Werkstatt
Alcantara Teresita A.
Ang mga Hispanismo sa Filipino at ang Makabagong Filipino

   
1 Einleitung  
 
3 Originaltext

1 Einleitung

Quelle:Alcantara, Teresita A.: Ang mga Hispanismo sa Filipino at ang Makabagong Filipino
Department of European Languages, College of Arts and Letters
University of the Philippines Diliman
9th Philippine Linguistics Congress (25 - 27 January 2006)
Organized by the Department of Linguistics, University of the Philippines



3 Originaltext

ANG MGA HISPANISMO SA FILIPINO AT ANG MAKABAGONG FILIPINO
Teresita A. Alcantara, PhD
Department of European Languages, College of Arts and Letters
University of the Philippines Diliman

{1.0} 1. Introduksiyon
Ang wikang pambansa na tinatawag na Filipino at nagsisimula sa letrang F ay ipinatupad sang-ayon sa konstitusyon na pinagtibay noong panahon ni Presidente Cory Aquino. Ayon sa instruksiyon ng batas, ito raw ay pauunlarin sa pamamagitan ng mga wikang umiiral sa bansa, gayon din ng inglès at español, bilang mga bahagi ng ating kasaysayan.
Ang makabagong Filipinong ito ay galing sa “Pilipino” na ginagamitan ng titik P. Ang basehan nito ay ang wikang Tagalog, na noong araw ay siyang napiling wikang pambansa, ayon sa kapasiyahan ng mga kinatawan ng ibatibang wika sa ating kapuluan. Samantala, ang ating mga pangunahing wika tulad ng Cebuano, Pampanggo, Ilokano, Tagalog, atbp. ay mayroong mga baryasyon, kayat para sa makabagong Filipino, ang ginamit na batayan ay ang Tagalog ng kalakhang Maynila na sentro ng ating gobyerno, edukasyon, negosyo, komunikasyong pangmadla, atbp.
Sa kabilang dako, hindi napapansin ng marami na sa paglinang ng makabagong Filipinong ito, mayroong nakalangkap na mga libulibong salitang español, na dapat ding mapagtuunan ng pansin. Halos apat (4) na siglo tayong sinakop ng kaharian ng España, kayat dikatakataka na maiwan sa atin ang kanilang wika. Sa ngayon, magdadalawang dekada na mula ng ipatupad ang makabagong Filipino at maraming bagay na ang napapansin natin sa paglinang nito, lalo na ang mga problema na untiunti ng naglalabasan. Layunin ng pagaaral na ito na maglahad ng pahapyaw na kaalaman hinggil sa mga prosesong linggwistiko na ginamit ng mga salitang español, para makapasok sa ating wika, at bakà sakaling maging batayan ito sa pagpapaunlad ng makabagong Filipino, at makatulong sa pagresolba ng mga problema nito.
...

{2.0} 2. Ang mga hispanismo sa Filipino
Hispanismo, ito ang tawag sa pangkat ng mga salita at parirala na galing sa wikang hispano o español. Dito sa atin, kilala ito sa tawag na kastila na galing sa salitang castellano, at tumutukoy sa rehiyon ng Castilla na nasa gitna ng bansang España, gayon din sa mga tao na taga roon. May apat na wika sa España: ang castellano, gallego, vasco at catalan. Ang gallego ay wika ng Galicia na nasa gawing hilagang silangan, katabi ng Portugal; ang vasco naman ay nasa hilaga sa gawing tuktok ng bansa. Ang catalan ay wika ng Cataluña na nakaharap sa dagat Mediterraneo, samantalang sa parteng gitna ay pawang castellano na ang salita, na nasa rehiyon ng tinatawag na Castilla la nueva at Castilla la vieja. Tulad natin, ang mga español ay luminang din ng wikang pambansa at tinawag nila itong español, batay sa wikang castellano, na siya ring wika ng kapital, Madrid. Samakatwid, ang kastila na kilala natin ay iba sa español sapagkat ang kastila o castellano ay batayan lamang, samantalang ang español ay castellano na umunlad na ng malaki at nahaluan na ng ibatibang wika, lalo na ng mga wikang banyaga, ayon sa pagsabay nito sa makabagong panahon. Samantala, ang mga wikang gallego, catalan at vasco na noong nakaraan ay isinaisangtabi muna, ngayo’y untiunti na ring pinauunlad, subalit ito’y ng ganap na malinang na, ang español. Ang mga hispanismo ay pumasok sa ating wika, ayon sa ibatibang antas linggwistiko. Nariyan ang antas ortograpiko, fonolohiko, morpolohiko, semantiko at lexiko. Isaisahin natin ang mga prosesong pinagdaanan nila....

