernando, samantalang anak naman ng isang kilalang major stock holder ng bangko sa Maynila si Melody...

{3.15}
Sa isang condominium unit sa Ermita itinira ni Fernando si Melody. Hindi pa alam ng nakararami na palihim silang nagsasama sa iisang bubong bilang mag-asawa. Lalong walang nakaaalam na may dinadala na sa kanyang sinapupunan si Melody. Ako lamang ang tanging nakababatid....
Madalas akong anyayahan ni Fernando sa kanilang condo unit. Kung nasa kanilang bahay sa Makati si Melody, malaya kaming nag-iinuman at nagkukuwentuhan. Minsan, naipagtapat sa akin ni Fernando ang matindi niyang suliranin sa buhay. "Pare, kung may hahadlang sa pag-iibigan namin ni Melody, ano kaya ang mangyayari sa buhay namin. Sa tingin ko kasi, tututol ang ermat ko. May ibang babae siyang napipisil para sa akin na hindi ko naman gusto," may lungkot sa tinig ni Fernan. ..

{3.16}
"Ipaglaban mo, Fernan," sabi ko. "Tutal naman ... pareho kayong may kaya sa buhay ni Melody. Hanapin ninyo ang lugar na para lamang sa inyo." "Dala na ni Melody sa kanyang sinapupunan ang bunga ng aming pagmamahalan. Natatakot akong matuklasan ito ng aking mga magulang." ...
Nasakyan ko ang ibig sabihin ni Fernando. Sa sandaling malaman ng kanyang ina na may babae na sa buhay niya at nagdadalantao pa, pipilitin siyang makasal sa babaing hindi niya iniibig. May dalawang taong naikubli nina Fernando at Melody ang kanilang relasyon. Nang makapagsilang sa isang tagong pagamutan, agad na pinabinyagan ng dalawa ang kanilang supling. Isa ako sa mga naging ninong ni Angela. ..

{3.17}
Ngunit biglang nahalinhinan ng labis na panlulumo ang pananabik ko na magkatuluyan sina Fernando at Melody. Nabalitaan ko na lamang na lumayo sa poder ng kanyang mga magulang si Melody nang matuklasang isa itong dalagang ina. Bukod pa rito ang pagtanggi sa kanya ng ina ni Fernando. ...
Magmula noon, wala na akong narinig tungkol kay Melody. Ang alam ko lamang, tuluyan na itong nagtago sa publiko dahil sa labis na kahihiyan. Nabalitaan ko namang napilitang magpakasal sa isang babaing Bombay si Fernando at nagtungo sa bansa ng kanyang ama upang matakasan ang kasawian sa pag-ibig kay Melody. ..

{3.18}
Isang araw ginulat ako ni Fernando. Bigla siyang dumalaw sa pinaglilingkuran kong restoran. Malungkot siya. Tila saklot ng isang mabigat na suliranin. Habang nagkakape, binuksan niya sa akin ang kanyang dibdib. Binalikan ang nakaraan at hinanap sa akin ang kasagutan sa maraming bagay na gumugulo sa kanyang isipan. Kararating lamang niya noon mula sa India. May pitong taon din kaming hindi nagkita mula nang ikasal siya sa ibang babae. ...
"Saan ko kaya sila matatagpuan, pare?" pambungad niyang tanong. Napalunok ako. Matagal kong sinagot ang tanong niya. "Akala ko ... may ugnayan pa rin kayo hanggang ngayon." "Wala na, pare, mula nangb sapilitan akong ipakasal sa ibang babae." "Bakit hindi mo ipinaglaban si Melody kung siya talaga ang mahal mo?" "Naging duwag lang siguro ako. Natakot na maalisan ng mana mula kay mama." ..

