Si José Corazón de Jesús (22 Nobyembre 1896 - 26 Mayo 1932), kilala rin bilang Huseng Batute, ay
isang makatang Pilipino na sumulat ng mga tula sa Tagalog upang ipahayag ang pagnanasa ng mga
Pilipino na maging malaya noong panahon ng pananakop ng Estados Unidos sa Pilipinas (1898-1946).
Kabataan
Si Huseng Batute ay isinilang sa Sta. Cruz, Manila kina Vicente de Jesus, ang unang direktor ng
kagawaran ng kalusugan ng pamahalaang Amerikano sa Pilipinas, at Susana Pangilinan ng Pampanga.
Lumaki si De Jesus sa Bulacan. Unang niyang tula na nailimbag ang Pangungulila na lumabas
noong 1913 sa nasirang Ang Mithi noong siya ay 17 taong gulang.
Makatang mamahayag
Noong 1920, nakuha niya ang kanyang batsilyer ng batas mula sa nasirang Academia de Leyes ngunit hindi
niya pinagpatuloy ang kanyang pagiging abogado dahil abala na siya sa pagsulat ng isang kolum ng mga
tula sa pahayagang Tagalog na Taliba. Ang kolum ay tinawag na Buhay Maynila na isinulat niya
sa pangalang-pluma na Huseng Batute. Sa pamamagitan ng kanyang kolum, pinuna ni De Jesus ang lipunan sa
ilam ng mga mananakop na Amerikano at pinalaganap niya ang mithiin ng kasarinlan ng Pilipinas na noo'y
isang commonwealth sa ilalim ng Estados Unidos.
May mga apat na libong tula siyang sinulat sa kanyang kolum na Buhay Maynila. Sumulat din siya ng
mga walong daang kolum na pinamagatang Ang Lagot na Bagting. Paborito niyang pangalang-pluma ang
Huseng Batute ngunit sumulat din siya sa ilalim ng mga pangalang Pusong Hapis, Paruparu,
Pepito Matimtiman, Mahirap, Dahong Kusa, Paruparong Luksa, Amado Viterbi, Elias, Anastacio Salagubang
at Water Lily.
Hari ng Balagtasan
Noong 1924, si De Jesus ay isa sa mga pangunahing manunulat sa Tagalog na nagpulong sa Tondo, Manila upang
pagusapan ang pagdiriwang ng kaarawan ng makatang Tagalog na si Francisco Balagtas. Tinawag
at pinamunuan ng manunulat na Rosa Sevilla ang pulong. Napagpasyahan ng mga manunulat na magpalabas ng
tradisyonal na duplo, o isinadulang debate sa tula na uso noong araw ngunit nalalaos na noong mga 1920.
Pinalitan nila ang porma ng duplo at binansagan
itong Balagtasan para kay Balagtas. May tatlong pares ng mga makata na sumali sa unang Balagtasan.
Naging matagumpay ang balagtasan at nakagiliwan ng mga manonood ang pares nina De Jesus at Florentino
Collantes. Sumikat ng lubusan ang Balagtasan at ito ay
naging karaniwang palabas sa mga tanyag na teatro sa Maynila hanggang noong dekada
ng 1950. Pinagtapat sina De Jesus at Collantes at ginawa silang magkaribal at nagtakda ng isang tagisan
ng galin noong 1925. Si De Jesus ang nanalo ng tagisan na iyon at
binansagan siyang Hari ng Balagtasan. Hinawakan niya ang titulo hanggang mamatay siya noong 1932.
Mga huling taon
Sikat na si De Jesus bilang Huseng Batute sa buong Pilipinas noong inanyayahan siyang umarte
sa pelikulang Oriental Blood. Kasama niya ang mga bantog na aktres na ng panahong iyon
(Atang dela Rama at Carmen Rosales). Kasama rin sa kast ang kanyang anak na si Jose Corazon de Jesus
Jr., na naging aktor sa ilang mga pelikulang Pilipino. Ngunit nagkasakit si Huseng Batute habang
ginagawa ang pelikula at lumala ang kanyang sakit hanggang siya ay mamatay noong 26 Mayo 1932.
Si De Jesus ang sumulat ng Ang Bayan Kong Pilipinas na linatagan
ng himig ng musikerong si Constancio de Guzman na naging awit ng mga Pilipino na tumutol sa batas
militar na pinairal ng Pangulong Ferdinand Marcos mula noong 1972 hanggang 1980. |