{2.1} 2.1. antas ortograpiko
Ang natutuhan nating alpabeto noon ay ang abakada. Binubuo ito ng 20 letra. Samantala, kung tutuusin ay 18 letra lamang ang orihinal na abakada sapagkat ayon sa pagaaral ni Santiago (1985:12), ang mga patinig na e at o ay hiram sa kastila, dahil tatlo lamang ang tunay na patinig sa ating wika : a, i, u. Sa kabilang dako, 30 naman ang letra sa español at para makapasok ang mga hispanismo sa Filipino, nagkaroon ng mga pagtutumbas titik : C + a, o, u = k Ñ = ny C + e, i = s Ch = ts Q = k = s F = p RR = r J = h V = b = s LL = ly X = ks = y Z = s Mapapansin na sa paraang ito, mayroong pamantayan na sinunod. Binihisan ang mga hispanismo ng ayon sa ating wika at binigkas ng ayon sa ating bigkas. Sa ganitong paraan, halos hindi na makilala ang orihinal....

{2.1} 2.2. antas fonolohiko
...

{2.2.1} 2.2.1. mga patinig
Para maluwag na makapasok ang mga hispanismo, nagkaroon ng mga pag-aangkop. Ang mga patinig na a, i, u ay maluwag na nakapasok dahil katulad sila ng sa atin. Ibig sabihin, nabigkas natin ng tumpak tulad sa : aviso > abiso ìdolo > idolo urna > urnà Gayon man, mayroon pa ring partikular na pag-aangkop na naganap tulad sa mga sumusunod: a > sero aeroplano > eroplano a > e ventaja > bentahe a > o barrumbada > barumbado i > y merienda > meryenda i > a pimienta > pamintà i > u chiflada > suplada i > e actriz > aktres u > o ataud > ataol u > a muñeca > manyika Samantala, ang mga patinig na e at o ng español ay wala sa atin. Binanggit ko sa unahan na ito ay mga hiniram natin para maging lima ang ating mga patinig. At dahil sa hiram ang mga ito, nagkaroon ng ibatibang bigkas: e > [i ] binabaybay ang salita na may e tulad ng sa orihinal, subalit sa pagbigkas, wala sa loob natin, nahuhuilog ito sa i tulad sa : edad > edad [?idád] e > [i] (kalahati) kapag may dalawang e sa salita, ang unang e lamang ang nahuhulog sa / i / pero ang ikalawang e ay nananatili. enero > enero [?inéro] e > e mayroong e na buongbuo na nakapasok sa Filipino : energía > enerhiya e > i mayroon naman na tuluyan ng naging i tulad sa : en vez > imbès e > y nabago sa : lìnea > linya Ang patinig o naman, tulad ng nabanggit ko ay hiram din kayat umangkop din sa ibatibang paraan. o > [u] katulad ng e, nahuhulog din ito sa ating katutubong patinig sa sandali ng pagbigkas. oficial > opisyal [?upisyàl] o > [u] (kalahati) kapag dalawa ang o, ang unang o lamang ang nahuhulog sa u, pero ang ikalawa ay nananatili sa o. oficio > opisyo [?upìsyo] o > o minsan naman, napananatili ang o, tulad sa orihinal: ocho > otso o > u may mga kaso naman na ang o ay tuluyan nang naging u. ocioso > usyoso...

{2.2.2} 2.2.2. mga katinig
Ang mga katinig español na katulad ng sa atin ay malaya ring mga nakapasok at walang anumang naging balakid, samantalang ang iba ay nagkaroon ng pagtutumbas, gaya ng nabanggit ko sa antas ortograpiko. Narito naman ang pagtutumbas fonolohiko. 2.2.2.1.c (e, i) = / Ø / = / s / celos > selos c (a,o,u) = / k / = / k / cortina > kurtina 2.2.2.2. ch = / tS / = / ts / chismes > tsismis = / s / chinelas > sinelas 2.2.2.3. f = / f / = / p / falda > palda 2.2.2.4. g (a,o,u) = / g / = / g / goma > goma (e,i) = / x / = / h / gigante > higante 2.2.2.5. h = / / = / / hospital > ospital 2.2.2.6. j = / x / = / h / jardìn > hardin 2.2.2.7.ll = / ? / = / ly / silla > silya 2.2.2.8. ñ = / ? / = / ny / doña > donya 2.2.2.9. q = / k / = / k / quince > kinse 2.2.2.10. v = / b / = / b / vaca > baka 2.2.2.11. x = / ks / = / ks / examen > eksamen 2.2.2.12. z = / Ø / = / s / zapatos > sapatos Samantala, mayroon namang mga hispanismo na talagang hindi na makikilala na galing sa español, tulad ng mga sumusunod: saklolo kalatas asikaso kumusta / kamusta Narito ang kanilang paliwanag fonolohiko : a. saklolo socorro > s o c r o r o (metàtesis) S O C R O R O ¡ ¡ ¡ ¡ A K L L > SAKLOLO b. kalatas carta > cartas cartas > c a r a t a s (pagsisingit ng patinig sa pagitan ng dalawang katinig, dahil noong araw hindi tinatanggap ng Filipino ang padron na kpkk; laging kp o pk lamang.) C A R A T A S ¡ ¡ K L > KALATAS c. asikaso hace caso > ace caso A C E C A S O ¡ ¡ ¡ S I K > ASIKASO d. kumusta / kamusta còmo esta [kòmosta] (walang glotal sa mga wikang romance) [kòmosta] > kumusta / kamusta Ang “kumusta” ay masasabing forma culta, ibig sabihin, iyon ang narinig ng marurunong at isa pa’y normal na padron na ang “o” ng español ay nagiging “u” sa Filipino. Samantala, ang “kamusta” ay masasabing forma coloquial, ibig sabihi’y ginagamit ng mga karaniwan tao....