{3.19}
"May pagkakataon pa para baguhin ang takbo ng buhay mo, pare," sabi ko. "Kaya mo ito kahit nag-iisa ka." "Binabagabag ako ng sariling konsensiya, pare. Siguro, malaki na ang anak namin. May pananagutan ako sa kanila. Nasaan na kaya sila ngayon?" Mahinang iling lamang ang naging tugon ko. Kung alam ko lang, matagal ko nang itinuro ang kinaroroonan ng kanyang mag-ina....
"Tulungan mo naman ako, pare," patuloy niya. "Nais kong makabawi sa mag-ina ko. Hindi ako nagkaanak sa asawa ko kaya naghiwalay kami. Kaya naghiwalay kami dahil hindi siya ang itinitibok ng aking puso." "Hindi ko rin alam, pare, kung nasaan sila," sagot ko. "Hayaan mo, tutulungan kita sa paghahanap sa kanila." ...

{3.20}
Mula sa araw na iyon, naging madalas ang pagdalaw sa akin ni Fernando. Dalawa hanggang tatlong beses sa loob ng isang linggo. Minsan, nag-iinuman kami sa gabi sa mga paborito niyang bahay-aliwan. Ngunit hanggang doon lamang. Walang babae. Ayaw niyang maging taksil. Para sa kanya, si Melody lamang ang babae sa buhay niya. Ngunit saan namin siya hahanapin?...
Minsan, nakipag-ugnayan kami sa bangko ng mga magulang ni Melody. Ngunit walang sinuman sa mga kawani ang nagsalita. Pawang tikom ang kanilang bibig pagdating kay Melody. Naisip ko, sadyang ikinubli sa publiko ng kanyang mga magulang ang tunay niyang sinapit...

{3.21}
"Hindi ko na alam, pare, kung ano ang gagawin ko," malungkot na ipinagtapat sa akin ni Fernando isang araw nang muli niya akong dalawin. "Minsan tuloy, naiisip kong itigil na lang ang paghahanap sa aking mag-ina. Nagtatago kaya sila o sadyang itinago sa akin?"...
Nahabag ako sa tinuran ni Fernando. Parang isinusuko na niya ang lahat. Parang nawawalan na siya ng pag-asa na matagpuan niya balang araw ang kanyang mag-ina. Lalo kong pinalakas ang kanyang loob. At naisip ko, baka ang batang iyon ang kasagutan ng kanyang mga hinanakit sa buhay...

{3.22}
Biglang naputol ang daloy ng gunita nang marinig ko ang sigaw na nagmumula sa loob ng abandonadong gusaling iyon. Tila naalimpungatan ako sa sigaw at iyak ni Angela. Nakikiusap. Nagsusumamo. "Inay! Inay!" tinig ni Angela. "Hahanapin ko po si Itay! Sasabihin ko po sa kanya na ipagamot kayo! Huwag po ninyo akong iwan, Inay! Maawa po kayo sa akin! Huwag po ninyo akong iwan!" ...
Nagdumali akong pumasok sa gusaling iyon. Mariin ang mga hakbang ko. Nanginginig ang buong katawan ko. Pakiwari ko'y nakalutang ako sa hangin. Si Melody ang unang nakapansin sa akin. Tila sumigla at lumakas ang kanyang katawan nang masilayan ako. Tumahan naman sa kanyang paghikbi si Angela. Tinitigan ako sa mukha. Nagtataka kung bakit nasa loob ako ng abandonadong gusaling iyon. ..

{3.23}
Umupo ako sa semento sa tabi ni Melody. Ginagap ko ang kanyang mga kamay. Malamig. "Ed.. .win.. .ikaw ba 'yan?" tanong niya na may halong pananabik. "Ikaw ba ... talaga 'yan ... ha ... Edwin?" Tumango ako. "Ako nga, Melody, ang ninong ni Angela," sabi ko....
"Tulungan mo kami ng anak ko, Edwin. Iniwan siya sa akin ni Fernando!" pakiusap ni Melody, kasabay ang pagpatak ng kanyang mga luha. Tumugon ako nang may ngiti sa labi. Isang lihim na kasiyahan ang aking naramdaman sapagkat nakatitiyak akong simula sa gabing iyon, may pag-asang naghihintay sa mag-ina...



Die filipinische Sprache von Armin Möller   http://www.germanlipa.de/text/angela.htm   21. Dezember 2009

Die filipinische Sprache - Werkstatt - Ende Angela

Seitenanfang   Titelseite Werkstatt   Syntax   Titelseite Filipino   Mabuhay