{2.3} 2.3. antas morpolohiko

{2.3.1} 2.3.1. kasarian

Ang kasariang masculino at femenino ng español ay di gaanong nakapasok sa ating wika. Iyong mga nakapasok, ibig sabihi’y kinikilala natin kung pambabae o panlalaki tulad sa doktor > doktora nobyo > nobya Subalit may mga pangngalang español na di kilala dito ang pormang pambabae tulad sa presidente > presidenta alcalde > alcaldesa At mayroon naman na kilala natin ang pambabae at panlalake pero iwinawaksi ang pormang pambabae para daw sa simplipikasyon tulad sa decano decana > dekano...

{2.3.2} 2.3.2. Bilang (isahan / maramihan)
Nanatili ang ating morpemang “mga” para sa anyong maramihan at hindi nakapasok ang morpemang “s” ng español....

{2.3.3} 2.3.3. Apòcope
Ito ang pagkawala ng huling pantig sa salita na naganap sa baratòn / batona > barat nawala ang huling pantig na on at na. 2.3.4. Dobletes Ito ang mga salita na dalawa ang porma subalit iisa ang kahulugan tulad sa muñeca > manyika / manika 2.3.5. Pagbaligtad ng salita Kakanyahan linggwistiko ng Filipino na baligtarin ang salita. Hindi nakaligtas dito ang mga hispanismo. manco > komang guapo > pogua > pogi 2.3.6. Morpemang español na ikinabit sa katutubong salita binata > binatilyo (illo) tsino > tsinito (ito) dalaga > dalaginding (in [i?] ) ...

{2.4} 2.4. antas semantiko
2.4.1. Isang kahulugan Mayroong mga salitang español na dalawa o higit pa ang kahulugan, subalit iisa lamang ang kahulugang pumasok sa ating wika. Hal: pie > piyè pangsukat ng haba * paa crudo > krudo petrolyo na hindi repinado * hilaw ang dahilan sa pangyayaring ito ayon kay Bloomfield (1958: 431) : “ ... if a speaker has heard a form only in an occasional meaning or in a series of occasional meanings, he will utter the form only in similar situations”. 2.4.2. Maraming kahulugan Bagama’t may mga salitang español na nabawasan ng kahulugan sa pagpasok sa ating wika, mayroon naming mga nakapasok na nadala nito ang buong kahulugang taglay tulad sa salitang : clase > klase a. pangkat ng magaaral na tumatanggap ng leksiyon sa loob ng silidaralan. b. uri c. kategorya 2.4.3. Lumagô Ito’y mga hispanismo na pagkapasok sa ating wika ay mga nadagdagan ng kahulugan. Halimbawa : caballo > kabayo = a. hayop o animal b. “palantsahan” 2.4.4. Nagbago ng kahulugan Mayroon namang mga hispanismo na sa pagpasok sa ating wika ay nagiba ng kahulugan at nawala ang taglay na kahulugan nito sa español tulad sa: madre > madre * ina “babaing nakaabito at naglilingkod sa Diyos” palenque > palengke * entablado na nasa labas at wala sa loob ng gusali “pamilihan” ...

{2.5} 2.5. antas lexiko
Sa makabagong panahon, hindi kailan man naging wikang pambansa ang español sa Filipinas pero, bumawi ito sa pamamagitan ng pagpasok ng libulibong hispanismo sa ating wika. Ayon kay Sapir (1921: 205) “the simplest kind of influence that one language may exert on another is the borrowing of words”. Ang ilang halimbawa ng mga salitang español na pumasok sa ating wika ay may anyong payak na salita at parirala. ...

{2.5.1} 2.5.1. payak na salita
May dalawang uri ng payak na salita ang pumasok sa atin: a) hindi nagbago ng baybay o anyo; b) nagbago ng baybay o anyo:
a) hindi nagbago: altar bandera debate goma
b) nagbago : demasiado > masyado, globo > lobo, limosna > limos, juez > huwes
...

{2.5.2} 2.5.2. Parirala
Katulad ng mga payak na salitam (?) dalawa ring tipong parirala ang pumasok sa atin, a) hindi nagbago at b) nagbago.
a) hindi nagbago: flores de mayo, palabra de honor, menor de edad
b) nagbago: agencia privada > ahensiyang pribado, las once menos diez > menos dyis para a las onse
...

{2.5.3} 2.5.3. Pagpasok ng anglicismo sa pamamagitan ng hispanismo
Anglicismo ang tawag sa mga salitang inglés na pumapasok sa ibang wika. Dahil sa pamamayani ng wika ni Tiyo Samuel sa Filipinas mula noon hanggang sa ngayon, walang patumangga ang pagpasok ng mga anglicismo sa atin. Sa kabilang dako, minalas ang inglès dahil sadyang walang-wala itong anumang pagkakatulad sa ating wika kayat hirap itong umangkop sa filipino. Dahil dito, ginamit nito bilang “tulay” ang mga hispanismo. Ang proseso, mula sa inglès dumaraan muna sa español at tapos ay saka nagiging filipino:
tank > tanque > tangkè, traffic > tràfico > trapiko
...

{2.5.4} 2.5.4. Pagbuo ng mga bagong salita
Isa pang paraan ng pagpasok na ginawa ng mga anglicismo ay ang paggamit ng mga morpemang español para makabuo ng bagong salita. Hal:
basketball > basketbol = basketbol + ista > basketbolista, boxing > boksing = boksing + ero > boksingero
Iyan ang mga prosesong linggwistiko na pinagdaan ng mga hispanismo para makapasok sa ating wika. Samantala, sa kasalukuyang makabagong Filipino, may napapansin akong mga pagbabagong nagaganap sa mga hispanismong ito na ginagamit natin at kaakibat nito ang paglinang ng ating wika pambansa.
...

{3.0} 3. Mga problema o depekto ng makabagong Filipino.
3.1. antas fonolohiko 3.1.1. Ayon kay Gonzales (1992: 13) ang makabagong alpabeto ay binibigkas na “[ei], [bi], [si], [di]” etc.. Dahil dito, nagkakaroon ngayon ng pagbabago (o kalituhan ba ?) sa bigkas ng ilan sa ating mga ponema. Mapapansin ito, di lamang sa mga salitang galing sa español, kundi maging sa mga katawagang katutubo rin. Hal. lugar [lugàr] > [lugàwr] Dapat ito ay pakatal na panggilagid, subalit naimpluwensiyahan ng ingles na / r /. 3.1.2. Ang ponemang glotal sa mga salitang uniporme at unibersidad ay pinapalitan ng ponemang /y/. uniporme [?unipòrme] > [yunipòrme] unibersidad [?unibersidad] > [yunibersidad]. 3.1.3. Ang ponemang /y/ ay pinapalitan din ng ingles na /dž / : proyekto [proyèkto] > [prodžèkto] 3.1.4. Ang ponemang /u / pa rin ay binibigkas sa paraang ingles na wari’y may ponemang / y / sa unahan tulad sa : edukasyon [?edukasyòn] > [?edyukasyòn] 3.1.5. Ang letrang z na binibigkas natin sa ponemang / s / ay binibigkas ngayon sa paraaang ingles, kahit ito’y pangngalang pantangi na galing sa español : Corazòn [korasòn] > [korazòn] 3.1.6. Sa isang kaso naman, ang katinig ay napalitan ng ponemang glotal. imahen [?imahèn] > [?imahè?] 3.1.7. Mayroong binabago ng bigkas parte (part) [pàrte] > [partè] bakà (may be) [bakà] > [bàka] alam natin na ang a “partè” ay nangangahulugang “share” samantalang ang “baka” ay “cow”, kayat sa pagbabago ng bigkas, nababago din ang kahulugan. 3.1.8. “muletilla” Sa español, literalmente ang ibig sabihin nito ay “maliit na saklay”. Sa pagsasalita, ito’y “alalay” o pantulong na parang “saklay”. Sa makabagong Filipino, mapapansin ngayon ang paggamit ng ating mga kababayan ng tunog ah… sa pagitan ng mga salita o pangungusap, bilang senyal ng paghahanap ng isusunod na salita. Karaniwan ito doon sa mga tao na nagiisip sa ingles pero nagsasalita sa Filipino. Hal. sa programang “24 Oras”, kinapanayam ang aktor na si Richard Gutierrez hinggil sa kanyang pelikulang “Mulawin”. Tinanong siya hinggil sa pagtatanghal nito sa ibaibang sinehan kaugnay ng Metro Manila Film Festival. Ang sagot niya: “Nagpapasalamat ako at ah…tinangkilik nila ang “Mulawin” at ah….” (24 Oras GMA – 7, Dis. 27, 2005) Ang “muletilla” na ito ay hindi sariling atin. Galing ito sa ingles. Walang katutubong wika sa ating bansa na gumagamit nito. 3.2. antas ortograpiko Noong araw, sinasabi na ang Filipìno raw “kung ano ang bigkas, siyang baybay”. Sa makabagong Filipino, totoo pa ba ito ? Dahil din sa pagbabago ng bigkas ng ating alpabeto, malaking kalituhan din ang nangyari sa pagbabaybay. Nabuo ang ibaibang pangkat na nagsigawa ng kanikanyang tuntunin hinggil sa bagay na ito. Ang naging pangunahing problema dito ay yaong mga bagong salita na hiniram lalo na sa ingles. Halimbawa, pananatilihin ba ang orihinal na baybay o “bibihisan” ito sa Filipino tulad sa: speaker (vs.) ispiker Alin ba ang tama o marapat ? 3.3 antas morpolohiko 3.3.1. Ang salitang “alkalde” sa mga balita sa radyo at telebisyon ay pinapalitan ngayon ng salitang “mayor” ng ingles, pero binibigkas na [mayòr]. Dati’y [mèyor] ang bigkas nito sa Pilipino at “meyor” din ang baybay. Sa babaing alkalde naman “mayora” ang tawag nila. Mapapansin na, ingles na “mayor” ito at dinagdagan ng morpemang pambabae na “a” ng español. Sa panayam kay Chairman BF ng DZRH, sabi ni Ruth Abao : “Regards po Chairman kay “Mayora Marides” (Hataw, Dis. 19, 2005). Ang tinutukoy niya’y si Mrs. BF (Marides Carlos Fernando), na alkalde namin sa Marikina. 3.3.2. Ang pangalan ng ating bansa ay nagkaroon ng “apòcope” o pagiikli. Sa radyo at telebisyon, tinatawag ito na Pinàs, sa halip na Filipinas. Para sa aking, ito ay paglapastangan sa ating inang bayan. 3.3.3 Nagkakaroon din ng kalituhan sa gamit ng ating morpemang pamparami. Nalilimutan ng ilang kababayan na ang morpemang pampadami sa atin ay mga at hindi ang –s tulad sa español o ingles. Sa ilang anunsiyo sa radyo, minsan maririnig ang “Mga Mommies gumamit kayo ng ….” Nagkakaroon ng tinatawag na “redundancia”. 3.4. antas semantiko 3.4.1. pagkawala ng salita at pagdaragdag ng kahulugan Napakadalas narinig ngayon sa radyo at telebisyon ang salitang maliban at nawawala ang salitang bukod sa. Para yatang marami sa ating mga mamamahayag ang hindi nakaaalam na ang “maliban” ay “except” sa ingles at ang “bukod sa” ay “aside from”. Ngayon maging “except” o “aside from”, iisa lang ang sinasabi nila, puro “maliban”, na kung minsan ay nakalilito, minsan naman ay nakaiinis na. 3.4.2. pagbabago (o pagpapalit ?) ng kahulugan ng isang salita Sa pagkaalam ko, kapag sinabing kasangkot, ibig sabihi’y kasama sa isang gawaing masamâ. Ngayon kahit sa mabuting bagay, sinasabi’y “kasangkot”. Halimbawa ng narinig ko sa radyo , “Ang mga kasangkot sa parangal na ito ….” Di ba dapat ay “Ang mga kasama o kaya’y ang mga punongabalà”. Doon naman sa aking klase ng Pagsasalingwika, isang estudyante ang nagsabi: “Ang batis ko sa impormasyong ito …” Sabi ko: “Ano ibig mong sabihin sa “batis” ? Sagot niya :“Source po”. Tugon ko naman, “Hanguan ang tawag namin, kayat puwede kong sabihin : Saan mo hinango iyan ? Pero kung “batis” ang gamit, puwede ko bang sabihin : Saan mo binatis yan ?” Sagot muli niya: “Batis po ang turo ng titser namin at iyan po ang gamit namin”. Sa mga text message, pinapalitan ang panghalip na ko ng ingles na me, samantalang Pareho lang naman na dalawang letra ‘yon. . Hal. “Darating na me riyan” sa halip na “Darating na ko riyan”. 3.4.3. pagbabawas ng kahulugan Mayroon tayong mga salita na dati namang ginagamit natin ang lahat ng kahulugan nito, pero ngayon, “pinapatay” ng ilang kababayan ang ibang kahulugan na taglay noon. Hal. carrera > karera = a) race b) career, college course () 3.4.4. “pagpatay” sa katawagan Ang kolehiyo na kinabibilangan ko dito sa UP ay tinatawag na “College of Arts & Letters. Nang isalin ito sa Filipino, naging “Kolehiyo ng Arte at Literatura”. Kapag sinabing “Literatura”, nawawala ang wika. Paano na kaming mga nagtuturo ng wikang Europeo, Ingles at Filipino? Puede bang magkaroon ng Literatura ng walang wika? Di ba ang Literatura ay produkto ng wika? Kayat dapat na salin ay “Kolehiyo ng Artes at Letras”, para makita na magkasama ang wika at panitikan sa salitang “letras”. Pero dahil sa inalis nila ang –s sa salitang “artes”, naging “arte” ito. Kung gagamitin ang “letra” (sa anyong singular para bumagay sa “arte”), bakà raw isipin ng iba na tumutukoy ito sa letra na ibig sabihin ay “titik”, kaya pinalitan ng “Literatura”. 3.4.4. pagdaragdag ng kahulugan Ang ating panghalip na siya, dati ay sa tao lamang tumutukoy, ngayon maging tao, maging bagay, ginagamitan na ng panghalip na “siya”. Halimbawa sabi ng isang doctor sa radyo : “Gumamit kayo ng VCO, magaling siya sa katawan”. Galit na galit si Tiya Dely sa paggamit ng “siya” para sa mga bagay. Isa pang panghalip na nababago o nadaragdagan ng kahulugan ay ang panghalip na atin. Maririnig na ngayon ang bating “Magandang umaga sa ating lahat”, sa halip na “…sa inyong lahat”. Naalala ko ang liham ni Alfredo Hidalgo sa kanyang tiyuhin na si Dr. Jose Rizal. Isinulat niya sa dakilang bayani ang: “Yo y mis amigos...”, at siya’y tinugon ng kanyang Tiyo Pepe na “…siempre hay que ponerte al final” (Laurel:1985, 88), ibig sabihin, huwag mo daw isisingit ang sarili mo bilang tanda ng pagpapakumbabâ. Sa bagong estilo ng pagbati ngayon, di ko malaman kung isinasama ng bumabati ang kanyang sarili (na ayon kay Rizal kay labag sa kagandahang asal) o kaya’y nababago ang kahulugan ng panghalip na “atin”. 3.4.5. pagpapalit ng terminong ingles sa terminong Filipino Maririnig ngayon kahit saan ang salitang “Hindi ko maget” na ipinapalit nila sa salitang “Hindi ko maintindihan”. 3.4.6. pagpipilit ng katawagang ingles sa Filipino. Noong nasa ospital pa ang yumaong Direktor Wycoco ng NBI, isang reporter ng DZRH ang nagulat: “Narito ang pinakahuling ulat hinggil kay Gen Wycoco.” Sabi ni Joe Taruc, “Mali ka, pag sinabi mong “pinakahuli”, ibig sabihin “huling balita” na yon at patay na siya”. Sagot ng reporter, “Hindi, ito yong latest o pinakahuli”. “O siya, (tugon ni Mr. Taruc), pinakalatest at hindi pinakahuli. Dahil si JT ang “Station manager”, nagpatalo ang reporter kahit siya ang tama. 3.5. antas lexiko 3.5.1. pagpapalit ng ingles sa katawagang español Mapapansin sa mga balita ngayon na kapag tumutukoy sa mga bansang dayuhan ang balita, ingles ang ginagamit nila na pangalan ng bansa, sa halip na katawagang Filipino na galing sa español at binabaybay sa Filipino. Wari bang wala silang alam tungkol dito Hal.: Francia > Pransya > France España > Espanya > Spain Italia > Italya > Italy Japòn > Hapon > Japan 3.5.2. mga lexiko na nawawala na Ang mga katawagan ng paggalang na pambabae at panlalake ay nawawala na. Ito ay ang mga sumusunod: pambabae panlalake ale mama ite diko ditse sangkò sansè inso siyaho tiyà tiyò Datirati, kapag hindi kilala ang babae, ang tawag sa kanya ay “ale”. Ngayon ang tawag na ay “Ate” o kaya’y “Nanay” o kaya’y “Lola”. Sa lalake naman, sa halip na “mama”, ang tawag na ngayon ay “Manong” o kaya’y “Kuya” o “Tatay”. Marahil ay hindi alam ng ating mga kababayan na ang mga katawagang “Ale” at “Mama” ay mga katutubong termino na katumbas ng español na “tìo” at “tìa”. Sa mga kapatid naman, mayroon tayong mga termino ng paggalang ayon sa pagkakasunod-sunod ng magkakapatid. Ngayon lahat ng matandang kapatid ay puro “Ate” at “Kuya” na lamang at nawawala na ang mga katawagang “ite, ditse, sansè” para sa iba pang matandang kapatid na babae at “diko” at “sangkò” naman para sa mga kapatid na lalake. Wala na rin ang mga katawagang “siyaho” at “inso” para sa asawa ng matandang kapatid na babae at lalake. Puro “Ate” at “Kuya” na rin ang tawag sa kanila. Ang “tiyò” at “tiyà” na galing sa español na “tìo” at “tìa” ay sa mga may edad na lamang naririnig. Ngayon lalo na sa mga kabataan, puro “Tito” at “Tita” na ang maririnig. 3.5.3. lexiko na maaaring mawala May posibilidad na maglaho rin ang mga katawangang “Tatay” at “Nanay” . Mabilis na kumakalat ngayon ang paggamit ng mga terminong “Daddy, Mommy, Papa, Mama”. Datirati, tanging mga mayaman lamang ang gumagamit ng mga ito. Pero ngayon, kahit na nasa pinakamababang antas ng lipunan, puro “Daddy at Mommy” o “Papa at Mama” ang gamit. Tiyak na marami sa atin ang hindi nakaaalam na ang mga terminong “Tatay” at “Nanay” ay hindi katutubong Filipino. Ito’y galing din sa español na tata at nana, at dinagdagan na lamang sa ating wika ng morpemang –y, na morpema ng pagmamahal sa Filipino. 3.6. antas sintaktiko Ano na ba talaga ang kayarian ng ating pangungusap. Ito ba’y “pangngalan + panguri” o “panguri + pangngalan”. Sa mga balita, maging pasulat o pasalita, ang estruktura ay karaniwang ganito: “Sinabi ni Catholic Bishops Conference of the Philippines, newly elected President Bishop Angel Lagdameo na ….” (DZRH : 1806, 6:30 a.m.). di ba dapat ay ganito: “Sinabi ni Bishop Angel Lagdameo, ang bagong halal na president ng Catholoic Bishops Conference of the Philippines na ...” Sa ganitong paraan ay alam na agad ng nakikinig ang taong tinutukoy....

{4.0} 4. Mga Mungkahi
4.1. antas ortograpiko: 4.1.1.1.1. Nakita natin na maluwag na nakapasok ang mga Hispanismo sa ating wika, dahil mayroong tuntunin ng pagbabaybay na sinunod. Sa makabagong Filipino, dapat tumawag ng pulong ng lahat ng awtoridad sa wika, at bumuo ng isang Lupòn na magsasagawa ng isa o dalawang taong pagaaral, pagtatalakayan, mga pagsangguni, pananaliksik at sarbey hinggil sa mga tuntunin ng pagbabaybay na tatanggapin ng ating mamamayan. 4.1.2. Huwag magatubiling paraanin sa español ang katawagang ingles bago “bihisan” sa Filipino, gaya ng ginagawa noong dati. Hal.: administration > administraciòn > administrasyon...

{4.2} 4.2. antas fonolohiko
Pag-isipan nating mabuti kung tama na ba ang pagbasa na ei, bi, si, di sa ating alpabeto. Laging sinasabi ni Tiya Dely na “kailangan marunong ka ng ingles, para matuto ng makabagong Filipino” (Tiya Dely Show: dzrh, 7:30-8:30 p.m.). Sa ganang akin, isang pahiwatig ito na hindi gaanong tinatanggap ng ating mga kababayan ang ganoong bigkas ng ating alpabeto. Dati dito, nag-eksperimento ako ng dalawang paraan ng pagbasa noon. Ang una ay yaong pinananatili ang bigkas ng abakada sa mga titik na dati na, at bigkas ingles naman doon sa mga titik na hiniram, tulad ng sumusunod: a b c d e f g h i j k l m n
a ba si da e ef ga ha i diey ka la ma na
ng ñ o p q r s t u v w x y z
nga enye o pa kyu ra sa ta u vi wa eks ya zei.

Ang ikalawang paraan ay tulad din sa una na bigkas abakada ang mga katutubong titik, samantalang bigkas español naman ang mga hiram.
a b c d e f g h i j k l m n
a ba se da e efe ga ha i hota ka la ma na
ng ñ o p q r s t u v w x y z
nga enye o pa ku ra sa ta u ube wa ekis ya seta.

Ang isa pang alternatibo ay basahin ito sa paraang español na a, be, se, de kung matatanggap ng ating sambayanan. Nasa inyong lahat ang pagpapasiya. 4.3. antas morpolohiko a. Idaan sa español ang pagbuo ng mga salita. Higit na makinis umangkop ang español sa Filipino dahil magkahawig ito di tulad ng ingles. b. Panatilihin ang paggamit ng mga morpemang español na pumasok na sa ating wika. Pampayaman iyon ng bokabularyo. c. Katutubo sa Filipino (lalo na sa Tagalog) ang paguulit ng pantig. Gawin ito at huwag katamaran at alisin ang pagwawalang bahala na “O! basta nagkakaintindihan puwede na kahit mali”. Mahalaga ang paguulit ng salita o pantig. Ayon kay Robert Hall (1966:65): Reduplication serves various semantic purposes, indicating for instance, superlative quality, (…), or repetition or continua tion (…), or intensification (…), or diminution. 4.4. antas semantiko a. Ating alamin at igalang ang kakanyahan ng wikang pambansa. b. Alalahanin na ang batayan nito ay ang wikang Tagalog at hindi ang wikang ingles. Huwag piliting iyakap ito sa wika ni Tiyo Samuel. Halimbawa : Noong nakaburol si Cardenal Jaime Sin, dinalaw ito ni Gng. Cecile Guidote Alvarez. Pagdating sa radyo, sabi ni Gng. Alvarez, “Nagdasal ako kay Cardinal Sin na hilingin niya sa Diyos na sementuhan tayong lahat para magkaisa na”. Maliwanag na sa ingles ito “...request the Lord to cement us in order to be united.” Ang gamit ng “cement” sa ingles sa pagkakataong yaon ay patalinghaga kayat di dapat na isalin ng buong buo. Dapat na sinabi niya ay “… hilingin sa Diyos na pagbuklurin tayong lahat …”.

{4.5} 4.5. antas lexiko
a. Kumunsulta sa mga Dikyonaryong Ingles-Español para sa mga bagong termino. Higit na mapalad tayo pagdating sa wika, kaysa mga kalapit-bansa natin dito sa Asya, dahil dalawa ang wika na maaari nating mahiraman ng mga katawagan.
b. Magingat sa paggamit ng mga salitang naririnig sa kalye. Ang español ay sinasalita ng halos kalahati ng mundo, pero ang itinuturing nilang español estandar ay ang español na sinasalita sa Madrid, lalo na ang ginagamit sa mga Unibersidad. Ibig sabihin, tayong mga nasa dalubhasaan ang dapat na maging modelo ng wastong wika, lalo na sa ating mga klase. Ang mga salitang hindi magets, ASAP, jologs, tsikahan, atbp, sana ay iwanan na sa labas ng kampus.

{4.6} 4.6. antas sintaktiko
Panatilihin ang estruktura ng Filipino, alamin itong mabuti, igalang at huwag piliting igapos sa wikang ingles.

{4.7} 4.7. mga dagdag na mungkahi
a. Palaganapin at palakasin ang pagaaral ng Linggwistikang Filipino. Sa ngayon ito ay isang larangan na di pa gaanong popular dito sa atin. Wala pa tayong mga prominenteng Propesor na kilalang fonologo, morfologo, semantista, lexikograpo at sintaksista na katulad sa ibang bansa.
b. Bumuo ng isang Surian ng Wikang Pambansa na susubaybay at magpapaalala sa mamamayan kung ang isang salita, bigkas o parirala ay mali, tulad ng ginagawa ng Real Academia Española de la Lengua, na tinitingala ng lahat, pagdating sa wika. c. Magsagawa ng mga bukod na pagaaral hinggil sa wikang pasalita at sa wikang pasulat. Maaring maging informal ang pasalita, subalit pagdating sa pasulat, ito ay formal na at dapat sundin ang lahat ng formalidad na taglay nito. d. Ang mga nageespesyalisà sa Español ay pinagaaral ng wikang Latin dahil sa ang Español ay nagmula sa Latin. SA mga nageespesyalisà sa Filipino, marapat na magaral din sila ng Español, para lubos na maunawaan ang ating wika. e. Kapag Filipino ang ginagamit na salita, magisip sa Filipino. Huwag nagiisip sa Ingles, tapos ay Filipino ang gagamitin. Dito nagsisimula ang paglapastangan sa ating wika.
...

{5} 5. Kongklusyon
Inilahad ko sa inyo ang mga pamamaraang linggwistiko na pinagdaanan ng mga Hispanismo para makapasok sa ating wika, gayon din ang mga problema o depekto ng makabagong Filipino, at ang aking mga mungkahi para sa ikauunlad ng ating sariling wika. Sa huli, nais ko lamang ipaalalang muli, na sa paglinang ng makabagong Filipino, dapat din bigyang pansin ang wikang Español, dahil malaki ang maitutulong nito sa atin. Isa pa, mapipilay ang ating wika kapag inalis ang mga Hispanismo. Ayon sa sarili kong pagaaral, 33% ng ating wika ay Español. Wika nga ng dakilang Senador at estadista na si Claro M. Recto (1985: 214):
El español ya es cosa nuestra, propia, sangre de nuestra sangre y carne de nuestra carne, porque asi lo quisieron nuestros màrtires, hèroes y estadistas del pasado, y sin èl, serà tronco el inventario de nuestro patrimonio cultural.

Ang Español daw ay sa atin na, sariling atin, dugo ng ating dugo at laman ng ating laman, dahil iyon ang ninais ng ating mga martir, mga bayani at mga estadista ng nakaraang panahon, at kung wala ito, magkukulang ang imbentaryo ng ating pamanang kultural.
...

{3.2.2}
...



Die filipinische Sprache von Armin Möller   http://www.germanlipa.de/text/alcantara_2006   21. Februar 2011

Die filipinische Sprache - Werkstatt - Ende Alcantara 2006

Seitenanfang   Titelseite Werkstatt   Syntax   Titelseite Filipino   Fisyntag